Kapirasong Kritika

Force of Hobbit


Dahil libre ng isang kaibigan, nanood siya ng The Hobbit noong Disyembre sa sinehan. Napanood din niya ang The Lord of the Rings pero hindi nabasa ang pamosong libro ni J.R.R. Tolkien. Hindi kinaya ng paghanga niya kay Lean Alejandro, lider-aktibista, na basahin ang umano’y paboritong katha nito. Kahit may ideya siyang buhay at makakaligtas […]

Dahil libre ng isang kaibigan, nanood siya ng The Hobbit noong Disyembre sa sinehan. Napanood din niya ang The Lord of the Rings pero hindi nabasa ang pamosong libro ni J.R.R. Tolkien. Hindi kinaya ng paghanga niya kay Lean Alejandro, lider-aktibista, na basahin ang umano’y paboritong katha nito.

Kahit may ideya siyang buhay at makakaligtas ang mga bida sa dulo, kapana-panabik kung paano magsisimula ang bawat labanan at kung paano sila makakaligtas. Kahanga-hanga ang paglaban ng engkantadong si Gandalf, ng hobbit na si Bilbo Baggins, at ng grupo ng dwarves sa pamumuno ni Thorin Oakenshield sa harap ng mga kalaban na lagi’t laging marami at mabagsik, bagamat hindi laging matalino. Interesante at nakakatakot ang kontrabidang si Azog.

Nakakabilib ang katatagan ng mga bida at ang ilang beses nilang pagpapatagal hanggang matalo ang kontrabida sa bawat salpukan. Malinaw na naikwento kung bakit nagsasakripisyo at lumalaban ang mga bida – dahil sa paghahangad ng mga dwarves na mabawi ang kanilang tahanan-kaharian-bansa.

Kaya naman lutang na lutang ang sinabi ni Gandalf sa pagkausap sa diwatang si Galadriel na “Ang paniwala ni Saruman, tanging dakilang kapangyarihan ang makakapagbalanse sa mundo, pero hindi iyan ang natuklasan ko. Natuklasan kong ang maliliit na bagay, mga pang-araw-araw na aksyon ng karaniwang tao ang siyang nagtataboy sa kadiliman, mga simpleng hakbangin ng pagmamalasakit at pagmamahal.”

Sinalubong ito ng bulong na parang parinig: “Socdem ang lintek! Nag-aarmadong pakikibaka na nga ang mga duwende, kung anu-ano pang ka-socdem-an ang sinasabi mo diyan!”

Lutang na lutang, dahil kung may ipinapakita man ang The Hobbit, iyan ay ang pangangailangan ng malalaking hakbangin para kamtin ang malalaking hangarin. Hindi talaga sapat ang pagboto o pana-panahong pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan kung gusto ng tunay pagbabago. Hindi sa progresibo ang pelikula, pero sapat ang saklaw at kitid ng kahulugan nito para magpahintulot ng progresibong pagbasa.

Lalabas na konsesyon ang sinabi ni Gandalf sa nakakaraming apulitikal na manonood; hindi lubos na matanganan ng nagsulat ng diyalogo ang radikal na mensahe ng mga aksyon ng mga bida. Pero hindi nakaligtas ang huli sa isang kasama niyang kagagaling lang noon sa integrasyon sa mga magsasaka at sa isa pang patungo pa lang doon noon. Sa kanila, may ekstrang kabuluhan ang pelikula.

Matutuwa kaya ang mga rebelde na panoorin ito katulad ng Avatar? Iyun lang, hindi sa tagumpay nagtapos ang pelikula, kundi sa pagkilala ng isa na mali siya sa hindi pagtitiwala sa isang kasamang umani naman ng respeto dahil sa kahandaang magbuwis ng buhay sa paglaban. Hindi na rin masama.

19 Enero 2013