FEATURED Rebyu

Monarko sa Malakanyang


Hinggil sa Maid in Malacanang (at Katips). Kasama ni Tsar Nicholas II at ng pamilyang Romanov — ang napatalsik na monarkiya ng Russia noong 1917 — ang kanilang mga katulong nang patawan sila ng parusang kamatayan ng mga sundalong Bolshevik mahigit isang siglo na ang nakaraan, Hulyo 17, 1918. Sa anumang panig tingnan, trahedya ang […]

Maid in Malacanang

Hinggil sa Maid in Malacanang (at Katips).

Kasama ni Tsar Nicholas II at ng pamilyang Romanov — ang napatalsik na monarkiya ng Russia noong 1917 — ang kanilang mga katulong nang patawan sila ng parusang kamatayan ng mga sundalong Bolshevik mahigit isang siglo na ang nakaraan, Hulyo 17, 1918. Sa anumang panig tingnan, trahedya ang pagkadamay sa kanila sa pagpaparusa sa mga Romanov. 

Kung paniniwalaan si Darryl Yap na may pakana ng pelikulang Maid in Malacanang, ang kinahinatnan ng mga Romanov ang tila pinangangambahan ng pamilyang Marcos habang nangyayari ang pag-aalsang EDSA noong Pebrero 1986. Sa maraming eksena sa pelikula, pinahayag ng mga Marcos ang takot nila sa mga tangkang asasinasyon, sa nakaambang paglusob sa Malakanyang, sa posibilidad na saktan sila kung di tatakas. 

Tila sinasabi rin ng MiM na may isa pang pagkakatulad ang mga Romanov sa mga Marcos. Ipinagpapalagay ng pelikula na monarko ang mga Marcos, na kastilyo nila ang Malakanyang, na itinadhana sa kanila ang poder ng kapangyarihan, at inhustisya ang lahat ng mga tangkang pagpapalayas sa kanila.

Sa kabila ng epikong laki ng nangyayari sa EDSA at labas ng Palasyo, sadyang nilimita ni Yap sa loob ng mga pader ng Malakanyang ang kalakhan ng kanyang melodrama. Sa ganitong paraan, madaling mabura sa naratibo ang konteksto ng mga protesta laban sa diktadurang Marcos: Hindi na mapag-uusapan ang mga nakaw-yamang naisubi sa mga bangkong Swiss, ang mga abuso sa karapatang pantao at krimen-sa-sangkatauhan sa ilalim ng batas militar, ang pagdausdos ng kabuhayan ng karamihan at palpak na pangangasiwa ng ekonomiya, o ang simpleng katotohanang 20 taong nangunyapit sa kapangyarihan ang pamilyang ito.

Nakasentro ang MiM sa drama sa pagitan ng mga Marcos – at ang mga katulong na matagal nang naglingkod sa kanila. Sa partikular, nakasentro ito kay Imee (ang “creative producer” ng pelikula na si Sen. Imee Marcos) – ang “nagmana kay Daddy” sa pagkatuso sa pulitika, ang di-opisyal na tagapayo ni Apo, at binansagang “Maid sa Malakanyang” na di kailangang sahuran. 

Si Imee ang lumalabas na pinakamatatag na Marcos, ayon sa Maid in Malacanang (2022).

Sa huling mga oras o araw na iyon sa Palasyo, pinamalas ni Yap, sa sobrang dramatikong paraan, ang relasyon sa pagitan ni Imee at Apo, Imee at mga kapatid, Bonget (Bongbong) at Apo, Bonget at Imelda. Sa isang antas, nagtagumpay ito na gawing makatao ang mga Marcos, at katulad lang nila ang sinumang pamilyang Pilipino. 

Gayunman, nakatuntong ito sa pagpapalagay na maaari man nating makita ang sarili sa mga Marcos, iba ang mundong ginagalawan nila. Paulit-ulit na ipinupunto ng pelikula na makatao ang turing ng mga Marcos sa mga katulong; at paulit-ulit din ang pagpapasalamat ng mga katulong sa pamilya, kahit na palagay nila’y di sila karapat-dapat sa pagtratong ito ng kanilang “amo”. 

Sa kabilang banda, itinuturing ng pelikula na natural ang karangyaan at kapangyarihan ng mga Marcos. Sa isang eksena, madamdaming tinitingnan ni Imelda, sa huling pagkakataon, ang kanyang mga larawan ng masasayang nakaraan, ang mga alahas, ang libu-libong sapatos. Pinamamalas sa atin ni Yap na isa itong nakalulungkot na trahedya, hindi lang ng mga Marcos, kundi ng lahat ng mga Pilipino. 

Si Imelda at ang ‘trahedya’ ng naiwang mga sapatos.

Hindi nagpapanggap ang pelikula na layunin nito ang “rehabilitasyon” ng mga Marcos, ang rurok ng 36 taong paggiit ng bersiyon nila ng kasaysayan. Hindi na kagulat-gulat ang maraming maliliit na kasinungalingan na maaaring ipagpatawad bilang bahagi ng “lisensiyang artistiko”: ang paggiit na ayaw ni Apo ng “karahasan” kaya di dinahas ang mga nagprotesta sa EDSA; ang pagiging sundalong bayani ni Apo (na pinabulaanan ng maraming independiyenteng imbestigador); at, siyempre, ang malisyosong pagsasalarawan kay Cory Aquino at mga madreng redemptorist sa Cebu, sa isang maikling eksena.

Pero hindi naman talaga kalakasan ni Yap ang datos o katotohanan. Hindi iyun ang nakakaakit sa propaganda ng mga maka-Marcos. Gagap ng mga ito na namamayani pa rin ang kulturang piyudal sa maraming manonood: ang pagtiwala at pamimitagan sa “amo”, “bossing”, o “panginoon”. Tumatanaw ng utang-na-loob ang mga magsasaka sa panginoong maylupa; gayundin ang mga katulong sa kanilang among mga Marcos. Kahit pa sa esensiya, mapagsamantala ang relasyong ito, at hindi yayaman ang mga amo o panginoon kung wala ang lakas-paggawa ng mga katulong o magsasaka. Sa pelikula, hindi makakatakas ang mga Marcos kung hindi nagsipag sa pagbabalot ng mga gamit (at mga alahas at ginto?) ang mga katulong.

Pero kung tutuusin, walang pagkakautang ang mga katulong na ito sa mga Marcos. Empleyado sila ng Malakanyang; ibig sabihi’y empleyado ng gobyerno at ng mga mamamayang Pilipino. Kung papalayasin man ang mga amo’t panginoon sa palasyo, hindi kailangang mapalayas din ang mga katulong. Sila – at tayo – ang tunay na mga amo sa Palasyo.


Eksena mula sa Katips.

Postscript: Nagsagupaan ngayong linggo ang dalawang pelikulang tila’y magkabangga sa pulitika. Nagwagi man ng mga patimpalak ang Katips, inaasahan namang pagwawagian ng Maid in Malacanang (MiM) ang takilya. Mas maraming sinehan ang nagpapalabas dito sa buong bansa, mas maraming pagkakataong mapanood. Kinanlong na ito ng mayor na produksiyong pampelikula na Viva, may suporta (at pondo) pa ng naghaharing pamilya ng mga Marcos. Samantala, independiyente ang Katips, at salungat pa sa tila’y namamayani (at popular, kung pagbabatayan ang resulta ng halalan) na naratibo ngayon hinggil sa mga Marcos at batas militar ng mga ito.

Sa kabilang banda, tila nasa panig naman ng Katips ang mga historyador, mga alagad ng simbahan, mga intelektuwal na tumitindig sa sinasabing pagrerepaso sa kasaysayan ng bansa, lalo na sa panahon ng paghahari ng mga Marcos mula 1965 hanggang 1986.

Dapat papurihan ang matapang na pagtapat ng Katips at artista/direktor nitong si Vince Tanadasa pamamayani ng MiM sa mga sinehan. Pero hindi ito marahil ang pelikulang lunas o pangontra sa lasong pinakakalat ng MiM. Sa maiksing salita, hindi nagtagumpay ang Katips sa paghahabi ng isang kapani-paniwala at matibay na naratibong magpapatumba sa matayog na pader ng propagandang maka-Marcos na anim na taon nang pinundar ng mga tulad ni Yap. Siguro, mas mainam nang isipin na munting ambag ang Katips sa nagkakaisang hanay ng mga pelikula o biswal na naratibong mas malakas na babangga sa disimpormasyon at paglikha-ng-mito ng mga Marcos – mga naratibong pelikulang tulad ng at Bayan Ko: Kapit sa Patalim ni Lino Brocka, Dekada ’70 ni Chito Rono, The Guerrilla is a Poet nina Sari at Kiri Dalena, Liway ni Kip Oebanda, at marami pang iba.


Unang nalathala sa Bonfires Leaping, personal na blog ng otor.