Matapos ang demolisyon sa Silverio Compound: ‘Pandarahas sa maralita laganap sa ilalim ni PNoy’

April 23, 2012

Isa sa maraming biktima ng pandarahas ng pulis sa mga residente ng Silverio Compound. (Tudla Productions)

Matapos ang pagpapaputok ng pulis at SWAT, natagpuang nakahandusay sa sariling dugo si Arnel Leonor, 21 anyos, residente ng Silverio Compound. (Tudla Productions)

Kinondena ng militanteng mga organisasyon at mambabatas ang paggamit ng dahas, kabilang ang pamamaril, sa pagdemolis sa kabahayan ng mga maralita sa Silverio Compound, Paranaque City ngayong araw, Abril 23.

“Inihahayag namin ang pakikidalamhati sa mga biktima ng pasismo ng estado ngayong hapon. Ipinagtanggol ng ating mga kapatid ang kanilang mga tahanan hanggang sa kamatayan. Saludo tayo sa katapangan ng maralitang mga residente ng Silverio Compound na hindi natakot sa mga bala, at naging matatag sa makatwiran (nating) laban,” pahayag ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay).

May isang kumpirmadong napaslang, at marami ang iba pang nasugatan sa pamamaril diumano ng pulis, sa gitna ng pagtataboy sa mga residenteng lumaban para ipagtanggol ang kanilang mga tahanan.

Pinangalanan ng mga residente ang biktima na sina Arnel Leonor, 21 anyos.

Nagpupuyos sa galit ang mga residente sa brutalidad ng pulis.

“Naghihimagsik ang aming kalooban sa karahasan na ginawa sa amin ng gubyerno at ng kapulisan,” pahayag ni Shella Bernal, tagapangulo ng Kadamay-Silverio.

Sinabi pa ni Bernal na “kitang-kita natin sa video report ng mga taga-media na kahit naposasan na at nakadapa na ang kapwa namin residenteng inaresto ay patuloy pa rin ang pananapak, pambubugbog at pananakit ng mga kapulisan.”

“Kitang kita natin ang walang habas na pamamaril ng mga miyembro ng SWAT (Special Weapons and Tactics) sa aming mga residente na walang kalaban-laban.  Ang nangyaring pambabato ng mga residente ay reaksiyon lamang ng ginawang pandarahas sa aming hanay at pagdepensa sa aming kabuhayan at paninirahan,” sabi pa niya.

Dumadalas na pandarahas

Sinabi naman ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano na nagiging mas madalas ngayon ang marahas na demolisyon sa ilalim ng administrasyong Aquino. Pinakahuli lamang ang naganap sa Silverio Compound sa serye ng pandarahas sa mga maralitang lungsod tulad ng naganap noong Enero 2012 sa Brgy. Corazon de Jesus sa San Juan City, noong Nobyembre 2010 sa Brgy. San Roque sa North Triangle, Quezon City, at marami pang iba.

“Totoong walang ginagawang mabuti ang administrasyong Aquino sa ating maralitang lungsod. Nananawagan tayo sa kanya (Aquino) na itigil ang pagtugon lamang ng mga lider sa interes ng mga naghaharing elite tulad ni Henry Sy,” ani Mariano.

Inilarawan naman ng sentro ng militanteng unyonismo na Kilusang Mayo Uno (KMU) ang polisiya ng administrasyong Aquino na “giyera kontra maralita.”

“Sa halip na maglaan ng disente at murang pabahay para sa mga maralita, desidido ang rehimeng Aquino na maghasik ng karahasan laban sa kanila habang dinedemolis ang kanilang mga barung-barong at itinataboy sila mula sa lungsod. Mula Old Manila hanggang San Roque, hanggang Laperal (Compound, sa Makati City) at iba pang katulad na mga kaso, tuluy-tuloy na ginagatungan ng administrasyong Aquino ang galit ng maralitang lungsod laban dito,” paliwanag ni Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.

‘Kasakiman ni Sy’

Iginawad ng lokal na pamahalaan sa SM Development Corporation (SMDC) ng bilyonaryong negosyanteng si Henry Sy ang lupain sa lugar para pagtayuan ng isang condominium.

Subalit iginigiit ng mga residente na expropriated property na ang lugar ng Silverio Compound at binabayaran na ng mga residente ang lupa. Nasa korte na umano ang isyu ng pagmamay-ari ng lupain nang biglang ibenta ng lokal na pamahalaan sa SMDC ang naturang property.

Barikada ng mga residente ng Silverio compound, noong gabi bago ang pananalakay ng pulis. (Tudla Productions)

Barikada ng mga residente ng Silverio compound, noong gabi bago ang pananalakay ng pulis. (Tudla Productions)

“Kinokondena namin ang kasakiman ni Henry Sy at ang kontra-mahirap at para-sa-kita na planong pangkaunlaran ng gobyerno. Malinaw na kasabwat ng administrasyong Aquino ang mayayamang kapitalista tulad ni Sy kontra sa mga mamamayang Pilipino,” sabi naman ni Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan.

Itinatanggi ng lokal na pamahalaan ng Paranaque na bahagi ng implementasyon ng condominium project ang pagdemolis sa kabahayan sa 9.2 ektaryang lupain sa Silverio Compound na tinitirhan ng 28,000 pamilya.

Pero sinabi ng mga residente na narinig nilang inamin ni Paranaque City Mayor Jun Bernabe na planong magpatayo ng mga condominium ang SMDC sa lugar.

“Tagasira ng buhay si Henry Sy. Matapos putulin ang mga puno sa Baguio, tinatanggal naman niya ang libu-libong pamilya mula sa kanilang mga bahay at kabuhayan para lang sa kita,” sabi ni Bernal ng Kadamay-Silverio.

Ilan sa mga larawan ng marahas na demolisyon sa Silverio Compound, mula sa Tudla Productions:

Pagtitipon ng mga residente ng Silverio Compound sa Paranaque, para tutulan ang demolisyon sa kanilang mga tahanan. (Tudla Productions)

Pagtitipon ng mga residente ng Silverio Compound sa Paranaque, para tutulan ang demolisyon sa kanilang mga tahanan. (Tudla Productions)

Tulad ng marahas na demolisyon sa San Juan noong Enero, ginamitan din ng pulis ng tear gas ang mga residenteng lumalaban sa demolisyon. (Tudla Productions)

Tulad ng marahas na demolisyon sa San Juan noong Enero, ginamitan din ng pulis ng tear gas ang mga residenteng lumalaban sa demolisyon. (Tudla Productions)

Bato lamang ang ginamit ng mga residente na pandepensa, kaharap ng teargas, shield, truncheon at baril ng mga pulis. (Tudla Productions)

Bato lamang ang ginamit ng mga residente na pandepensa, kaharap ng teargas, shield, truncheon at baril ng mga pulis. (Tudla Productions)

Mga residenteng lumabans sa pulis na sumasalakay sa kanila. (Tudla Productions)

Mga residenteng lumaban sa pulis na sumasalakay sa kanila. (Tudla Productions)

Mga pulis sa likod ng poste, matapos mamato ng tear gas sa mga residente. (Tudla Productions)

Mga pulis sa likod ng poste, matapos mamato ng tear gas sa mga residente. (Tudla Productions)

Nagsimula nang manghuli ang mga pulis. (Tudla Productions)

Nagsimula nang manghuli ang mga pulis. (Tudla Productions)

Marami sa mga hinuli ay ginulpi rin ng pulis -- kung hindi pa man sila nagugulpi o nasasaktan bago pa ang pagkahuli sa kanila. (Tudla Productions)

Marami sa mga hinuli ay ginulpi rin ng pulis -- kung hindi pa man sila nagugulpi o nasasaktan bago pa ang pagkahuli sa kanila. (Tudla Productions)

Ilan sa iba pang inaresto ng pulis. (Tudla Productions)

Ilan sa iba pang inaresto ng pulis. (Tudla Productions)

Isa sa mga seryosong nasaktan sa pandarahas ng pulis. (Tudla Productions)

Isa sa mga seryosong nasaktan sa pandarahas ng pulis. (Tudla Productions)

Para sa iba pang larawan at coverage ng Tudla, bisitahin sila sa Facebook o puntahan ang kanilang website.

* * *

Ilang karagdagang impormasyon hinggil sa isyu ng mga residente ng Silverio Compound sa Sucat, Paranaque (mula sa Kadamay-Paranaque):

Noong 2004, ang lupa ng Silverio Compound ay in-expropriate sa bisa ng City Ordinance upang ilaan sa paninirahan ng mga residente rito.

Noong Marso 7, 2012 nang unang lumapag ang mga puwersa ng kapulisan, demolition teams at representatives mula sa Local Government Unit sa Silverio Compound at marahas na dinemolis ang commercial establishments sa harap mismo ng compound. Ang nasabing demolisyon ay daan para sa plano ni Henry Sy na pagpapatayo ng kanyang negosyong condominium sa lugar. Mariing tinutulan ng mahigit 28,000 pamilyang residente sa Sliverio Compound ang naganap na demolisyon.

Simula noon ay naghanda na sila sa susunod pang mga plano ng lokal na pamahalaan ng Paranaque, kasabwat ang malaking negosyanteng si Henry Sy.

Noong Abril 13 nang makatanggap kami ng notice na nagsasabing idedemolis ang lugar pagkalipas ng sampung araw.  Mahigpit nilang pinaghandaan ang paglaban at pagtatanggol sa kabuhayan at tahanan hanggang sa pagsapit ng ika-sampung araw ng notice. Gabi ng Abril 22, nagsagawa na ng vigil ang mga residente, bilang paghahanda sa paparating na demolisyon.  Nagkakaisa umano sila na hindi sila papayag na maisagawa ng LGU at ni Henry Sy ang kanilang planong demolisyon.

Abril 23, maaga naming pinaghandaan ang pagbabantay sa aming barikada.  Daan-daan kaming residente na lumabas sa aming tirahan upang magtanggol sa aming hanay.  Mariin naming tinututulan ang mga binitawang salita ni Mayor Bernabe na ang plano lamang idemolish ay ang talipapa sa bungad ng Silverio Compound,” sabi ni Bernal ng Kadamay-Silvero.

Sa loob ng araw na ito:

  • Alas-7 ng umaga, dumating ang may mahigit 300 kapulisan mula sa Philippine National Police Southern Police District
  • 9:45 ng umaga, nagsimula nang magpakawala ng may 20 mahigit na teargas.
  • 11:30 ng umaga, sinimulan ang marahas na paggiba ng tindahan sa talipapa.