Uncategorized

Payo ni Ramon Tulfo sa mga out-of-school youth: Magbasa


Inaamin ni Ramon Tulfo na hindi siya nakapagtapos ng kolehiyo man lang kaya siya noong una ay nahiya at nagsisi pero huli na ang lahat. Para makabawi siya ay nag-isip siya ng paraan. Ambisyoso rin si Ramon kaya nang hindi siya nakapasa sa Philippine Military Academy ay nagpasya siyang sa media niya ilalaan ang kanyang […]

Ramon Tulfo
Ramon Tulfo
Ramon Tulfo

Inaamin ni Ramon Tulfo na hindi siya nakapagtapos ng kolehiyo man lang kaya siya noong una ay nahiya at nagsisi pero huli na ang lahat.

Para makabawi siya ay nag-isip siya ng paraan.

Ambisyoso rin si Ramon kaya nang hindi siya nakapasa sa Philippine Military Academy ay nagpasya siyang sa media niya ilalaan ang kanyang mga pangarap na makaabante sa buhay-propesyunal.

Ayaw anya niya na sarhento lang ang kanyang ranggo o kaya naman ay private—ang gusto niya ay may mataas na katungkulan, halimbawa’y heneral pero naglaho na nga ang pag-asang ‘yon sa hangin.

May nakita rin kasi siyang tunggalian at pataasan ng ihi sa pagitan ng mga sundalong nagtapos sa PMA at sa mga pulis na nag-training lang sa kung saan.

Kaya kailangang patunayan niyang sa ibang larangan ay aalagwa siya.

***

Ang unang ginawa ni Tulfo ay nagbasa siya hindi lang ng balutan ng tinapa kundi ng mga aklat at babasahing makapagpapalago at makapagpapasustansiya ng kanyang isip.

Hanggang ngayon anya ay nakakatapos siya ng dalawang libro sa loob ng isang linggo, isang bagay na ikatutuwa na ni Neni Sta. Romana-Cruz at ng Read Along Projects ng mga non-government organization.

“Ang English ko, nakuha ko sa pagbabasa. Nanonood rin ako ng mga movies na makapag-i-enhance ng verbal expression ko,” pahayag ni Mon.

Kaya ang payo niya sa mga estudyante—lalo na sa mga hindi makapagtatapos ng kolehiyo pero may mga pangarap na nais matupad para sa magandang kinabukasan.

“Kailangang magbasa hindi lang ang mga estudyante kundi maging ang mga hindi estudyante,” paghahambing ng kontrobersyal na TV host at peryodista.

***

Naimbitahan kasi siya sa Infanta, Quezon, sa ACTS Computer College of Infanta sa Infanta, Quezon na maging panauhing tagapagsalita sa pagtatapos ng mga mag-aaral doon.

Ang kanyang talumpati ani Tito Mon ay talagang para ihain ang kanyang mga karanasan at katwiran na hindi dapat mawalan ng pag-asa ang mga hindi man lang nakatuntong sa paaralan—mataas man o mababa o nasa tersiyaryeng bahagdan.

Para kay Tulfo, ang pagtatapos ay simula pa lang ng buhay.

Ang pag-aaral ay pagkatapos din ng pagtatapos dahil mas marami ring dapat matutunan sa labas ng eskuwelahan pagkatapos ng pagtatapos, pormal man o di-pormal.

***

May mga modelo rin si Ramon sa kanyang trabaho noon at ngayon.

Sa telebisyon—kung saan nagtrabaho si Tulfo sa simula pa lang ng kanyang gawain bilang peryodistang pantelebisyon—nakasama niya sina Bong Lapira at Jose Mari Velez.

“Malaki ang impluwensiya sa akin nina Bong at Jose Mari sa TV,” pahayag ni Tulfo.

Inilinaw niya ang kanyang katarayan ay bahagi na ng kanyang personalidad na hindi niya ginaya.

Sina Teodoro Valencia at Louie Beltran naman ang idolo ni Mon sa kanyang panulat.

Sa pamamagitan ng mga bagay na ito sa mga libro at sa tunay na buhay ng mga tao, natututo ani Ramon ang sinuman sa pagbabasa lalo na ngayong sandamukal ang mga impormasyon sa new media pero ang pinagtutuunan lang ng pansin kadalasan ng mga estudyante ay ang nakakaaliw lang na mga bagay sa Internet o sa iba pang lagusan ng karunungan.