Kapirasong Kritika

Kritik + Alternatib


Probokatibo ang “How the left lost the argument,” maikling sanaysay ng bantog at kontrobersyal na pilosopong Slovenian na si Slavoj Zizek na nagtatasa sa nakamit ng Kaliwa sa gitna ng matinding krisis pang-ekonomiya at pampinansya na pumutok noong 2008

(1) Probokatibo ang “How the left lost the argument,” maikling sanaysay ng bantog at kontrobersyal na pilosopong Slovenian na si Slavoj Zizek na nagtatasa sa nakamit ng Kaliwa sa gitna ng matinding krisis pang-ekonomiya at pampinansya na pumutok noong 2008.

Ang kongklusyon niya: “Ang pangunahing biktima ng nagpapatuloy na krisis, kung gayon, ay hindi ang kapitalismo, na tila nagbabago patungo sa mas masaklaw at mapanirang porma, kundi ang demokrasya – huwag nang banggitin pa ang kaliwa, na ang kawalan ng kakayahang maghain ng praktikal-posible (viable) na pandaigdigang alternatiba ay muling nalantad sa lahat.”

Nagsimula siya sa pagpansin na may “napakaraming kritika ng mga kasamaan ng kapitalismo” ngayon. May “limitasyon,” aniya, ang mga kritikang ito: “Ang layunin ay laging idemokratisa ang kapitalismo sa ngalan ng paglaban sa mga abuso at ang pasaklawin ang demokratikong kontrol sa ekonomiya… Ang hindi kailanman nakukwestyon ay ang burgis na estado ng batas na sinasandigan ng modernong kapitalismo.”

Pagkatapos, tuluy-tuloy nang padausdos na pesismistikong pagbasa ang inihain niya: Nawawalan ng hangin ang mga tampok na paglaban ng Kaliwa, mula Occupy hanggang sa Arab Spring, Nepal hanggang Venezuela. Sabi niya, “Lumilitaw ngayon na ang pangunahing pampulitikang epekto ng pang-ekonomiyang krisis ay hindi ang pag-usbong ng radikal na kaliwa, kundi ng rasistang populismo, mas maraming gera, mas malawakang karalitaan sa pinakamahihirap na bansang Third World, at lumalawak na pagkakahati sa pagitan ng mayayaman at mahihirap.”

Ang tambalan daw ng kapitalismo at awtoritaryanismo sa Tsina ang posibleng tunguhin o kahantungan ng mga bansa sa mundo. “Para bang itinanghal ang krisis na ito para ipakita na ang tanging solusyon sa pagkabigo ng kapitalismo ay mas marami pang kapitalismo.”

(2) May ilang problema sa sanaysay ni Zizek, bagamat probokasyon ang mga ito sa pagsapul sa ilang mahalagang usapin sa pulitikang maka-Kaliwa. Higit pa sa tanong kung makatotohanan ang pagtatasang inilatag niya – at sa gayon ay kung may batayan ang pagiging pesimistiko niya – ay ang tanong kung wasto ang teoretikal na balangkas na ginamit niya sa pagtatasa.

Una, lumalabas sa sanaysay ni Zizek na may kakulangan ang kritika ng Kaliwa sa kapitalismo at hindi rin nito nagagawang maghain ng alternatiba. Syempre pa, magkaugnay ang dalawa. Hindi talaga makakapaghain ng alternatiba ang “Kaliwa” na ang kritika sa kapitalismo ay paimbabaw, nagpopokus sa pinakamasasahol na aspekto ng sistema, at tumutumbok lang sa pagreporma rito. Para makapaghain ng matalas na kritika sa kapitalismo, at mula rito ay makapaghain ng matalas na alternatiba, na walang iba kundi ang sosyalismo, mahalaga ang sabi ng pilosopong Aleman na si Hans Heinz Holz: “Kailangan nating itanong: anu-ano ang mga pangunahing katangian ng kapitalismo?”

Ikalawa, dahil na rin hindi nailinaw ni Zizek ang ugnayan ng kritika at alternatiba, lumalabas na mas pinapahalagahan niya ang ikalawa kumpara sa nauna – kahit pa, halimbawa, mapatalas ang nauna. Pero mas mabilis na yayakapin ng masa at mamamayan ang alternatibong sistemang isinusulong ng Kaliwa kung mabisa nang nailatag ang kritika ng Kaliwa sa umiiral na sistema. Sa pagsusulong ng progresibong pulitika, rekisito ang kritika sa alternatiba; ang hinala ko, sa dalawa, mas pangunahin ang kritika sa alternatiba. Kung hindi, magiging isa lang sa maraming nakahaing alternatiba sa tagibang na “merkado ng kaisipan” ang alternatibang inihahain ng Kaliwa.

Totoo, alam ng masa at mamamayan ang kahirapan, kagutuman at iba pang kabulukan ng sistema. Pero kailangan pa nilang maunawaan kung paanong nakaugat ito sa umiiral na sistema. Mainam na huwaran ang Manifesto ng Partido Komunista ni Karl Marx at Lipunan at Rebolusyong Pilipino ni Amado Guerrero: masinsin at historikal na inilatag ang kritika sa umiiral na sistema bago inilatag, nang mas maiksi kumpara sa nauna, ang isinusulong na alternatiba.

Ikatlo, bagamat mas dagdag sa halip na kritika kay Zizek, may mabisang pamamaraan ang Kaliwa para madaling maipakita at mapayakap sa masa at mamamayan ang kritika nito sa umiiral na sistema – at mula rito ay maipakita at mapayakap rin ang alternatiba. At iyan ay walang iba kundi ang pagsusulong ng mga kampanya at pakikibakang masa – na, syempre pa, ay nakatuntong at mahigpit na nakaugnay sa matalas na kritika sa lipunan.

Sa pamamagitan ng mga kampanya at pakikibakang masa, sa pagsusulong ng mga batayang kahilingan ng masa at mamamayan, kahit pa sa batayan ng isang isyu sa isang panahon, namumulat ang masa at mamamayan sa tiyak na kabulukan ng isang aspekto ng namamayaning sistema at nagkakaroon ng matibay na tuntungan para mamulat sila sa kabulukan ng buong sistema. Naitataas ang kapasyahan nilang kumilos at lumaban mula sa isang isyu lang patungo sa pagbago sa buong lipunan.

Sa dulo, kung bubuuin ang teoretikal na balangkas para sa pagtatasa sa Kaliwa na gustong gawin ni Zizek, ganito ang mga magiging tanong: May matalas ba itong kritika sa umiiral na sistema? Paano ito nagsulong, nagpasigla at nagpalawak, ng mga kampanya at pakikibakang masa sa batayan ng ganitong kritika? Paano nito tinuntungan ang naturang mga kampanya at pakikibakang masa para magtaas ng kamulatan at kapasyahang lumaban – at sa gayon ay magpalawak at magpalakas? Paano nito pinalaganap ang sosyalistang alternatiba?

19 Nobyembre 2012