Karapatang Pantao

Pagpaslang kay Wilhelm Geertman: ‘Pampulitikang pamamaslang, di simpleng pagnakaw’

Malinaw sa ebidensiyang nakalap sa inisyal na imbestigasyon ng AMGL na hindi simpleng pagnanakaw ang motibo sa pagpaslang sa Dutch missionary na si Willem Geertman. Ipinagtanggol ni Geertman ang karapatan ng mga magsasaka, at dahil umano rito’y naging target siya ng militar

Wilhelm Geertman (Kontribusyon)
Wilhelm Geertman (Kontribusyon)

Malinaw na pampulitikang pamamaslang, at di simpleng pagnanakaw ang pagpaslang sa Dutch missonary at development worker na si Wilhelm Geertman.

Sa kabila ito ng mga pahayag ng Philippine National Police (PNP) na “malamang na pagnanakaw” ang motibo sa pagpaslang kay Geertman. Sinabi rin ng tagapagsalita ni Pangulong Aquino na si Edwin Lacierda na di dapat inaakusahan ng militanteng mga grupo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamamaslang kay Geertman.

Sa panimulang imbestigasyon ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson (AMGL), lumalabas na di simpleng pagnanakaw ang motibo ng pagpaslang kay Geertman, kundi pinlano talaga siyang patayin ng mga salarin.

Nakita ng mga saksi na pinaluhod si Geertman ng armadong kalalakihan saka binaril. Nakuhanan din sa isang CCTV camera mula sa homeowners association ng subdivision ang mga salarin matapos lisanin ang lugar ng krimen.

Bago paslangin si Geertman, sumakay ang mga salarin sa kotseng Mitsubishi Gallant na may plate number na TRS 719 at tumakas gamit ang isang pulang motorsiklo na Honda TMX.

“Batay sa datos na nakuha natin, dalawang armadong kalalakihan ang puwersahang pumasok sa compound ng opisina ni Geertman (sa Alay Bayan Luson Inc. o ABI) at pinagbantaan hindi lang siya kundi dalawa pang ibang katrabaho sa Alay Bayan. Madali lang sanang nakatangay ang mga suspek ng mga gamit dahil armado sila pero mas masahol pa ang ginawa nila,” sabi pa ni Canlas.

Sinabi pa niya na tinangkang habulin ng mga kasamahan ni Geertman ang mga salarin para makuha ang plate number ng motorsiklo, pero binantaan sila ng mga salarin na babarilin.

Samantala, hiniling ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano sa Kamara na imbestigahan ang pamamaslang kay Geertman, gayundin kay Romualdo Palispis, tagapangulo ng Justice and Peace Action Group of Aurora (JPAG) at pinuno ng Task Force Huwag Hatiin ang Bayan ng Maria Aurora (Do Not Divide Maria Aurora) na pinaslang noong Hunyo 30, 2012 sa kanyang tahanan sa bayan ng Maria Aurora sa probinsiya ng Aurora.

Nagkasama sina Geertman at Palispis sa mga kampanya kontra sa mga proyektong anila’y nakakasira sa kalikasan sa Aurora.

Suspek ang militar

(Itaas) ang pulang kotse na ginamit ng mga suspek bago ang pamamaslang. (Ibaba) nakasakay ang dalawang suspek sa motor matapos ang pagbaril kay Geertman. Kuha ang mga ito ng isang CCTV camera ng homeowners' association sa San Fernando, Pampanga.
(Itaas) ang pulang kotse na ginamit ng mga suspek bago ang pamamaslang. (Ibaba) nakasakay ang dalawang suspek sa motor matapos ang pagbaril kay Geertman. Kuha ang mga ito ng isang CCTV camera ng homeowners’ association sa San Fernando, Pampanga.

Si Geertman, 67, ay isang Dutch na misyonaryo na matagal nang nakatira sa Gitnang Luzon, naglilingkod sa iba’t ibang organisasyon at naging executive director ng Alay Bayan Luson Inc. (ABI). Pinaslang siya sa harap ng tanggapan ng ABI sa Brgy. Telebastagan, San Fernando, Pampanga noong Hulyo 3.

Kilalang tumulong si Geertman sa mga lumalaban sa batas militar ng diktadurang Marcos noong dekada ’70, at tumulong sa mga paglaban kontra sa mga komersiyal na proyektong mapanira sa kalikasan. Kilala rin siya bilang tagasuporta ng mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita sa laban nito para sa lupa at hustisya.

Pinaghihinalaan ng AMGL na militar ang pumaslang kay Geertman dahil sa pamamaraan ng pagpaslang sa kanya (“execution style“). Matagal na rin umanong inaakusahan ng militar si Geertman na tagasuporta umano ng mga rebelde New People’s Army.

Sa kabila ebidensiyang napag-alaman ng AMGL hinggil sa kaso, sinabi pa rin ni Edwin Lacierda, tagapagsalita ni Pangulong Aquino, na dapat “tumigil ang mga militante sa pag-akusa sa militar.”

Sinabi ni Lacierda na hayaan na lamang umano ang Philippine National Police na imbestigahan ang kaso, sa halip na ituro ang militar sa pagpaslang kay Geertman.

Pero binatikos ni Canlas ang PNP, sa tila mabilis na pagsabi nitong pagnanakaw ang dahilan ng pagpatay kay Geertman kahit na malinaw umano ang ebidensiya na extra-judicial killing ang naganap.

Binatikos din ni Canlas ang mabagal umanong pagresponde ng pulisya sa pagpaslang kay Geertman. Maging ang pagkordon sa lugar ng pamamaslang ay hindi nagawa ng mga pulis.

Ang masama pa, aniya, itinuturing ng mga pulis na suspek ang mga kasamahan ni Geertman sa ABI, at pinagbawalan silang isalaysay sa publiko at sa midya ang nasaksihan nila sa pangyayari.

“Inalay ng mga volunteer ng ABI ang kanilang buhay sa paglingkod sa ibang tao at ngayon itinuturing silang suspek ng nagtutulug-tulugang mga pulis,” sabi pa ni Canlas.

Sinabi pa ni Canlas na lumalabas na bahagi ang pamamaslang kay Geertman ng komprehensibong atake ng administrasyong Aquino laban sa demokratikong karapatan ng mga mamamayan.

Ayon sa grupong pangkarapatang pantao na Karapatan, si Geertman ang ika-96 na biktima ng pampulitikang pamamaslang sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Sa 95, umabot sa 43 ang mga aktibisita at miyembro ng iba’t ibang organisasyon at institusyon, ayon kay Cristina Palabay, tagapagsalita ng Karapatan. Marami sa mga biktima ay mga magsasaka, katutubo at aktibistang maka-kalikasan.

Isang “karaban para sa hustisya” mula Angeles City, Pampanga tungo Baler, Aurora ang isinagawa ng iba’t ibang grupo ng militanteng mga magsasaka sa Gitnang Luzon para humiling ng hustisya sa pagpaslang kay Geertman.
Kabilang sa mga lumahok ang Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson (AMGL), Alyansa ng Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (Ambala), Kilusang Magbubukid ng Pilipinas – Pangasinan (KMP-Pangasinan), Anakpawis Party-list – Gitnang Luzon at iba pang grupo.