Pinoy Weekly

Maralita sa panahon ng baha: Mula ‘danger zone’ tungo sa ‘death zone’

Hindi pa tapos sa pangongolekta ng kagamitang inanod ng baha ang mga relocatee sa Montalban, Rizal (Ilang-Ilang Quijano)

Makulimlim man ang langit, abala ang lahat sa paglilinis ng putikang mga damit, laruan ng bata, aparador, sofa, at iba pang kagamitang nalubog sa baha sa kasagsagan ng hanging habagat. Matagal-tagal pa bago sumikat ang araw sa buhay ng mga maralitang nasalanta sa loob ng relocation site sa Montalban, Rizal.

“Dinala kami dito para siguro patayin,” pagmumuni-muni ni Fernando Perez, 58, isang relocatee mula sa Isla Puting Bato, Tondo, Maynila. Isang buwan pa lamang ang pamilya Perez sa Montalban, kung saan sila dinala ng gobyerno matapos mademolis ang kanilang kabahayan sa isang sunog. Sa tabi ng dagat at danger zone kung ituring ng gobyerno ang kanilang dating tahanan. Pero doon, hindi nila naranasan ang ganitong pagkasalanta.

Relokasyong hindi ligtas

Bandang alas-singko ng umaga noong Agosto 7, nagising si Fernando sa pagpasok ng baha sa kanilang bahay. “Ang bilis ng pag-alsa ng tubig at ang lakas ng agos,” aniya. Pagbukas ng pinto, hanggang baywang na ang tubig sa buong paligid. Dali-daling lumikas ang kanyang pamilya, kabilang ang anim-na-buwang apo. Nanatili si Fernando para manggising ng iba pang kapitbahay.

Abala ang mga nasalanta sa paglilinis. Ayaw na nilang bumalik sa dating tahanan, at inokupahan ang mga bahay na nakalaan sa bagong relocatees. (Ilang-Ilang Quijano)

Mahigit kumulang 3,000 pamilyang relocatee sa Kasiglahan Village, Montalban ang inabot ng matinding baha. Nasa 200 rito ang napilitang manatili sa kani-kanilang mga bubungan hanggang sa humupa ang tubig. Walang rescue na dumating.

Idinulot ang baha ng pag-apaw ng katabing ilog, kung saan nagtatagpo ang tubig na nagmumula sa mga dam ng La Mesa at Wawa. Isang manipis na dike lamang—na nasira noong umagang iyon—ang pumapagitan sa ilog at mga kabahayan.

“Mabuti na lang umaga nangyari iyon (pagkasira ng dike). Kung hindi, naku, napakarami siguro ang patay,” ani Fernando.

Noong Linggo, bumisita si Pangulong Aquino sa Kasiglahan Elementary School kung saan nagbakwit ang ilang nasalanta. Doon, sinimulan niya ang paninisi sa mga pamilya. Nakita raw niya mula sa kanyang helikopter na nakatirik ang mga bahay malapit sa ilog. “Titirhan mo tabi ng ilog, ang distansya mo isang metro doon sa ilog tapos magtataka ka ‘pag malakas ang ulan bakit nagbabaha sa inyo, medyo may mali ho siguro doon, ‘di ba? Kailangan ho ‘wag na tayong maglalagay ng sarili natin sa panganib,” aniya.

Nasirang bahay ng relocatees sa Kasiglahan Village, Montalban (Ilang-Ilang Quijano)

Ngunit ayon sa mga maralita, mismong ang gobyerno ang naglagay sa kanila sa panganib. Umano’y dating parte ng ilog ang bahaging iyon ng Kasiglahan Village, at tinambakan lamang ng lupa ng National Housing Authority (NHA) para tayuan ng mga bahay.

“Doon kami dati naliligo at naglalaba,” ayon kay Anna Bayogboc, na naninirahan sa Montalban simula pa noong 2004. Noong Bagyong Ondoy, binaha rin ang kanyang kubo na itinirik sa isang gulayan na malapit sa ilog. Inilipat sila ng NHA sa isang mas mataas na bahagi, kung saan sila nananatili hanggang sa ngayon. “Nagulat na lang ako nang tambakan nila ng lupa ‘yung tubig at saka dinebelop. Talagang babahain iyon.”

Marami sa mga nagbakwit ang kasalukuyang naninirahan sa mga bahay sa mas mataas na bahagi ng Kasiglahan Village. Ang problema, inilaan na iyon ng NHA sa iba pang relocatee, partikular ang mula sa dinedemolis na komunidad sa North Triangle, Quezon City. Sa kabila nito, marami ang naninindigang hindi na sila babalik sa binahang tahanan, anuman ang mangyari.

Isa na rito si Martina Gascar, 44. Naaalala niya ang takot na naramdaman nang suungin, kasama ang kanyang tatlong anak, ang baha na nagmistulang karagatan dahil lalim at sa lakas ng agos. “Parang mas gugustuhin ko na pang mamatay kaysa bumalik doon,” aniya.

Martina Gascar (kanan): Inihatid kami sa kamatayan ng gobyerno (Ilang-Ilang Quijano)

Tatlong buwan pa lamang nakalipat sa Montalban ang pamilya Gascar, na dinemolis ang kabahayan sa NIA Road, Quezon City. Sa inipon na sahod ng kanyang asawa na janitor sa Pag-Asa, pinaayos niya ang maliit na bahay para “lumuwag naman ng kaunti,” ginastusan ng halos P30,000.

Ngunit ngayon, wala nang silbi ang pinaayos na bahay. Natangay din ng baha ang P10,000 na halaga ng groseri, para sa kabubukas pa lamang na sari-sari store, ang karaniwang hanapbuhay ng mga relocatee. “Akala ko pa naman maganda rito. ‘Yun pala, hinahatid na kami sa kamatayan.”

“Mainam pa na sa mga eskinita na lang kami gumawa ng kubo-kubo,” ayon kay Fernando, kung pipilitin umano silang bumalik.

Plano ni Pnoy sa maralita

Kinondena ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang pagtutulak ng gobyernong Aquino sa mga maralita “mula sa danger zone tungo sa death zone.” Death zone inilarawan ng grupo ang Montalban. Bukod sa bulnerable sa mga baha at landslide, malayo umano ito sa kabuhayan at nagtutulak sa mga relocatee sa ibayong karalitaan at kagutuman.

Gaya ng pangamba ng grupo, ginagamit na ng gobyerno ang sakuna para itulak ang ibayong demolisyon. Kamakailan, inihayag ni Department of Public Works and Highways Sek. Rogelio Singson na inutusan siya ni Aquino na palayasin sa gilid ng daluyan ng tubig ang may 195,000 pamilya sa Kamaynilaan. “Pasasabugin” raw ang kanilang mga tahanan kung kinakailangan.

Nasirang dike na itinayo ng debeloper na San Jose Builders, Inc. (Ilang-Ilang Quijano)

“Ang sapilitang pagpapalayas ay hindi totoong para sa kapakanan at kaligtasan naming mga maralita. Kami na nga itong biktima sa pagbaha, kami pa ulit ang bibiktimahin sa pagpapasabog ng aming mga kabahayan,” ayon kay Carlito Badion, pangalawang tagapangulo ng Kamaday.

“Paano naman ang mga pribadong mall, condominium, at gusali na umookupa sa pinakamalalaking lupain sa Kamaynilaan, kasama na ang malalapit sa daluyan ng tubig, at tinutukoy ng mga eksperto na isa sa mga sanhi ng pagbaha? Bakit walang utos ang gobyerno na pasabugin ang mga iyon?” dagdag ni Badion.

Ipinapakita umano ng mga pahayag ni Aquino ang kanyang pagiging “sagad-sagaring kontra-mahihirap.”

‘Sana, araw-araw sila kumakain’

Noong Agosto 13, nagsagawa ng relief mission ang Kadamay at Anakpawis Party-list sa Kasiglahan Village. Nakalagay sa mga pakete ng lumang damit at pagkain ang panawagang, “Tiyakin ang kaligtasan sa paninirahan ng mga maralita!”

Ito umano ang kailanman hindi nagawa ng gobyernong Aquino. Ayon kay Badion, sa halip na ilaan ng NHA ang badyet para sa pagsasaayos at pagtitiyak na ligtas ang mga relocation site, ginagamit ng ahensiya ang kanyang badyet para sa demolisyon. Samantala, ipinapaubaya naman sa mga pribadong debeloper gaya ng San Jose Builders, Inc. ang pagsasaayos sa relocation site, isa sa mga dahilan ng pagiging substandard ng mga bahay at iba pang pasilidad–kabilang na ang nasirang dike.

Relief mission ng Kadamay at Anakpawis Party-list (Ilang-Ilang Quijano)

Kaya ang mga maralitang matagal nang naninirahan sa Montalban, natuto nang hindi na umasa sa gobyerno. Bago pa man nakarating si Aquino sa Montalban, nauna na ang grupo ng mga nanay na magpakain ng lugaw sa daan-daang bata.

Nasalanta rin ang pamilya ni Amelia Ombrete, bise-presidente ng Anakpawis sa Kasiglahan Village, pero hindi ito nakapigil sa kanyang pagmobilisa ng komunidad. Katunayan, may dalawang linggo na siyang hindi pumapasok sa trabaho para tumulong sa paglilinis at operasyong relief. “Nakakahabag kasi ang ating mga kababayan,” aniya.

Si Amelia ay isang real estate broker na nangongomisyon lamang, habang ang asawa naman ay isang kontraktuwal na security guard. Alam niyang masuwerte pa sila kumpara sa ibang relocatees, na walang hanapbuhay sa lugar kundi ang padyak o maliit na tindahan. “Noong walang baha, gutom na sila. Lalo pa ngayon… Ang problema, mapakain mo sila ngayong araw na ito, paano sila kinabukasan? Sana, araw-araw sila kumikita, araw-araw silang kumakain,” ani Amelia.

Hinihiling niya na bukod sa pagsasaayos ng mga tahanan sa relocation site, dapat ding magtayo ang gobyerno sa lugar ng pabrika o industriya na maaaring magbigay ng disenteng trabaho. Ngunit alam niyang malabo itong mangyari sa ilalim ni Aquino, na abala sa pagtataboy ng maralita sa Kamaynilaan, habang pinananatiling death zone ang kanilang lilipatan.

Mahihirap, nagtutulungan sa paglilinis at operasyong relief sa panahon ng salanta. (Ilang-Ilang Quijano)

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=21052

Ilang-Ilang D. Quijano Posted by on Aug 14 2012. Filed under Features, Maralitang Lungsod. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Loading Twine Social
Log in | Designed by Gabfire themes
More in Features, Maralitang Lungsod (289 of 888 articles)