Kababaihan

Karahasan at kapabayaan sa mga batang Pilipino


Matindi ang epekto ng serye ng mga pagdemolis sa maralitang mga komunidad sa Metro Manila sa mga bata. Ito ang sinabi ng isang grupo ng mga tagapagtaguyod ng karapatan ng mga bata, sa isang press conference kamakailan, matapos ang sunud-sunod na mararahas na demolisyon sa mga maralitang komunidad tulad ng sa Fort Bonifacio, Pasay at […]

Ipinanawagan ng mga tagatagyod ng karapatan ng mga bata na bigyang proteksiyon ang mga bata.  Nasa ibabang bahagi ng larawan ang dalawang batang biktima ng pang-aabuso ng militar sa Mindanao. (Macky Macaspac)
Ipinanawagan ng mga tagataguyod ng karapatan ng mga bata na bigyang proteksiyon ang mga bata. Nasa ibabang bahagi ng larawan ang dalawang batang biktima ng pang-aabuso ng militar sa Mindanao. (Macky Macaspac)

Matindi ang epekto ng serye ng mga pagdemolis sa maralitang mga komunidad sa Metro Manila sa mga bata.

Ito ang sinabi ng isang grupo ng mga tagapagtaguyod ng karapatan ng mga bata, sa isang press conference kamakailan, matapos ang sunud-sunod na mararahas na demolisyon sa mga maralitang komunidad tulad ng sa Fort Bonifacio, Pasay at Guatemala, Makati nitong nakaraang linggo.

Sa naturang presscon, sinabi ng Salinlahi Alliance for Children’s Concerns na ang mga maralitang komunidad na nademolis ay larawan lamang ng kabuuang kalagayan ng mga bata at kanilang mga pamilya sa buong bansa.

“Pabaya si Pangulong Aquino sa karapatan at kagalingan ng mga batang Pilipino,” ani Melissa San Migeul, tagapagsalita ng Salinlahi.

Sinabi pa ng grupo na hindi alintana ng administrasyong Aquino ang kalagayan ng mga bata at “ibinabaon” ng administrasyon ang mga bata at kanilang pamilya sa kahirapan at inilalagay pa sa panganib ang kanilang kinabukasan.

Tinukoy ni San Miguel ang mga patakarang sa ekonomiya na ipinapatupad ng administrasyong Aquino tulad ng Public Private Partnership (PPP).

“Sa ilalim ng PPP, magpapatuloy ang pagpapaalis sa mga komunidad ng mga maralita para bigyang daan ang mga malalaking negosyong dayuhan habang inaabandona naman ng gobyerno ang responsabilidad nito na magbigay ng sapat na serbisyo sa mga bata tulad ng edukasyon at kalusugan,” ani San Miguel.

Idinagdag pa niya na larawan ng kapabayaan ng gobyerno na mapabuti ang kalagayan ng 94 milyong Pilipino ang bilang na 3.8 milyong pamilyang nagugutom. “Hindi nakaligtas ang mga bata sa gutom at sa araw-araw na kasalatan, dahil patuloy na lumulubog ang kabuhayan ng kanilang pamilya,” aniya.

Pantapal na solusyon

Kinontra naman ng Gabriela ang mga programang pangkabuhayan ng gobyerno para sa mga maralitang bata at kanilang pamilya, tulad ng Conditional Cash Transfer (CCT) na nakapaloob sa programang Pantawid Pamilyang Pilipino o 4Ps. Layunin lamang daw nito na makahabol sa target ng gobyerno para sa Millineum Development Goals na itinakda ng United Nations (UN).

“Hindi nabibigyang solusyon ng CCT ang kalagayan ng mga bata. Gasino na lang ang bilang ng  mahihirap na naabot nito kumpara sa milyon-milyong mahihirap,” sabi ni Gert Ranjo-Libang, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Gabriela. Sinabi pa ni Libang na mas maraming pamilya ang sinasalanta ng mga programa ng gobyerno tulad ng pagsasapribado ng batayang mga serbisyo.

“Idagdag pa ang mga demolisyon sa mga maralitang nasa lungsod at militarisasyon naman sa mga  kanayunan,” aniya.

Sinabi pa ng naturang lider-kababaihan na manunumbalik din ang 3,041,152 pamilyang naabot ng gobyerno sa programang 4Ps dahil pansamantala o pantawid lamang ang programa. “Kapag natapos ang programa, manunumbalik ang kahirapan ng mga benepisyaryo,” sabi ni Libang.

Isinisisi ng lider-kababaihan ang kawalan ng malinaw at sustenidong pagbabago sa mga patakarang ipinapatupad ng gobyerno hinggil sa pag-ahon sa kahirapan ng mga mahihirap na pamilya.

“Dumarami nga ang bilang ng mga walang trabaho, kasabay naman nito na lumalaki ang bilang ng mga batang napipilitang magtrabaho dahil sa kahirapan at para makatulong sa pamilya,” ani Libang.

Sa pinakahuling tala ng National Statistics Office noong Oktubre 2011, aabot na sa 5.49 milyon ang mga batang manggagawa na may edad lima hanggang 17. Karamihan umano’y nasa sektor ng agrikultura at ang iba’y nasa mapanganib na trabaho tulad ng pagmimina, quarrying, pabrika, konstraksiyon at maging sa prostitusyon.

“Apat sa sampung batang manggagawa ay batang babae,” sabi ni Libang.

Karahasan sa mga bata

Idinagdag pa ng Salinlahi na dahil sa kabiguan ng gobyernong lunasan ang kahirapang nararanasan ng mga bata at kanilang pamilya, ilan sa mga bata ang nagiging bulnerable sa paggawa ng krimen o di nama’y nagagamit ng mga sindikato.

Ngunit lalong nadidismaya ang mga tagapagtaguyod ng karapatan ng mga bata sa pagtatangkang amyendahan ang batas na Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 o RA 9344.

Nitong Hunyo 2012, ipinasa na sa Kongreso ang panukalang batas na nag-aamyenda sa Republic Act 9344, pinababa ng House Bill 6052 ang edad ng criminal liability. Ayon sa grupo, hindi umano makakatulong sa mga batang lumabag ang pagbabago sa batas.

“Hindi malulutas ng pagpapababa sa edad mula 15 taong gulang patungong 12 ang problema,” ani San Miguel. Sinabi rin niya na hindi lubusang naipatupad ang RA 9344 dahil na rin sa kawalang badyet na inilaan kaya nabigo itong tulungan ang mga batang nagkasala sa batas.

Maliban sa mga batang nasasadlak sa maagang pagtatrabaho, nawawalan ng tirahan dahil sa kabi-kabilang demolisyon at mga batang nasasangkot sa krimen. Hindi rin umano nabibigyang proteksiyon ng gobyerno ang mga bata sa malalayong  mga lugar sa kanayunan. Marami umanong mga bata ang nagiging biktima ng paglabag sa karapatang pantao dulot ng matinding operasyong militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Patuloy umanong nagsisinungaling ang gobyerno hinggil sa kalagayan ng karapatang panatao.

“Maraming BI (bad influence) sa mga bata. Sinasabi natin sa mga bata na huwag magsinungaling, pero ang gobyerno’y nagsisinungaling hinggil sa kalagayan ng karapatang pantao,” ani Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.

Sinabi ni Palabay na kasinungalingan ang sinasabi ng gobyerno sa internasyunal na komunidad na ginagawan ng kongkretong aksiyon ang paglutas sa mga extra-judicial killings at hindi pinapayagan ang culture of impunity o kultura ng kawalang pananagutan. Kamakailan, nakipag-diyalogo si Sek. Leila de Lima ng Department of Justice o DOJ sa ilang mambabatas at grupo ng mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao sa US.

Sabi ni De Lima, sinsero raw ang gobyerno sa paglutas sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao, bagamat kailangan pang pahusayin ang bilang ng convictions.

Pero para sa Karapatan, lumalala ang kultura ng impunity na mapapatunayan ng mga biktima.  Dagdag pa ni Palabay, habang nagsisinungaling ang gobyerno sa ibang bansa’y nagpapatuloy daw ang paglabag sa karapatang pantao.

“Noong isang linggo lang, binaril at tinortyur hanggang sa mapatay si Genesis Ambason, isang lider-katutubo sa Agusan del Sur,” aniya.

Ayon sa Karapatan, si Ambason ang ika-112 biktima ng EJK sa ilalim ni Pangulong Aquino. Hindi rin nakaligtas ang mga bata na maging biktima ng pamamaslang, dahil siyam ang naitala ng grupo kasama na ang tatlong batang napaslang sa kasagsagan ng operasyong militar sa Maguindanao noong Agosto.

Maliban pa rito ang mga batang napilitang lumikas kasama ng kanilang mga pamilya dahil sa matinding operasyong militar. Sinabi ni Palabay na karamihan sa 112 na kaso ang nakabinbin sa lebel ng prosekusyon o sa mga korte.

Paniwala ng grupo, nagbubulid umano ng kasinungalingan ang gobyerno para maging makatuwiran ang tulong-pinansiyal ng US para sa militar na aabot sa $13-Milyon.

Kasama sa press conference ang dalawang batang mula sa North Cotabato na inaresto umano at ginawang giya ng mga sundalo sa kanilang operasyon laban sa mga rebeldeng New People’s Army. Nandoon rin ang isang pamilya na galing sa Quezon na lumikas dahil sa takot sa militar.

Haharap sila sa isang kumperensiya ng child rights advocates sa Oktubre 2, bilang paggunita sa buwan ng mga bata.