‘Pagsasapribado ng kuryente sa Mindanao, pabor sa interes nina Sy’


Magreresulta sa pagmomonopolyo sa industriya ng kuryente sa kamay ng iilang dambuhalang negosyante tulad ni Henry Sy ang planong pagsasapribado ng mga planta ng Mindanao.

Bayan Muna Rep. Teddy Casino (KR Guda/PW File Photo)
Bayan Muna Rep. Teddy Casino (KR Guda/PW File Photo)
Bayan Muna Rep. Teddy Casino (KR Guda/PW File Photo)

Magreresulta sa pagmomonopolyo sa industriya ng kuryente sa kamay ng iilang dambuhalang negosyante tulad ni Henry Sy ang planong pagsasapribado ng mga planta ng Mindanao.

Ito ang reaksiyon ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa pag-engganyo ni Pang. Benigno Aquino III sa mga pribadong sektor na “gampanan ang responsabilidad” ng pagbibigay-suplay ng kuryente sa Mindanao.

Ayon kay Elmer Labog, tagapangulo ng KMU, hindi nalalayong na lumikha ng monopolyo ang mga negosyanteng tulad ni Sy (may-ari ng SM) sa Mindanao pagdating sa generation, transmission, distribution at maging sa retailing ng kuryente sa ilalim ng Republic Act No. 9136 o Energy and Power Industry Reform Act of 2001 (Epira).

Isinabatas ng administrasyong Arroyo ang RA 9136 o Epira “upang mapababa ang presyo ng kuryente sa pagsigurado na may mas malaking kompetisyon para sa mga korporasyon.” Pero kabaliktaran ang naganap sa industriya ng kuryente, na walang-habas na tumaas at tumataas ang singil sa mga konsiyumer.

Sa paghimok ni Aquino na ideregularisa at isapribado ang serbisyo ng kuryente sa Mindanao, maaaring magbigay-laya sa mga tulad ni Sy na magtaas ng singil kung kalian niya ito naisin, sinabi ni Labog.

“Sa ilalim ng isang monopolyo, ang mga manggagawa at taumbayan ng Mindanao ay lalo pang mahihirapan dahil sa walang habas na pagtaas sa singil ng kuryente,” ani Labog.

Si Sy na ngayon ang presidente, chief executive officer at may-ari ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), isang pribadong kompanya na nagmamantine at namamahala sa power transmission ng bansa.

“Walang hangganan ang pagka-ganid ni Henry Sy. Nakita na natin ito sa nakaraang isyu ng pagpuputol ng mga puno sa Baguio at ang mahabang kasaysayan ng pagkongtraktwalisa sa kanyang mga manggagawa,” dagdag pa ng lider-obrero.

Samantala, nanawagan rin sina Senador Aquilino Pimentel Jr., Francis Escudero III, Sek. Luwalhati Antonino ng Mindanao Development Authority (MDA), at North Cotabato Gov. Lala Talinio-Mendoza para sa isang independiyenteng imbestigasyon sa nagaganap na power shortages sa Mindanao.

Isinisi rin ng MDA ang mga power transmission grid ng NGCP sa paglikha umano ng isang gawa-gawang power shortage para umano mahikayat pa lalo ang pagsasapribado ng Agus-Pulangi hydropower plants.

Pagtutol

Umani din ng batikos ang paghimok ni Aquino sa pribadong sektor na lalong inegosyo ang kuryente sa Mindanao Power Summit nuong  April 14.

Ayon kay Gabriela Rep. Emmi de Jesus, “(Mistulang) tumatayong tagapagsalita ang Pangulo para sa pribadong sektor na interesadong bumili sa power industry ng Mindanao.” Hindi umano makakatulong ang hakbang na ito kung ikokonsidera ang kahirapan ng mga mamamayan ng Mindanao.

Dagdag pa niya, sa kasalukuya’y isa ang Mindanao sa mga lugar ng bansa na hindi pa saklaw ng Epira. Tinatayang napapabilang rin ang tatlong rehiyon ng Mindanao sa pinakamahihirap na rehiyon sa bansa, kung pagbabatayan ang porsiyento ng “poverty incidence” ng mga rehiyon ng Caraga (39.8%), Autonomous Region for Muslim Mindanao (38.1%) at Zamboanga Peninsula (36.6%).

“Kahit sa harap ng matinding pagdarahop, gusto pa rin ni Aquino na maglabas ng dagdag na pera ang mga mamamayan upang ‘solusyunan’ ang krisis sa kuryente. Hindi ba’t ito ang dahilan kung bakit nangongolekta ng buwis [ang gobyerno]—upang tugunan ang mga gastusin tulad ng mga imprastruktura ‘t mga proyekto sa enerhiya?” sabi pa ni de Jesus.

Sinabi ni Aquino na tapos na raw ang panahon ng murang kuryente sa Mindanao, at tanging ang pribadong sektor lamang ang makakasiguro ng sustenadong suplay ng kuryente sa isla.

Dagdag niya, kinakailangang magtaas nang “bahagya” ang bayarin sa kuryente kung ayaw ng mga taga-Mindanao maulit ang mga serye ng brownout.

“Hindi na lamang ito isyu ng enerhiya, tungkol na rin ito sa pag-attract ng mamumuhunan at paglikha ng trabaho, at pati na rin sa pagsisiguro ng kinabukasan ng bayang ito. Bago matapos ang katungkulan ko sa 2016, pangarap kong ang sitwasyong ito ukol sa kuryente ay hindi na magiging sakit ng ulo sa mga Minadanaoan at investors sa kapuluan — sa panahong iyon, masasabi kong iniwan ko kayo sa mabuting kamay,” sabi ni Aquino sa mga kalahok sa summit.

Ibasura ang Epira’

Nakikita ng mga lider-militante, maging mga lokal na lider ng Mindanao tulad nina Davao del Norte Gov. Rodolfo del Rosario at ARMM Gov. Mujiv Hataman, ang pangangailangang ibasura at tutulan ang pribitisasyon sa ilalim ng Epira.

Ayon kay Bayan Muna Rep. Teodoro Casiño, maaaring nanghihikayat si Aquino na lumahok ang pribadong sektor sa pagseserbisyo ng kuryente para “paboran” ang mga “kaibigan, kaklase, at kabarilan” ng Pangulo.

“Tinitignan namin ang ilang ulat na nagagamit ang Mindanao power crisis upang mapalaki ang tubo ng malalaking power providers tulad ng Aboitiz Group, na kung pagbabatayan ang  DOE Circular DC 2012–03-0004, ay maaaring nakikipagsabwatan sa administrasyon,” ani Casiño.

Sa panahon ng termino ni Pang. Corazon Aquino, dumalas ang blackouts at pinaghinalaang ang mga Aboitizes ang gumanansiya rito bilang may-ari ng power generators.

Ayon kay de Jesus, kung sinsero ang Pangulo sa pagresolba ng krisis, walang ibang paraan kundi ang pagbabasura sa Epira.

“Kailangang iabandona (ni Aquino) ang lahat ng mga iskemang pribatisasiyon at deregularisasyon (dahil) dagdag pasanin lamang ito sa indibidwal na mga konsiyumer, lalo na para sa mga mahihirap na hindi man lamang makapaghain ng pagkain tatlong beses sa kanilang mga mesa,” sabi pa ni de Jesus.