Manggagawa

Dalawang organisador ng kawani ng gobyerno dinukot sa Maynila, ipiniit sa Cam.Norte


Kinondena ng militanteng organisasyon ng mga kawani ng gobyerno ang pagdukot at pag-aresto sa Maynila at pagkulong sa Camarines Norte ng dalawa nilang kasapi at organisador. Sinabi ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) na aktibo sa pag-oorganisa sa mga kawani ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at iba pang ahensiya […]

Kinondena ng Courage ang panunupil ng mga ahente ng gobyerno sa kanilang hanay, kasama ang pagdukot, pagkulong at pagsama ng gawa-gawang kaso kina Randy Vegas at Raul Camposano. (Darius Galang)
Kinondena ng Courage ang panunupil ng mga ahente ng gobyerno sa kanilang hanay, kasama ang pagdukot, pagkulong at pagsampa ng gawa-gawang kaso kina Randy Vegas at Raul Camposano. (Darius Galang)
Kinondena ng Courage ang panunupil ng mga ahente ng gobyerno sa kanilang hanay, kasama ang pagdukot, pagkulong at pagsampa ng gawa-gawang kaso kina Randy Vegas at Raul Camposano. (Darius Galang)

Kinondena ng militanteng organisasyon ng mga kawani ng gobyerno ang pagdukot at pag-aresto sa Maynila at pagkulong sa Camarines Norte ng dalawa nilang kasapi at organisador.

Sinabi ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) na aktibo sa pag-oorganisa sa mga kawani ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at iba pang ahensiya sina Randy Vegas at Raul Camposano, nang arestuhin sila noong Disyembre 3.

Sa magkahiwalay na oras at lugar, dinampot ng armadong kalalakihan sina Randy Vegas at Raul Camposano noong Disyembre 3. Unang dinampot si Vegas noong umaga, at hapon naman nang dakpin si Camposano, matapos ang kilos-protesta ng mga kawani ng MMDA Employees’ Association sa EDSA.

Ayon sa inisyal na mga panayam ng fact finding mission kina Vegas at Camposano at sa tulong ng iba pang dokumentong nakalap ng Courage, ibinibintang sa dalawa na kasama raw sila sa isang ambus ng New People’s Army (NPA) laban sa militar sa Maot, Labo, Camarines Norte noong Abril 29.

Pinabulaanan ito ni Ferdinand Gaite, pambansang pangulo ng Courage, na nagsabing hindi posible na sangkot ang dalawa sa isang ambus noong Abril 29. Nasa Kamaynilaan umano sina Vegas at Camposano noong mga panahong ito, aktibo sa paghahanda ng Courage para sa nalalapit na kilos-protesta noong Mayo Uno, Pandaigdigang Araw ng Paggawa.

“Lehitimong organisasyon ang Courage ng mga unyon at asosasyon sa gobyerno at may track record na nagsusulong sa karapatan at kagalingan ng mga kawani ng gobyerno,” ani Gaite.

Ayon sa fact-finding mission ng Courage, maraming karapatan nina nina Vegas at Camposano ang nilabag ng mga dumukot sa kanila. Dinampot sila ng hindi nagpakilalang arresting officers. Hindi rin ipinaliwanag ang dahilan ng kanilang pag-aresto, at hindi nabigyan ng legal counsel.

Piniringan pa sila gamit ang mga panyo at tuwalya, at tuluyang hindi nila nakilala ang dumakip sa kanila. Parehas na sanaysay nila na matapos silang piringan at posasan, mula sa Metro Manila, dinala sila sa Camp Bagong Diwa, hanggang sa tuluyang ipiniit sila sa Daet.

Sinabi ng Courage na bahagi ang pag-aresto sa dalawa sa serye ng mga atake sa hanay ng mga kawani ng gobyerno. Nasa gitna ngayon ng paglaban ang mga kawani para sa kanilang mga benepisyo na ipinagkakait ng administrasyong Aquino.

Binatikos ni Gaite ang kawalan ng aksiyon ng administrasyon sa hinaing ng mga empleyado ng MMDA ukol sa kanilang mga benepisyo sa ilalim ng 2010 Collective Negotiation Agreement.

Bukod sa pagkakadakip sa dalawang kasapi ng Courage, hindi rin dumaan sa proseso ang paghahapag ng preventive suspension ang ilang mga kawani ng MMDA.

Nagkasa ang Courage ng isang kilos-protesta sa Disyembre 13. Bukod sa martsa tungong Department of Budget and Management hanggang Mendiola na may panawagang itigil ang pagkaltas ng benepisyo sa mga kawani ng gobyerno, ihahanda rin nila ang legal na depensa para kina Vegas at Camposano.