Manggagawa

Tuloy ang negosyo, kahit delubyo


Kalagitnaan ng baha at bagyo, pinipilit pa rin ng mga kompanyang Business Process Outsourcing (BPOs) ang kanilang mga empleyado na pumasok. Kakutsaba nila ang gobyerno, inaalok ang mga empleyado ng kaunting dagdag-bayad — kahit na malagay sa panganib ang mga empleyado. Paano mapoprotektahan ang kanilang mga karapatan?

Hirap na dinadaanan ng isang empleyado, para lamang makapasok tuwing baha. (Macky Macaspac)
Hirap na dinadaanan ng isang empleyado, para lamang makapasok tuwing baha. (Macky Macaspac)

Halos palubugin na ng baha ang buong Metro Manila noong Martes, Agosto 7. Walang bagyo; dulot ang baha ng matinding habagat. Sa kalakasan ng pag-ulan at pagbaha, sinuspinde ang pasok sa mga eskuwelahan, at kahit huli na’y sinuspinde rin ang pasok ng mga manggagawa.

Pero may isang industriya, ang Business Processing Outsourcing (BPO), o call centers, sa halip na sumunod sa Circular #33 na ipinalabas ng administrasyong Aquino, umapela ng exemption sa kautusan. Pinapapasok nila ang mga empleyado nila – sa kabila ng matinding kalamidad.

Lumabas at kumalat sa networking sites, pati sa Pinoy Weekly, ang tuwirang pagsalungat ng ilang kompanyang BPO. Galit at dismayado ang maraming call center agents, dahil kahit nasa panganib na ang kanilang buhay, pinapapasok pa sila ng kanilang mga kompanya para lang mapagsilbihan ang kanilang mga kliyenteng nasa ibang bansa.

Pahayag ng BPO Industry Employees Network (BIEN), isang organisasyong binuo ng call center agents para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan: “Ganito na ba kamura ang buhay namin para ilagay sa delikadong kalagayan?”

Water-proof at amphibious na empleyado?

Sa pagkober ng Pinoy Weekly ng baha noong nakaraang linggo, nasaksihan nito ang pagsusumikap ng maraming call center agents na makapasok sa ikalawang araw ng pagbaha. Kabilang sila sa na-istranded na mga pasahero sa kahabaan ng Ortigas Extension sa Cainta, Rizal. Malalim ang baha rito na umabot sa baywang at leeg. Sa ilang bahagi ng kalsada, bukod pa sa walang masakya’y pinipilit pa rin nilang makatawid para lamang pumasok.

Ilan sa kanila ang kumuha ng larawan para ipadala sa kanilang mga team leader bilang ebidensiya para hindi mabigyan ng sanction ng kanilang kompanya sa kanilang pagliban sa trabaho.

Nagkaroon ng pagkakataon ang Pinoy Weekly na makausap ang ilang manggagawang miyembro ng BIEN. Sinikap ng mga empleyadong ito na ipasok ang Pinoy Weekly sa loob ng gusali ng kompanya sa Taguig. Pero dahil sa higpit ng seguridad at kailangang humingi ng paunang permiso sa manedsment, nagpasya ito na sa labas na lamang gawin ang interbyu.

Sa kanilang kuwento, iisa ang lumalabas: Pumasok sila noong kasagsagan ng baha dahil sa ayaw nilang mabigyan ng sanction at pagnanais pa rin na manatiling maganda ang kanilang performance at patuloy na magkaroon ng kita.

“Kakaiba eh. Alam mo kasi, kailangan naming pumasok by hook or by crook. Kailangan nandito ka,” sabi ni Jerwin (di-tunay na pangalan) na isang regular na empleyado sa isang call center sa Taguig. Bagamat nasa Taguig lamang ang tinitirhan niya, lumusong pa rin sa baha si Jerwin para lamang makapasok.

“Abot din ng tuhod ang baha sa lugar namin. Pahirapan din ang pagkuha ng masasakyan,” aniya. Kinailangang umalis ni Jerwin ng bahay na naka-short at t-shirt at sa loob na ng taksi nagbihis para manatiling tuyo ang damit na pangpasok. Ang kasamahan naman niyang si Marvin (di rin tunay na pangalan), patigil-tigil sa paglakad para sumilong para lamang hindi mabasa. “Late na nga ako sa pagpasok sa opisina,” ani Marvin.

Masuwerte na lamang si Marvin at hindi siya nabigyan ng sanction kahit huli na siya sa pagpasok noon sa trabaho. “Nag-text sa akin ’yung team leader namin. Sabi niya, kung di kaya ’wag na pumasok pero pilitin pa rin. Wala namang sanction kahit late ako,” aniya.

Ayon pa kay Marvin, naglaan naman ng tulugan at pagkain ang kanilang kompanya para sa mga empleyadong hindi nakauwi sa panahon ng pananalasa ng baha gayundin na nagbigay ng karagdagang pamasahe sa kanila. Kahit alam ng mga empleyado ng BPO na bumabaha, hindi nila alam kung ano ang pagbabago sa kalagayan ng panahon, gayundin ang pag-anunsiyo ng suspensiyon ng gobyerno sa pampubliko at pribadong paggawa.

Tila hiwalay sila sa nagaganap sa labas ng kompanya at walang impormasyon.

“Wala kasing TV sa loob eh. Ang ginawa ng HR (human resources department) namin, nag-announce sila na double pay para sa mga makakapasok. Tapos ’yung mga di nakauwi dahil baha sa kanila ay may free accomodation. Puwede rin silang mag-overtime. Sa pagkaka-alala ko, P500 ang OT,” aniya.

Pero kahit nakapasok at paborable para sa kanila ang alok ng kompanya, hindi pa rin sila kumportable sa nagaganap na kalamidad. Kuwento ni Jerwin, ipinalangin na lamang niya habang siya’y nasa daan, na tumila ang ulan. “First and foremost, iniisip ko ang safety ko. Sunod ang pamilya ko. At siyempre, ’yung trabaho ko na kailangan kong pumasok,” aniya.

Dagdag pa niya, masuwerte pa siya dahil mas mataas na di-hamak ang kanilang lugar di-tulad ng iba. “Paano naman ang ibang nasa low lying areas, mas unfortunate sila,” aniya.

Eksempsiyon ng industriyang BPO sa panahon ng kalamidad

Isa sa mga nakausap ng Pinoy Weekly, si Romeo na aktibong kasapi ng BIEN ang tahasang nagsabi na hindi lehitimong kagandahang loob ang karagdagang benipisyo na ibinigay ng mga kompanya ng BPO.

Napag-alaman ng Pinoy Weekly na karamihan sa mga kompanyang BPO ang nagbigay ng hindi bababa sa 30% dagdag sa basic pay ng kanilang empleyado at iba pa ang bayad sa OT, libreng pagkain, libreng shuttle o sakay, tulugan at iba pa.

Pero para kay Romeo, hindi kawalan sa mga kompanya ang isa o dalawang araw na pagbibigay ng kompanya. “Para di maantala ang serbisyo ng agents sa kani-kanilang accounts. Kita pa rin ang pangunahing rason kung bakit nila ginagawa ito,” aniya. Aniya, habol pa rin ng kompanya ang tuluy-tuloy na pagpasok ng malaking kita. “Kahit malagay sa peligro ang buhay ng manggagawa,” sabi ni Romeo.

Pahayag ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler), hindi nakapagtataka ang panawagang eksempsiyon ng mga kompanya ng BPO, dahil sa 24 oras (at pitong araw sa isang linggo) na operasyon ng mga ito at nasa ibang bansa ang kanilang kliyente. Mismong si Business Processing Association of the Philippines (BPAP) Executive Director Gillian Virata ang umapela sa Malakanyang na ilibre ang BPO sa kautusan (Circular 33) noon.

“Patunay ang reaksiyon ng industriya kung paano ang turing ng mga kompanya sa kanilang mga empleyado—hindi bilang tao kundi bilang bahagi lamang ng mga kagamitan nila sa produksiyon. Business as usual, kahit na kung ang buhay mismo ng mga manggagawa ang nakataya,” pahayag ni Anna Leah Escresa, executive director ng Eiler.

Para naman kay Romeo, hindi malinaw ang ipinalabas na kautusan ng gobyerno hinggil sa pagkansela ng mga trabaho laluna sa pribadong sektor kasama na ang BPO. “I was hoping that it was an honest mistake from speakers of the government dahil it sounded like BPO was given exemption. BPO may have been the second income generating community next to OFW (overseas Filipino workers). But this does not mean that the government should bow to what it wants.

Binatikos din ni Romeo ang kumalat na internal na pahayag ng mga kompanyang BPO na huwag sundin ang utos ng gobyerno na ikansela ang trabaho noong araw na iyon. “I hope it was not a misconception on the part of the BPO. They are in the Philippines. If they don’t want to follow or they want to bully the government, they can take their businesses elsewhere.”

Hindi rin umano tama na sinabi pa ng gobyerno, partikular ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, na may opisyon nga ang BPO na papasukin ang mga empleyado nito basta tiyak ang kanilang seguridad at may dagdag na bayad.

“It is very clear that the company can not ensure safety under habagat because it was outside of work area,” ani Romeo.

Iginiit naman ni Escresa na dapat pilitin ng gobyerno ang industriyang BPO na sundin ang mga batas ng bansa kung saan sila may operasyon. Aniya, ang mga kompanyang BPO’y nasa loob ng tinatawag na special economic zones (SEZ) at tumatanggap ng napakaraming insentibo mula sa gobyerno tulad ng corporate income tax holiday mula apat hanggang walong taon.

Dagdag pa niya, may katangian umano ang mga SEZ na magkaroon ng pleksibilisasyon sa pagpapatupad ng mga polisiya o batas hinggil sa paggawa, tulad ng “undeclared no union, no strike policy” sa mga engklabo upang mahikayat ang dayuhang pamumuhunan kasama na ang BPO.

“Sa ganitong kalagayan, ang mga mangggagawa ng BPO ay nananatiling bulnerable sa mga paglabag sa kanilang karapatan bilang manggagawa lalo pa’t walang kahit na isang unyon ang industriya,” paliwanag ni Escresa.

Isinisi naman ng mga militanteng grupo ng mga manggagawa ang pangyayari sa kawalang disposisyon ng Department of Labor and Employement (DOLE) sa pagpapalabas ng maagap na kautusan sa harap ng kalamidad.

“Habang ang mga tao ay abala sa pagsagip sa kani-kanilang pamilya at sa mga pinaghirapan nilang ari-arian, nanatiling walang ginawa ang DOLE para suspendihin ang trabaho sa mga negosyong pribado at institusyon. Iniwan nito ang pagpapasya sa mga kapitalistang matakaw sa tubo,” ani  Wenecito Urgel, pangkalahatang kalihim ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (Pamantik-KMU).

Sabi pa ni Urgel, kung sinsero ang administrasyong Aquino na ipanguna ang kalagayan ng mga tao na kanyang ‘boss’, dapat binilisan nito ang pag-utos sa pribadong mga kompanya na kanselahin ang trabaho. “Nakakalungkot nga lang, matigas ang puso ni Aquino at pabaya sa pangangailangan ng mamamayan sa panahon ng kalamidad,” aniya.

Kongkretong mungkahi ng mga call center agent

Dahil sa paglantad ng bulnerabilidad ng mga empleyado sa call center, panawagan ng BIEN na magsilbing aral at panggising sana sa gobyerno at mga kompanya ang kalagayan ng mga empleyado sa panahon ng kalamidad. Ninanais ng BIEN ang pagtiyak na pangunahin pa rin ang kaligtasan ng buhay ng mga ito sa mga katulad na panahon.

Para kay Romeo, simple at kongkretong rekomendasyon ang kanyang ipinaabot sa mga kinauukulan: Magtakda ng batas na sasaklaw kung kailan may pasok at kung kailan wala laluna sa panahon ng kalamidad. At dulot na rin ng pabagu-bagong panahon, nais niyang tularan ang pagbibigay babala sa mga eskuwelahan na siyang nagtatakda kung may pasok o wala.

“Halimbawa kung Signal No. 2 ang bagyo, automatiko walang pasok. Walang kaukulang sanction o gawad na parusa sa di papasok sa BPO,” rekomendasyon ni Romeo.

Hiling din niyang magkaroon ng calamity leave bukod sa itinakdang sick leave at vacation leave. “Para masiguradong di na susuong pa ang manggagawa sa sa gitna ng unos dahil sa takot mawalan ng kita kung may kalamidad, aniya.

Ibinahagi naman ni Escresa na kasalukuyang nagaganap ang isang serye ng mga workshop para sa kagalingan ng mga call center agent. Kalahok sa workshop ang mga call center agent at sa tulong na rin ng Institute for Occupational Health and Safety Development (Iohsad) at Presidential Human Rights Committee (PHRC). Layunin ng workshop na makabuo ng isang giya para sa sektor ng BPO, o ang Minimum Standards Guide for Call Center Employees.

“Ang guide ay magsisilbing proteksiyon ng mga manggagawa sa call centers sa pamamagitan ng paglalahad ng kung ano ang nararapat na minimum na kondisyon na natatanggap ng bawat empleyado ng call center sa Pilipinas,” ani Escresa. Nakabatay umano ang guide sa legal na mga batayan ng Batas sa Paggawa at sa Konstitusyon ng Pilipinas. Saklaw nito ang mga usapin ng hinggil sa sahod, seguridad sa empleyo at karapatan sa mag-unyon. Layunin din umano ng guide na makatulong para itulak ang  industriya ng BPO na sumunod sa international labor standards.

Sinabi pa ni Escresa na dahil na rin sa nakaraang kalamidad, isinama sa nakaraang workshop noong Agosto 12 sa diskusyon na sa panahon ng kalamidad at may deklarasyon na ang mga kinauukulang awtoridad ng suspensyon ng trabaho sa pribadong kompanya. Dapat umanong ipatupad ang ilang rekomendasyon na binubuo sa workshop tulad ng:

1. Sumunod ang mga kompanyang BPO rito at huwag piliting pumasok ang BPO workers, kung piniling pumasok ng BPO worker, nararapat na makuha niya ang mga sumusunod: (a) Siguradong ligtas na transportasyon papunta at paalis sa trabaho; (b) Dagdag na kompensasyon sa pagreport sa trabaho sa panahon ng kalamidad dahil sa peligro (hazard) na kaakibat nito (introduksiyon ng calamity pay) at iba pang mga kompensasyon na aplikable katulad ng overtime pay (mababa raw ang 30% premium na itinakda ng gobyerno para sa nakaraang Memo 33-A, Wages);

2. Sa mga BPO worker na inabutan ng kalamidad at anunsyo sa trabaho: (a) Hindi sila oobligahing magtrabaho ng double shift ng mga kompanya; (b) Kung pumayag na mag-double shift ay may nakalaang kompensasyon para sa kanila; (c) siguruhin ang ligtas na transportasyon pauwi ng bahay;

3. Hindi gagamitin ng kompanya laban sa ebalwasyon at metrics ng mga BPO worker na piniling huwag pumasok sa araw na ito.

“Ang mahalagang ibinunga rin ng workshop ay ang pangangailangan ng panukala na magbibigay ng proteksiyon sa mga manggagawa sa lahat ng industriya sa panahong may kalamidad. Kasama rito ang pagkakaroon ng calamity leave at calamity pay, na hindi pa sinasaklaw ng mga umiiral na batas,” pahayag ni Escresa.

Ngunit para sa call center agents na katulad nina Jerwin, Marvin at Romeo, political will ng gobyerno ang kailangan para sa kaligtasan nila. “Kaligtasan muna bago negosyo,” pagtatapos ni Marvin.