Main Story Pambansang Isyu

‘Limang buwan ng inhustisya’


Nagdaan ang limang buwan, wala pa ring katarungan para sa mga biktima ng bagyong Yolanda dahil sa anila’y “kriminal na kapabayaan” ng administrasyong Aquino. Kaya nitong Abril 8, dinala ng grupong People Surge sa Mendiola, Maynila, sa paanan ng Malakanyang, ang kanilang galit sa “patuloy na pagpapabaya at pang-iinsulto” sa kanila ng administrasyong Aquino na […]

Isang linggo bago ang Semana Santa, sa pormang prusisyon ang naging protesta ng People Surge para iprotesta ang anito'y kawalan ng hustisya sa mga biktima ng bagyong Yolanda--limang buwan matapos manalasa ang bagyo sa Eastern Visayas. <strong>Macky Macaspac</strong>
Isang linggo bago ang Semana Santa, sa pormang prusisyon ang naging protesta ng People Surge para kondenahin ang anito’y kawalan ng hustisya sa mga biktima ng bagyong Yolanda–limang buwan matapos manalasa ang bagyo sa Eastern Visayas. Macky Macaspac

Nagdaan ang limang buwan, wala pa ring katarungan para sa mga biktima ng bagyong Yolanda dahil sa anila’y “kriminal na kapabayaan” ng administrasyong Aquino.

Kaya nitong Abril 8, dinala ng grupong People Surge sa Mendiola, Maynila, sa paanan ng Malakanyang, ang kanilang galit sa “patuloy na pagpapabaya at pang-iinsulto” sa kanila ng administrasyong Aquino na hindi umano tumugon sa kanilang mga kahilingan.

“Limang buwan na ang nagdaraan pero ganoon pa rin ang ating kalagayan. Wala pa ring nangyayari. Sobra na ang ginagawang pagpapasakit (sa atin). Inutil pa rin ang gobyerno (ni Aquino) at hindi ginagampanan ang dapat gampanan,” ayon kay Sr. Edita Eslopor, tagapangulo ng People Surge.

Kasamang nagtungo sa Mendiola ang mga biktimang nagmula pa mismo sa Eastern Visayas para makiisa sa kanilang mga kasamahan sa ilalim ng People Surge.

Ayon sa kanila, wala pa ring dumarating na tulong na ipinapangako sa kanila ng gobyerno, sa kabila ng pagbuhos ng tulong mula sa iba’t ibang organisasyon sa loob at labas ng bansa.

“Wala kaming natanggap na relief goods mula sa gobyerno. Ang tumulong sa amin, galing sa ibang bansa. Hanggang ngayon, limang buwan na, walang ibinibigay itong gobyerno natin,” ani Delia Galvez, 51, mula sa Calbiga, Samar, sa panayam ng Pinoy Weekly.

Inihalintulad ng mga biktima ng bagyong Yolanda ang paghihirap nila sa dinanas na pagpapahirap ni Kristo. Pero ngayon, mayroon umanong "Gang of 5" na nagpapahirap sa mga mamamayan. <strong>Boy Bagwis</strong>
Inihalintulad ng mga biktima ng bagyong Yolanda ang paghihirap nila sa dinanas na pagpapahirap ni Kristo. Pero ngayon, mayroon umanong “Gang of 5” na nagpapahirap sa mga mamamayan. Boy Bagwis

Limang buwan, gapang pa rin

Ayon kay Galvez, nabubuhay lamang sila ngayon sa natitira nilang mga pananim tulad ng kamote, gabi, at kaunting sinasakang palay. Wala pa rin umanong tubig at kuryente sa kanilang lugar. Wala ring ospital o pagamutan para sa mga may sakit nila.

Sa kasalukuyan, nasa tent lamang nakatira sina Galvez. Hindi na sila pinapayagan na magtayo muli ng bahay dahil sakop umano ang kanilang lugar ng “No Build Zone” policy ng gobyerno. Mayroon daw mga militar at pulis sa lugar nila na nagbabawal sa kanila para tayuan muli ang kanilang bahay.

Ganito rin ang kuwento ni Rita Dacoy, 69, maningisda mula sa Tacloban City, Leyte. Hindi na rin sila pinahihintulutan na tayuan ang kanilang bahay na nasalanta rin ng bagyo, sa panayam ng Pinoy Weekly.

“Pinapatira kami sa bunk houses pero malalayo naman at walang kabuhayan. Magugutom din kami doon. Maraming tulong, pero hindi naman nakakarating sa amin,” sabi pa ni Dacoy.

Sa halip na agad na makarating sa kanila ang tulong, pinapalitan muna raw ito ng supot ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) bago ipamigay, dagdag niya.

Ayon sa People Surge, kailangan pa rin nila ang relief goods at pangmatagalan at nakabubuhay na trabaho dahil ayaw din nilang umasa lamang sa relief goods.

Kung maibibigay umano ang P40,000 sa kanila, mas sa pagpapasaayos ng kanilang mga bahay nila ito ilalaan. At tingin nila, hindi din ito sasapat sa iba pa nilang agarang pangangailangan.

Matapos ang misa sa Quiapo Church, pinagsaluhan ng mga taong simbahan, kabilang si Bishop Deogracias Iniguez, at mga miyembro ng People Surge ang lutong kamote na ayon sa kanila'y siyang kinakain na lang ng mga mamamayan ng Eastern Visayas na biktima ng Yolanda. <strong>Boy Bagwis</strong>
Matapos ang misa sa Quiapo Church, pinagsaluhan ng mga taong simbahan, kabilang si Bishop Deogracias Iniguez, at mga miyembro ng People Surge ang lutong kamote na ayon sa kanila’y siyang kinakain na lang ng mga mamamayan ng Eastern Visayas na biktima ng Yolanda. Boy Bagwis

Pang-iinsulto ng gobyerno

Mula Eastern Visayas, dinala nila ang kanilang mga hiling sa Maynila para matugunan ng gobyerno ang kanilang mga karapatan bilang mga biktima ng kalamidad.

Kabilang sa kanilang kahilingan ang P40,000 na agarang tulong, pagpapatuloy ng pamimigay ng relief goods, lalo na sa liblib na mga lugar at pagbasura sa polisiyong “No Build Zone” ng gobyerno.

Noong Pebrero 17, dinala ng People Surge ang kahilingan ng mga biktima ng Yolanda sa Malakanyang, pero di sila hinarap ng Pangulo. Hindi rin sila nakakuha ng paborableng tugon sa gobyerno at nainsulto pa umano sila sa naging pahayag ng mga opisyal ni Aquino sa midya, ayon kay Marissa Cabaljao, 27, mula Pinabacdao, Western Samar at kabilang sa People Surge.

“Nagprotesta kami rito sa iba’t ibang ahensya, pero hindi kami hinaharap. ‘Yung sa DSWD lang (ang naganap na diyalogo), pero nag-walk-out din kami dahil alam namin wala kaming mapapala sa sinasabi niya (DSWD Sec. Dinky Soliman),” ayon kay Cabaljao.

Sinabi pa ni Cabaljao na di sila pinansin ng mga pulitiko at alyado ng pangulo sa Kamara, nang magpunta sila sa Batasan Pambansa nang magbigay ng privilege speech si Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan hinggil sa kanilang kalagayan.

Pawang “nagdadaldalan lang” umano ang mga Kongresista na tila walang pakialam sa kanilang mga biktima ng bagyong Yolanda, kuwento pa niya.

“Parang palengke (ang Kamara). Doon ako pinaka-nadismaya at nawala ang respeto ko (sa kanila). Hindi kagalang-galang. Bakit pa tayo may eleksiyon? Bakit pa tayo bumoboto? Walang silbi (ang) gobyernong ganito,” sab pa ni Cabaljao.

Kuha ni <strong>Macky Macaspac</strong>
Kuha ni Macky Macaspac

Nagpapatuloy

Binabalewala man sila ng administrasyong Aquino kahit nagpunta sila sa Maynila, nagpapatuloy pa rin ang pag-asa at paglaban ng People Surge para makuha ng hustisya.

“Hindi na lamang mga biktima ni Yolanda ang oorganisahin namin, kundi lahat ng mga mamamayan na pinabayaan at pinababayaan sa panahon ng sakuna gaya ng (mga biktima ng) bagyong Pablo at maging ‘yung mga biktima sa Zamboanga siege,” ayon kay Cabaljao.

Nagsisimula pa lamang umano ang People Surge sa kanilang laban. Sa kasalukuyan, marami na itong inani na pagkikiisa at simpatya mula sa iba’t ibang sektor na tumutulong sa kanila na ipakita ang tunay na kalagayan ng biktima kung paano sila tratuhin ng gobyerno, ayon kay Joel Abano, tagapagsalita ng People Surge.

Nagdaan ang limang buwan ng kapabayaan ng gobyerno.Pero kasabay nito ang pagtindig at paglaban ng mga biktima para sa kanilang mga karapatan–di lamang bilang mga biktima ng sakuna kundi bilang mga mamamayang di-papayag na gawin pang biktima sila.

Teksto ni Pher Pasion | Larawan nina Macky Macaspac at Boy Bagwis