Tinig Kalikasan

Maita Gomez: palaban, makabayan at makakalikasan


Mandirigma, ina, peminista, at tagapagtanggol ng pambansang patrimonya—ito ang ilan sa mga salitang pumapasok sa isip ko sa pagpanaw niMaita Gomez (1947-2012)

Mandirigma, ina, peminista, at tagapagtanggol ng pambansang patrimonya—ito ang ilan sa mga salitang pumapasok sa isip ko sa pagpanaw ni Maita Gomez (1947-2012).

Mas kilala ng marami si Maita bilang isa sa mga pinakamagandang mukha ng kilusang kababaihan ng Pilipinas. Mula sa pamilyang nakaaangat sa lipunan, siya ay nahirang na beauty queen noong1967. Namulat siya sa panahon ng matinding pasismo sa ilalim ng Batas Militar at dito nagpasyang makipamuhay at kumilos para sa masang anakpawis bilang kasapi ng New People’s Army.

Mahigit dalawang dekada na ang lumipas mula nang bumalik si Maita sa buhay sa kalunsuran pagkatapos ng diktadurang Marcos. Dito, naging bahagi siya sa pagtatayo ng mga progresibong alyansa, organisasyon at partidong pampulitikal katulad ng Makabayan noong 2009.

Maging sa kanayunan o sa kalunsuran, sinubukan ni Maita na lagpasan ang mga limitasyon ng ating panahon, kung saan hinuhubog ng kolonyal, konsumerista at piyudal na kultura ang dapat taglay na katangian ng isang babae. Katulad ng marami pang lider-kababaihan, pinapatunayan ng kanyang pambihirang paglalakbay na hindi dapat ituring ang babae bilang kasangkapan o palamuti lamang, kung hindi bilang tagapagbago ng kasaysayan at haligi ng lipunan.

Sa hanay ng makakalikasang mga grupo naman, kilala at iginagalang si Maita hindi bilang celebrity kung hindi bilang eksperto sa economics at “revenue transparency” ng industriya ng pagmimina. Kabilang siya sa mga guro at iskolar na nagbahagi ng kanilang pagsusuri kung nakikinabang nga ba ang Pilipinas mula sa kasalukuyang patarakan at kalakaran ng malakihan at liberalisadong pagmimina.

Sa mga huling taon ng kanyang buhay, nagsilbi siyang espiker sa maraming mga porum, konsultasyon at talakayan.

Kabilang na rito ang Third People’s Conference on Mining na ginanap noong Marso 2012 sa Tagaytay sa ilalim ng alyansang Defend Patrimony at ng Stewards of Creation. Dito, ibinahagi ni Maita ang maraming mahahalagang punto hinggil sa kasalukuyang industriya ng pagmimina sa mahigit 200 lider mula sa buong kapuluan. Dalawa ang paborito kong espiker sa kumperensiyang ito: siya at si Sr. Stella Matutina, OSB, ang magiliw at matapang na madre mula sa Southern Mindanao na kamakaila’y nakaranas ng harassment mula sa mga militar dahil sa kanyang pagtutol sa pagmimina roon.

Humarap rin si Maita sa mga unang hearing ng Kamara para sa People’s Mining Bill at iba pang panukalang-batas,upang manawagan ng pagbabago sa patakaran ng pagmimina sa bansa.

Sa lahat ng mga pagkakataong ito, naaalala ko ang kanyang magaspang pero malambing na boses at ang kanyang mga salitang palabiro at prangka, malaman at may paninindigan. Sang-ayon si Maita sa pagsusuri na inuuna ng pamahalaan at ng Mining Act of 1995 ang promosyon ng mga mining investment kaysa sa pagkamit ng lokal na pag-unlad at pagpapangalaga sa kalikasan, na nakatuon ang kasalukuyang patakaran sa pagbebenta ng yamang mineral ng Pilipinas sa dayuhan at malaking mamumuhunan.

“Hindi totoo ang sinasabi ng mga minero na iyan na ‘there is life’ in mining, kasi sa totoo lang bagsak ang industriya ng mining sa Pilipinas. Sa ating karanasan, hindi tayo nakikinabang sa mining, kahit ang gobyerno,” naaalala kong sabi ni Maita. “Bakit kailangang bigyan ng incentive ‘yung mga mining companies na iyan? Kung tutuusin, hindi natin sila kailangang bigyan ng incentive kasi sila ang nangailangan sa atin.”

Tinalakay ni Maita Gomez ang mga discrepancy sa revenues ng industriya ng pagmimina, sa isang kumperensiya ng Ecumenical Bishops' Forum sa Albay noong Oktubre 2011. (Kontribusyon)
Tinalakay ni Maita Gomez ang mga discrepancy sa revenues ng industriya ng pagmimina, sa isang kumperensiya ng Ecumenical Bishops’ Forum sa Albay noong Oktubre 2011. (Kontribusyon)

Ito pa ang ilang mahahalagang punto na aming natutunan mula sa kanya:

  • Na maliit ang kabuuang kontribusyon ng buong industriya ng pagmimina sa ekonomiya ng bansa—0.91% lamang ng Gross Domestic Product mula 2000 hanggang 2009;
  • Na napakaliit ng kontribusyon ng pagmimina sa paglikha ng mga trabaho—hindi hihigit sa 0.376% ng buong employment ng bansa sa kasalukuyang dekada; at marahil ang karamihan ng trabaho na ito ay nanggagaling pa mula sa hanay ng small-scale mining;
  • Na napakaliit din ng nakukuhang mga kita ng lokal na mga pamahalaan mula sa malakihang pagmimina—“pathetic” ika nga sa kanyang salita—at  hindi nito masasapatan ang danyos mula sa pangmatagalang pagkasira ng kalikasan, pagpapalit-gamit ng lupa, at kawalan ng kabuhayan;
  • Na kakarampot rin ang kinikita ng bansa mula sa mga excise tax sa industriya ng pagmimina—mas malaki pa ang nakukuha mula sa excise tax ng alak, tabako at petrolyo kaysa sa pagmimina (0.7% lamang ng kabuuang koleksiyon mula 2000-2009). Sa isa pang pag-aaral ng Ibon Foundation, lumalabas na mas malaki pa ang naiaambag sa ekonomiya ng mga kasambahay sa Pilipinas at sa ibang bansa kaysa sa pagmimina nitong 2011;
  • Na, sa kabila ng mga ito, papalaki at papaakyat naman ang eksport ng mga mineral – halos 3% ng kabuuang export ng Pilipinas mula 2000 hanggang 2009. Nangangahulugan ito ng mas matinding pandarambong ng mga dayuhang mamumuhunan sa yamang-mineral ng bansa.

Sang-ayon si Maita sa pagsusuri na masasaid ang yamang mineral ng Pilipinas kung hindi mapipigilan ang liberalisasyon ng industriya.

“Hindi napupunta sa Pilipinas [ang mga pakinabang] dahil walang industrialization process ang bansa. Wala tayong industrialization program dito, kaya ang sistema ay inuubos lang natin ang resources dito. Ang masaklap ay hindi naman tayo nakikinabang. Sa bandang huli, kapag kailangan na nating gamitin ito, ay wala na din pala tayo ng sapat na magagamit o kaya, totally, ay ubos na,” babala niya sa mga dumalo sa kumperensiya noong Marso.

Mapayapa na sumakabilang-buhay si Maita noong ika-12 ng Hulyo: tatlong araw matapos isapubliko ni Pres. Aquino ang kanyang bagong Executive Order (EO) hinggil sa pagmimina sa bansa.

Hindi na siguro ito nakapagtataka, pero hindi natugunan ng EO ang mga panawagan at repormang itinutulak ni Maita at ng mas marami pang grupong pangkalikasan at ng mga komunidad. Kapalit ng ilang konsesyon at hati ng gobyerno, binibigyang-puwang at katuwiran nito ang pagpasok ng mas maraming dayuhan at malaking minero. Bagama’t may binabanggit na “industrialization plan” rito, malamang ito ay ibabatay sa Philippine Development Plan, na sumusuporta at nagpapalakas pa sa liberalisasyon ng pagmimina at Public-Private-Partnership o PPPs. Hindi ginalaw ng EO ang Republic Act 7942 o Mining Act of 1995 na matagal nang ikinokondena at isinusuka ng taumbayan. Hindi nito binago ang “export-oriented” at “import-dependent” na katangian ng pagmimina ng bansa. Hindi nito binago ang kasalukuyang motibasyon para magmina sa Pilipinas: para sa mabilis na pagkamal ng tubo ng iilan at hindi para sa pangmatagalang pang-unlad ng bayan tungo sa isang ekonomiyang nakasasapat sa sarili.

Lumisan man si Maita sa panahong kinakailangan ang marami pang katulad niya, magpapatuloy at magpapalakas pa ang ating pagkilos para sa pagbabago. Nagpupugay kami sa iyo, Maita: modelo ng kagandahang-loob, katapangan at katapatan sa bayan. Tuloy ang laban para ipagtanggol ang likas-yaman ng bansa mula sa pandarambong ng iilan; tuloy ang laban para sa kalikasan.

Si Lisa ay kasapi at isa sa mga convenor ng Kalikasan Party-list.