Binasang kamusmusan


Libu-libong bata ang nasadlak sa trauma bunsod ng mapait na karanasan nila noong bagyong Ondoy. Ito ang isa sa mga pamamaraan para makaigpaw dito ang mga bata.

Mag-ina, sa isang evacuation center sa Talanay, Quezon City. (Kuha ni Maki Macaspac)
Mag-ina, sa isang evacuation center sa Talanay, Quezon City. (Kuha ni Maki Macaspac)

“Bata, bata! Tibayan ang loob, Humakbang kang pasulong” (Bahagi ng isang kantang madalas awitin ng mga batang kasapi ng children’s collective, isang samahang binubuo ng mga batang nagtataguyod ng karapatang pambata at kagalingan na rin ng mga batang Pilipino)

Tipikal na bata si Ana, 12 taong gulang. Mahilig maglaro, nag-aaral at nakikisalamuha sa mga kapwa niya bata, lalo na kapag walang pasok. Subalit noong Setyembre 26, hindi malilimutan ni Ana ang karanasan ng Sabado na iyon.

“Sabado ng umaga ’yun, malakas ang ulan, gumagawa ako ng aking homework, bigla na lang tumaas ang tubig hanggang sa may bewang ko,” salaysay ni Ana, isang miyembro ng children’s collective ng Salinlahi Alliance for Children’s Concerns, habang siya ay nasa proseso ng psycho-social therapy ng Children’s Rehabilitation Center (CRC).

Isa si Ana sa 16 na batang sinagip ng mga staff ng CRC, isang institusyon na nagbibigay tulong sikolohikal sa mga batang bikitima ng karahasan ng Estado sa pangunahin. Subalitt tumutugon din sila sa mga batang biktima ng mga kalamidad, gawa man ng tao o ng kalikasan.

“Noong araw na iyon, kasagsagan pa ng bagyong si Ondoy, nag-SOS na sa amin ang mga teachers at nanay sa Olandes, (mula sa Olandes Batibot Early Learning Center). Nagpasya kami na i-rescue sila noong wala na talagang pag-asa na makarating ang mga rescuers. Nabigo kami sa unang attempt namin, dahil na rin sa lakas at lalim ng tubig,” sabi ni Malu Ignacio, admin officer ng CRC.

“Pangalawa, hindi naman kami trained na rescuer, ang dala lang namin noon ay tali at laruang rubber boat na kaya ang dalawang bata.”

Kinabukasan,tumuloy uli ang mga staff ng CRC upang saklolohan ang mga bata at teachers, at maging ilan din sa mga staff ng Association for the Rights of Children in Southeast Asia (Arcsea), na sa panahon ng kalakasan ng bagyo ay nasa lugar at nagbibigay ng isang pag-aaral sa mga magulang hinggil sa karapatang pambata. Dala ang isang trak na pinahiram ng Citizen’s Disaster Response Center o CDRC, matagumpay silang nakapasok sa isang lugar na relatibong mababa na ang baha, mula doon ay nailikas nila ang limang pamilya kabilang na dito ang labing-anim na bata, ilan dito ay mga miyembro ng children’s collective.

Therapy para sa mga biktimang bata

Maliban sa pagkasa ng agarang relief operations, kaagad ding isina-ilalim ang mga bata sa psycho-social therapy upang maibsan ang traumang inabot nila sa karanasang dulot ng malawakang pagbaha. Matingkad sa mga iginuhit na drowing ng mga bata ang karanasan nila, inaanod na bahay, mga taong nasa bubungan, at malaking tubig na nakapalibot sa mga bahay.

Hindi lamang sa mga bata ng Olandes may malaking epektong siko-sosyal ang baha.

“Kahit sa aming pag-iikot sa ibang lugar tulad ng Brgy. Bagong Silangan (sa Quezon City) upang mangalap ng initial na datos hinggil sa epekto sa mga bata, matingkad na obserbasyon ang pagkabalisa nila. Lalo na’t hanggang ngayon, kalakhan sa kanila ay nasa evacuation centers o kaya ay nasa mga sira-sirang bahay nila,” pagsasalaysay ni Bim-bim de la Paz, executive director ng CRC.

Ayon sa pinakahuling datos ng NDCC, aabot sa 59 bata ang namatay sa pananalasa ng bagyong Ondoy. Ngunit sa tala ng Concerned Mothers League, sa Bagong Silangan pa lamang kung saan 79 ang bilang ng namatay, 29 dito ang mga bata (Huling datos noong Oktubre 10, 2009). Hindi pa kasama dito ang bilang ng mga namatay sa pananalasa ng bagyong si Pepeng sa Gitna at Hilagang Luzon. Gayundin, hindi kasama sa kabuuang bilang mga batang nakakaranas ngayon ng trauma dulot ng magkasunod na kalamidad.