Manggagawa

Mga obrero ng malaking hardware, muling nagwelga


Muling itinirik ng mga manggagawa ng Co Ban Kiat Hardware ang kanilang welga noong Mayo 23, dalawang linggo matapos maipagwagi ang naunang dalawang araw na welga. Inakusahan ng Co Ban Kiat Workers Union ang manedsment ng paglabag sa kanilang kasunduan na maibalik ang tinanggal na mga manggagawa, iregularisa ang mga kontraktuwal at kilalanin ang kanilang […]

Muling pagwelga ng mga manggagawa ng Co Ban Kiat, dalawang linggo matapos ang unang matagumpay na welga. (Kontribusyon)
Muling pagwelga ng mga manggagawa ng Co Ban Kiat, dalawang linggo matapos ang unang matagumpay na welga. (Kontribusyon)
Muling pagwelga ng mga manggagawa ng Co Ban Kiat, dalawang linggo matapos ang unang matagumpay na welga. (Kontribusyon)

Muling itinirik ng mga manggagawa ng Co Ban Kiat Hardware ang kanilang welga noong Mayo 23, dalawang linggo matapos maipagwagi ang naunang dalawang araw na welga.

Inakusahan ng Co Ban Kiat Workers Union ang manedsment ng paglabag sa kanilang kasunduan na maibalik ang tinanggal na mga manggagawa, iregularisa ang mga kontraktuwal at kilalanin ang kanilang unyon.

Idinahilan daw ng manedsment ang terminasyon ng ahensiya kung saan nakapaloob ang kakaregularisang 14 na manggagawa ng hardware. Agaran umanong  tinanggal ang mga ito matapos ang naunang welga.

“May karapatan ang mga manggagawa ng Co Ban Kiat na magwelga. Tinatanggal ng Co Ban Kiat ang mga manggagawa at dinudurog nito ang kanilang unyon, Labag ito sa napagkasunduan sa pagitan ng unyon at manedsment  na ibinunga ng naunang welga,” pahayag ni Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno (KMU).
Sinabi pa ni Soluta na hindi lamang paglabag sa kasunduan ang ginawa ng manedsment, masamang  pangitain umano ito.

“Ibig sabihin, maaaring tanggalin ang mga dating kontraktuwal gamit ang kaparehong dahilan,” aniya.
Isinisi din ng KMU ang pagtanggal sa mga manggagawa sa kautusan ng Department of Labor and Employment (DOLE), ang Department Order 18-A.

Ayon sa administrasyong Aquino, ang naturang order ay “magiging solusyon sa kontraktwalisasyon” at sa nagaganap na ang tanggalan.

Sa ilalim ng kautusang  ito, maaari nang maregularisa ang isang manggagawang naglingkod sa loob ng anim na buwan. Ayon sa KMU, patunay umano ang kaso ng mga manggagawa ng Co Ban Kiat sa pag-iwas ng mga kapitalista na maregularisa ang kanilang mga mangagawa.

“Tinapos ng kapitalista ang kontrata sa service agency para matanggal ang mga manggagawa, mahadlangan ang pagiging regular nila, at mabuwag ang kanilang bagong-tayong union,” sabi pa ni Soluta.

Ngunit iginigiit ng lider-manggagawa na hindi maaaring gamiting dahilan ng manedsment ng Co Ban Kiat ang terminasyon sa kontrata ng service agency upang tanggalin ang mga manggagawa.

“Lumagda sa kasunduan ang manedsment at ang union, (at) walang kinalaman (dito) ang service agency,” dagdag pa ni Soluta.

Ayon pa sa KMU, sapilitang pinapapirma ang mga manggagawa na huwag sumali sa unyon na malinaw umanong pagbuwag sa bagong tayong unyon sa loob ng hardware.

Nananawagan ang KMU na suportahan ang panibagong welgang itinayo ng mga manggagawa sa Co Ban Kiat Hardware na pag-aari ni Johnny Co Ban Kiat at pangunahing tagasuplay ng Ace Hardware.