Kapirasong Kritika

Cybercrime After Time


Sabi ni Paul Virilio, pilosopong Pranses, “Ang bawat teknolohiya ay nagpoprodyus, nag-uudyok, nagpoprograma ng isang partikular na aksidente… Ang pagkakaimbento ng highway ay ang pagkakaimbento ng tatlong daang kotseng nagsasalpukan sa loob ng limang minuto. Ang pagkakaimbento ng eroplano ay ang pagkakaimbento ng pagbagsak ng eroplano… [Pure War, 1997].” Ano kaya ang aksidenteng partikular sa […]

Sabi ni Paul Virilio, pilosopong Pranses, “Ang bawat teknolohiya ay nagpoprodyus, nag-uudyok, nagpoprograma ng isang partikular na aksidente… Ang pagkakaimbento ng highway ay ang pagkakaimbento ng tatlong daang kotseng nagsasalpukan sa loob ng limang minuto. Ang pagkakaimbento ng eroplano ay ang pagkakaimbento ng pagbagsak ng eroplano… [Pure War, 1997].” Ano kaya ang aksidenteng partikular sa teknolohiyang Internet? Kung anuman iyun, tiyak na hindi ang pagsupil dito, gaya ng gustong gawin ng gobyernong Aquino ngayon, dahil eksternal ito sa teknolohiya.

Para sa isang gobyernong halatang mataas ang pagpapahalaga sa pagpapapogi o pagpapaganda sa propaganda, kakatwang walang paghahandang pampropaganda sa pagpasa ng Cybercrime Prevention Act of 2012. Wala man lang pagpapatampok sa child pornography, halimbawa, o sa talaga namang abusadong kritisismo, kung anuman iyun, sa gobyerno bago ito ipinasa para maging katanggap-tanggap sa publiko. O talagang sinadyang ang porma ang siya ring nilalaman, kumbaga? Mapanupil ang nilalaman at kailangang golpe de gulat ang pag-apruba at pagpapatupad?

Ang naiwang impresyon tuloy sa publiko, napikon lang si Sen. Tito Sotto sa mga pagtuligsa sa kanya  – na umabot sa puntong pati ang umano’y nakaraan ng mga kapatid niya kay Pepsi Paloma ay nahalungkat – sa debate sa Reproductive Health Bill kaya isiningit niya ang mga probisyon tungkol sa libelo. Pero bakit ipinagtanggol rin ng Malakanyang ang hakbangin ng kalaban umano nito sa debate sa RH Bill? May pag-uusap ba sila tungkol sa hangganan ng “sibilisadong” debate hinggil sa naturang panukalang batas? O may koordinasyon sila sa ibang bagay?

Anu’t anuman, lumalabas na todo-suporta sa bagong batas ang gobyernong Aquino, walang modang kahiyaan lang. Kakambal raw ng kalayaan ang responsibilidad, kahit ayon sa mga eksperto ay lampas sa kasong ito ang gobyerno sa kalayaang ibinibigay rito ng Konstitusyon. Kakatwa ito, dahil lubos pa rin naman ang suporta ng malalaking kumpanya sa midya, at maging ang maraming komentaristang online, sa gobyernong Aquino. Sa pagpasa sa Cybercrime Law, ang totoo, nagkakalamat ang ugnayan ng gobyerno sa naturang mga komentarista at maging sa midya.

Bakit sinusuportahan, kung hindi man talagang itinulak, ng Malakanyang ang naturang batas na hindi popular? Nagsunuran ang mga sintomas ng sagot: pakikipag-alyansa kay Sen. Bongbong Marcos para sa eleksyong 2013 at pagsuporta kay Sen. Juan Ponce Enrile nitong mga nakaraang panahon – sa kabila ng mga krimen ng mga ito sa pamilya ng pangulo, bukod pa sa sambayanan. Ang pulitika ay pagdadagdag, paliwanag ng nangungunang pahayagan na matapat pa rin sa pangulo. Walang mga permanenteng kaibigan, mga permanenteng interes lang, dagdag pa nito.

Dating gawi sa pulitika ito, na syempre’y nakaugat sa dating gawi sa ekonomiya. Ang batayan ng gobyerno: sinusuportahan nila ang “adyendang pang-reporma” ng pangulo. Bakit, gaano ba kasahol ang adyendang pang-reporma na iyan at kailangan ang suporta ng mga pulitikong alamat na ang pagiging kaaway ng pamilya ng pangulo? Gaano na ba ka-desperado ang gobyerno na maipatupad ang mga ito? At saan magmumula ang inaasahan nitong pagtutol? Sa mga mamamayan, syempre pa: Charter Change, pagpapababa ng sahod, pang-aagaw ng lupa, demolisyon…

Sa huling State of the Nation Address ni Aquino, hindi siya nakapagpigil na tuligsain ang tinawag niyang “industriya ng kritisismo.” Mas malamang, alam niyang patuloy itong lalago sa hinaharap. Kaya nga hindi sang-ayon si Noam Chomsky sa pahayag ng kapwa-intelektwal na si Edward W. Said, na “Ang tungkulin ng intelektwal ay sabihin ang katotohanan sa kapangyarihan.” Alam ng kapangyarihan ang katotohanan at ang kailangang makaalam nito ay ang nakakarami sa lipunan, at alam din ng gobyernong Aquino na nagagawa ito ngayon, sa isang antas, sa Internet.

Muli, nagpapakita ang gobyernong Aquino ng arogansya sa pagsalaksak sa mapanupil na batas na ito. Sa proseso, ipinapakita nito ang marupok na batayan ng arogansyang iyan. Takot ito sa pagbabahagi ng kritikal na impormasyon at kuru-kuro, sa pagbibigay ng mga mamamayan ng kahit katiting na reaksyon, sa larangan kung saan maaaring mabilis at malawak na makapanawagan ng pagkilos. Alam nito: May hangganan ang magagawa ng kontrol nito sa midyang dominante. Pero sa pagbabanta nitong supilin ang kalayaang magpahayag, ginagalit nito ang marami.

01 Oktubre 2012