Karapatang Pantao

Health workers, sumugod sa Kamara para tutulan ‘korporatisasyon’ ng mga pampublikong ospital


Sinugod ng mga kawaning pangkalusugan ang Kamara upang pigilan ang pagsasabatas ng House Bill 6069 o Hospital Corporatization Bill ni Bacolod Rep. Anthony Golez na patakbuhin bilang korporasyon, o sa esensiya’y isapribado, ang 26 na pampublikong ospital sa bansa. Inaprubahan noong Mayo 16 ng House Committee on Health ang nasabing panukalang batas, samantalang ang katulad […]

Hindi, dapat ginagawang negosyo ang kalusugan at iba pang sektor pang-edukasyon. (Pher Pasion)
Para sa mga manggagawang pangkalusugan ng Alliance of Health Workers, lalong mawawala sa akses ng mga mahihirap na Pilipino ang mga pampublikong ospital. (Pher Pasion)
Para sa mga manggagawang pangkalusugan ng Alliance of Health Workers at Health Alliance for Democracy, lalong mawawala sa akses ng mga mahihirap na Pilipino ang mga pampublikong ospital kung itutuloy ang korporatisasyon ng mga ito. (Pher Pasion)

Sinugod ng mga kawaning pangkalusugan ang Kamara upang pigilan ang pagsasabatas ng House Bill 6069 o Hospital Corporatization Bill ni Bacolod Rep. Anthony Golez na patakbuhin bilang korporasyon, o sa esensiya’y isapribado, ang 26 na pampublikong ospital sa bansa.

Inaprubahan noong Mayo 16 ng House Committee on Health ang nasabing panukalang batas, samantalang ang katulad nito na House Bill 6145 ni Rep. Raul Daza ay pag-uusapan pa ng nasabing komite. Ang Senate Bill 3130 naman ni Sen. Franklin Drilon ang counterpart nito sa Senado.

Kung maisasabatas, maisasapribado nito ang pampublikong mga ospital sa bansa at magiging negosyo ang serbisyo sa kalusugan, ayon sa Alliance of Health Workers (AHW) at Network Opposed to Privatization (NOP).

“Ang corporatization ay isang anyo ng pribatisasyon. Sa ilalim ng pribadong balangkas, ang kalusugan ay itinuturing na kalakal para sa pribadong tubo kapalit ng kalusugan ng mga mamamayan,” pahayag ni Dr. Geneve Rivera-Reyes, pangkalahatang kalihim ng Health Alliance for Democracy (HEAD).

Ani Reyes, halimbawa ng masamang epekto ng korporatisasyon ang pagkakaroon lamang ng 20 porsiyento ng mga pasyente na charity patients sa Philippine Heart Center.

Sa kabila ito ng pagkakaroon ng backlog na mahigit sa 1,000 charity patients para operahan sa puso.

Hindi, dapat ginagawang negosyo ang kalusugan at iba pang sektor pang-edukasyon. (Pher Pasion)
Hindi dapat ginagawang negosyo ang kalusugan at iba pang sektor pang-edukasyon, ayon sa mga manggagawang pangkalusugan. (Pher Pasion)

“Mayorya sa mga mamamayang Pilipino ay mahihirap, at hindi na nila matugunan ang kanilang batayang mga pangangailangan dahil sa taas ng mga presyo at kulang na sahod. Kung ang mga ospital na pag-aari ng gobyerno ay sasailalim sa corporatizations, ang pasani’y mapupunta sa mga pasyente lalo na sa mga mahihirap,” ayon kay Reyes.

Inihayag naman ng NOP ang kanilang paniniwalang ang pribatisasyon sa pamamagitan ng corporatization, public-private partnerships at iba pa, ay nangangahulugan ng pagtalikod sa karapatan ng mga mamamayan sa kalusugan. Magreresulta ito sa hindi maabot, mas mahal na serbisyo sa kalusugan para sa mga mamamayan lalo na ang mahihirap.

“Tumalikod ang administrasyong Aquino sa responsabilidad nito sa publikong mga ospital sa pagpapahintulot nito sa pribadong mga sektor sa pagkokorporatisa ng ating mga publikong ospital,” ayon kay Robert Mendoza, pangkalahatang-kalihim ng AHW.

Kabilang sa mga sasailalim sa corporatization ang Jose R. Reyes Memorial Medical Center, Rizal Medical Center, Cagayan Valley Medical Center, Baguio General Hospital and Medical Center, Bicol Medical Center, Quirino Memorial Medical Center, Amang Rodriguez Medical Center at San Lazaro Hospital.

Kasama pa rito ang Eastern Visayas Regional Medical Center, Western Visayas Medical Center, Northern Mindanao Medical Center, Southern Philippines Medical Center, Zamboanga City Medical Center, Cotobato Regional and Medical Center, Caraga Regional Hospital, Davao Regional Hospital, at iba pa.

Dahil sa oryentasyon nito, kailangang magkaroon ng income generating projects sa kanilang operasyon ang mga ospital na ito na nangangahulugang pagputol ng pagkadepende nila sa gobyerno para sa subsidy. Gagawin nitong negosyo ang serbisyo sa kalusugan, ayon sa AHW.

“Hindi na lamang ang mga sakit, kundi ang serbisyo sa kalusugan mismo, ang nagiging panganib sa ordinaryong mga Pilipino, na naglalayo sa karamihan sa kanila tungo sa mas ibayong pagdarahop,” diin ni Reyes.