Bagong ‘gobyerno’ sa Timog Mindanao


Malayo sa ingay at init ng lungsod ang hanay ng kabundukang tila’y buong panahong binabalutan ng ulap. Sa bahaging ito ng lungsod, walang kasingginaw ang umaga. Tuwing hapon hanggang madaling araw ang pagbuhos ng ulang dala ng humahampas na hangin

Mga gerilya ng Timog Mindanao: "Pinaka-organisado, pinaka-aktibo," ayon pa sa AFP. (KR Guda)
Mga gerilya ng Timog Mindanao: “Pinaka-organisado, pinaka-aktibo,” ayon pa sa AFP. KR Guda

DAVAO CITY – Malayo sa ingay at init ng lungsod ang hanay ng mga bundok na tila’y buong panahong binabalutan ng ulap. Sa bahaging ito ng lungsod, walang kasingginaw ang umaga. Tuwing hapon hanggang madaling araw ang pagbuhos ng ulang dala ng humahampas na hangin.

Nakakubli sa gubat na hitik ng puno, sa mga dahong hitik ng tubig, ang isang munting kampo.

Ito ang kampo ng mga gerilya ng New People’s Army. “Mabuti rito, tanaw namin ang komunidad,” sabi ng isang gerilya, si Arnold, na sumalubong sa Pinoy Weekly isang araw noong Hunyo sa naturang kabundukan. Mula sa kampong itinayo, tanaw ang mga bahay ng mga magsasaka at mga taniman ng iba’t ibang klase ng gulay.

Kinakatawan ng kampo ang isang “bagong gobyernong” tinatangkilik ng mga magsasaka at mamamayan sa lugar. Ito ang pampulitikang presensiya ng rebolusyonaryong kilusan, o mas mainam, ng rebolusyonaryong gobyerno, na itinatatag kasabay ng pagkakaroon ng “reaksiyonaryong gobyernong” pinamumunuan ngayon ni Benigno Aquino III.

Sa kampong ito, paroo’t parito ang mga hukbo, abala sa kung anu-anong gawain. Maraming problemang nilulutas. Maraming isyung tinutugunan. Maraming planong ipinapatupad.

Abala sa paglutas

Kabilang si Arnold sa mga abala, kung kaya agad niyang pinakilala ang Pinoy Weekly sa isa sa mga nakatatandang gerilya sa lugar.

Pinakilala niya ang kasamahang si Simon Santiago. Nagkataong pinamumunuan ni Simon ang departamento sa usaping pampulitika ng Merardo Arce Command, ang rehiyunal na kumand ng NPA sa Timog Mindanao. Agad siyang nagpaunlak sa panayam.

“Mabuti at naabutan ninyo kami rito,” bungad ni Simon, na abala nga sa iba’t ibang pulong. Bilang nangungunang layunin sa susunod na mga buwan at taon, abala ang kanilang kumand sa “pagtahi-tahi” sa iba’t ibang larangang gerilya na dating kalat at hiwa-hiwalay sa buong rehiyon ng Timog Mindanao. Sang-ayon ito sa programa ng buong rebolusyonaryong kilusan para makamit ang mga rekisito sa “estratehikong pagkakapatas” sa pagitan nito at ng armadong puwersa ng gobyerno.

Sa simula pa lamang, agad nang ibinukas ni Simon ang kanilang naging mga kahinaan. “Noong 2002, may mga problemang kinaharap ang kilusan sa rehiyon ng Timog Mindanao,” pagsisimula ng kuwento ni Simon.

“Maraming aksiyong depensiba, pero (may hibo) ng konserbatismo sa larangang pampulitika at militar,” sabi niya. Ibig sabihin, kahit na may sapat na lakas, hindi agresibong nagpalakas at nagpalawak ng kinikilusang teritoryo ang rebolusyonaryong kilusan noon.

Pero nag-ayos sila, ayon kay Simon, at pagsapit ng 2005 ay nakakitaan ng ibayong paglakas at paglawak.

Pagtugon sa problema

Maraming problema na kinaharap ang mga magsasaka – at nanguna ang mga rebolusyonaryo sa pagtugon dito.

“Karamihan sa mga magsasaka rito, mga Bisaya, mga settler (galing sa ibang lugar),” aniya. Isa sa mga pinroblema nila ang pangangamkam ng lupa ng mga panginoong maylupa at ng gobyerno para sa mga operasyong pagtotroso. Laganap ang kuwento ng pakikisangkot ng lokal na mga opisyal sa gawaing ito na mapanira sa kalikasan.

Malaki ring problema ang posibleng pagpasok ng mga proyektong pagmimina. Bagamat idineklara ni Davao City Mayor Sara Duterte na “bawal ang mining” sa lugar, marami na ang aplikasyon para magmina ng ginto at tanso. At sa bisa ng bagong Executive Order No. 79 ni Pangulong Aquino, inalis na rin sa kamay ng lokal na pamahalaan ang kontrol sa pagpasok o pagbawal ng pagmimina sa kanilang mga lugar.

Maaaring maituring na malakas na pampulitikang puwersa -- o hiwalay na gobyerno pa nga -- ang rebolusyonaryong kilusan sa Timog Mindanao. (KR Guda)
Maaaring maituring na malakas na pampulitikang puwersa — o hiwalay na gobyerno pa nga — ang rebolusyonaryong kilusan sa Timog Mindanao. (KR Guda)

“2005 pa, may mining application na sa halos 16,000 ektaryang lugar sa Marilog (distrito sa Davao) ang Mambusao Mining Corporation,” sabi ni Simon.

Kamakaila’y ginamit din umano ang isang landslide sa Marilog para magdeklara ng “no habitation policy” sa lugar – ibig sabihi’y palalayasin ang mga residente sa lugar, habang pinakatan na ito ng mga sundalo ng 84th Infantry Battallion at 69th IB ng Philippine Army na galing pa sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija.

Pero sa mga lugar na may NPA, hindi basta makapasok ang mga sundalo. Naipapatupad din ng mga gerilya ang paggiit sa karapatan ng mga magsasaka. Kuwento ni Simon, naorganisa nila at napakilos ang mga magsasaka, laluna matapos ang paglulunsad ng mga kumperensiya sa lugar para mabigyang pansin ang mga problema sa lupa ng mga magsasaka.

“Taong 2005, marami-rami nang pagkilos para sa rebolusyong agraryo. Naglunsad ng mga kumperensiya at mga kampanyang anti-piyudal ng mga magsasaka para mabigyang pokus ang mga problema nila,” sabi ni Simon.

Walang paghina

Taong 2008, noong huling bahagi ng implementasyon ng dating programang kontra-insurhensiya ng gobyerno na Oplan Bantay 1, dineklara ng 10th Infantry Battalion ng Army na “labis na humina” na ang rebolusyonaryong kilusan sa Timog Mindanao.

Pero kalauna’y napakita ng mga gerilya na malayo sa katotohanan ang pahayag ng AFP. Noong nakaraang taon, matagumpay pa nga nilang nabihag si Mayor Henry Dano ng Lingig, Surgao del Sur, na nanguna sa pagbubuo ng private army na naging katuwang ng militar sa mga operasyon nito. Pinalaya rin ng mga gerilya si Dano at dalawang kasamahan niya matapos humingi si Dano ng tawad sa rebolusyonaryong kilusan at sa mga magsasakang napinsala ng mga operasyong militar.

Sa Kitaotao, Bukidnon noong Hulyo 2011, apat na armadong tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology ang inaresto ng mga gerilya, dinasarmahan at matapos ang tatlong buwan ay pinalaya.

Napilitan tuloy ang militar na lunukin ang dati nitong mga pahayag. Kalaunan, sinabi na ng militar sa midya na ang mga NPA sa Timog Mindanao ang “pinaka-aktibo at pinaka-organisado” sa buong Mindanao.

Pinakatan ng tropa

Tanaw sa malayo: Naghahanda umano ang NPA sa pag-abante ng kanilang armadong pakikibaka tungo sa "estratehikong pagkakapatas" sa hinaharap. (KR Guda)
Tanaw sa malayo: Naghahanda umano ang NPA sa pag-abante ng kanilang armadong pakikibaka tungo sa “estratehikong pagkakapatas” sa hinaharap. (KR Guda)

Pero ang pinakamalinaw na indikasyon na di nadurog at lumakas pa nga ang rebolusyonaryong kilusan sa Timog Mindanao: ang pagpakat ng AFP ng karagdagang puwersa sa rehiyon.

“Sabi nila, wala na raw, pakupas na (ang NPA sa rehiyon). Pero ang nangyari, (kalauna’y) mas malaki ang deployment nila sa Timog Mindanao, partikular sa Davao,” ani Simon. Dati, isang batalyon ng Task Force Davao ang naitalaga ng Armed Forces of the Philippines para sa lugar ng Davao. “Pero ngayon, maliban sa Task Force Davao, may 69th IB, may 84th Battalion na rin, na hindi mula sa 10th IB, kundi mula pa sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija.”

Kasabay ito ng pagpapatupad ng AFP ng bagong programang kontra-insurhensiya ng administrasyong Aquino, ang Oplan Bayanihan. Sabi ng militar, nakapokus ang pagpapatupad nito sa mga proyektong “peace and development” sa mga lugar ng insurhensiya tulad sa Davao.

Pero pagpapaigting ng mga proyektong nakapipinsala hindi lang sa mga mamamayan kundi sa kalikasan ang klase ng kaunlaran nila, ani Simon. Ang masama, binigyan-diin ng programa sa Davao ang paggamit sa karapatang ansestral ng mga Lumad para makamkam ang mga lupain ng mga magsasaka.

Mga bagani o iyung tinaguriang “black fighters” ang turing ng militar sa mga narereklutang paramilitar na mula sa Lumad. “Dahil sa kawalan ng oportunidad, naloloko nila ang mga Lumad na mapasama sa kanila. Wala kasing magandang hanapbuhay ang mga Lumad dito,” sabi pa ni Simon. Karamihan sa mga Lumad ay mga manggagawang bukid at seasonal farmers. Malakas ang relasyong piyudal sa pagitan ng mga Lumad, kung kaya nirerekluta ng mga militar ang mga datu o mga lider ng mga Lumad para mahikayat ang mga ito na pumanig sa militar.

Kadalasang ipinapapasok na “hanapbuhay” sa mga Lumad ang cattle rustling o pagnanakaw ng mga baka, at pagbebenta ng pekeng gold bars.

Pinangungunahan ng mga gerilya ang pagpapaliwanag na mga naaabot nilang mga Lumad na ginagamit lamang sila ng militar. Noong nabubuhay pa si Fr. Fausto “Pops” Tentorio, kuwento ni Simon, lahat ng mga komunidad ng mga Lumad na napupuntahan niya ay di naloloko na sumali sa mga bagani. “Kaya sa tingin ng militar, naging hadlang na si Fr. Pops sa counter-insurgency campaign,” sabi pa ni Simon.

Noong Oktubre 2011, pinaslang si Fr. Pops ng pinaghihinalaang mga ahente ng militar. Wala pa ring kalinawan ang imbestigasyon ng gobyerno.

Samantala, sa sariling prosesong panghustisya ng mga rebolusyonaryo, natapos na ang imbestigasyon sa pamamaslang kay Fr. Pops. “May mga saksi tayo sa kung sino ang nagplano at nagpatupad ng pagpatay sa kanya,” sabi pa ni Simon.

Mga Lumad na bagani ng militar ang natukoy na gunmen kay Fr. Pops. Pero isang Swiss na negosyante na nagngangalang Patrick Wineger ang napag-alaman sa mga imbestigasyon na utak ng pamamaslang. Kilalang asset ng militar sa lugar si Wineger, na tumatayo ring may-ari ng isang plantasyon ng mga saging.

Noong Marso 2012, binaril ng dalawang miyembro ng “sparrow unit” ng NPA sa palengke ng Kidapawan City si Wineger. Ayon kay Simon, matagal nang napagdesisyunang parusahan si Wineger. Malalim kasi ang paglahok niya sa madugong programang kontra-insurhensiya ng militar sa Timog Mindanao. Napagdesisyunan ang pagpaparusa kay Wineger bago pa man napag-alaman sa imbestigasyon ng NPA na direktang utak siya sa pagpatay kay Fr. Pops.

Samantala, pinaghahandaan umano ng mga gerilya ang pag-aresto at pagpaparusa sa iba pang maysala sa pagpaslang kay Fr. Pops, sabi ni Simon.

Simon Santiago, pinuno ng departamento sa usaping pampulitika ng Merardo Arce Command ng NPA sa Timog Mindanao. (KR Guda)
Simon Santiago, pinuno ng departamento sa usaping pampulitika ng Merardo Arce Command ng NPA sa Timog Mindanao. (KR Guda)

Sa panahon ng halalan

Kung may pagkakataon mang nararamdaman ang “reaksiyonaryong gobyerno” sa teritoryong ito ng rebolusyonaryong kilusan, ito’y tuwing eleksiyon.

Siyempre, hindi lumalahok sa halalan ng mga “reaksiyonaryo” ang NPA. Gayunman, mga botante pa rin ang marami sa mga magsasaka sa teritoryo nila. Kung kaya, sa pambansa at lokal na saklaw, nagkaroon ng mga polisiya ang rebolusyonaryong kilusan hinggil dito.

Kuwento ni Simon, ngayong Hunyo pa lamang ay marami nang pulitiko na gustong kumandidato na lumalapit sa kanila para “makipagnegosasyon.” Ibig sabihin, gustong mangampanya – at di maaresto o mapigilan – ng mga pulitiko sa mga teritoryo ng rebolusyonaryong kilusan. “Halos lahat sa kanila, nakikipag-usap, maliban sa mga pinaka-despotiko,” sabi niya.

May malinaw na pamantayan ang NPA sa mga papasok sa mga teritoryo nito para mangampanya. Pangunahin dito ang pagkilatis sa mensaheng dala nila sa masa. Kuwento ni Simon, inaalam nila ang programang ipinapangakong ipapatupad ng mga kandidato. Sa mga kandidatong may track record at plataporma ng pagtaguyod sa progresibong mga adhikan, hindi na kailangan ng negosasyon; pinapayagan na silang mangampanya.

Samantala, kinokontrol din ng mga gerilya ang pagpasok ng armadong mga puwersa sa kanilang lugar. “Hindi puwedeng magdala ng baril (ang mga pulitiko). Di puwede ang armadong mga bodyguard, private army o (laluna) militar na eskort,” sabi ni Simon.

Pag-aaral ng mga gerilyang medic sa kabundukan ng Davao City. (KR Guda)
Pag-aaral ng mga gerilyang medic sa kabundukan ng Davao City. (KR Guda)

Madalas na naibabalita ang “pangongotong” daw ng NPA sa mga pulitiko, sa porma ng “permit to campaign” o “access fees” na kinukulekta nila. Pero paliwanag ni Simon, malinaw na pagkilala sa kapangyarihang pampulitika ng kilusan ang pagbayad ng mga pulitiko ng fees na ito. Kahit anong gobyerno, aniya, ay nagbubuwis. Saka may direktang gamit ang mga pondong nakakalap dito para sa mga proyekto para sa mga komunidad.

Samantala, mayroon din namang pulitiko na di pinapayagan. Ito iyung mga pulitikong itinuturing nilang “sagadsagarang” kontra sa mga mamamayan. Kabilang na riyan, ani Simon, ang mga pulitikong nasangkot sa mga pangangamkam sa lupa ng magsasaka, gayundin iyung sumusuporta sa programang kontra-insurhensiya ng militar, at iyung nagtutulak ng mga “proyektong” makapipinsala sa kapaligiran at mga komunidad.

Itinuro niyang halimbawa nito noong nakaraang eleksiyong 2010 si dating Rep. at House Speaker Prospero Nograles Jr.,  na nagkalinga ng mga grupong paramilitar sa Davao. Noong 2010, tumakbo si Nograles sa pagka-alkalde ng Davao City. “Sa kampanya, dinala pa niya rito si (Hen. Jovito) Palparan,” sabi ni Simon. Nagsilbing security si Palparan ni Nograles – tulad ng pagsilbing security ng notoryus na heneral ng malalaking kompanya ng mina sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.

Pero naganap ito bago pinaaresto si Palparan ng isang korte sa Bulacan. Naganap ito bago siya nagtago.

“May mga nababalitaan kaming dito raw sa Mindanao si Palparan nagtatago,” ani Simon. “Wala pa namang sighting.” Sa maulap at makapal na kabundukan ng Timog Mindanao, o sa iba pang rehiyon sa Mindanao, maaaring makahanap ng mapagtataguan ang naturang berdugo ng militar. Tutal, marami ring grupong paramilitar na tinayo ang militar at posibleng sa piling ng mga ito nagtatago ngayon si Palparan.

Pero kung malagi siya sa (lumalawak na) teritoryo ng NPA, ani Simon, aasahang mapapasailalim agad siya sa kapangyarihan ng bagong gobyerno ng bayan.

(Panoorin ang bidyo-dokumentaryo hinggil sa panayam ng Pinoy Weekly kay Simon Santiago.)

(Basahin ang artikulo ni Macky Macaspac hinggil sa paghangad ng ‘rebolusyonaryong hustisya’ sa pagpaslang kay Fr. Fausto Tentorio.)