FEATURED Rebyu

Alamat ng Hustisya sa Tu Pug Imatuy (The Right to Kill)


Ano ang karapatan ng mga militar upang maghasik ng takot? At ano naman ang karapatan ng NPA upang umanib sa kabundukan, maglunsad ng digmang bayan?

Palaisipan ng isang millennial: ano ang karapatan ng mga militar upang maghasik ng takot sa mga bata at guro; mang-agaw ng pagkain at tirahan sa dukhang mag-anak; mang-abuso sa kababaihan; at mangdukot, mangtortyur at pumaslang ng magsasaka? At ano naman ang karapatan ng Bagong Hukbong Bayan (NPA) upang umanib sa kabundukan, maglunsad ng digmang bayan, at ipatupad ang hustisya para sa inaaping katutubo?

tuBinubuksan ng pelikulang, Tu Pug Imatuy (The Right to Kill) ang magkabilaang katanungan sa pamamagitan ng kontemporaryong kuwentong Manobo, ang Alamat ni Sagasa. Sang-ayon sa kuwento na salin ni Dawin (Jong Monzon), ang katutubong ninuno ay namumuhay nang payapa at ligtas katuwang ang kalikasan. Mahusay siyang manghuli ng baboy ilahas bilang pagkaing pinagsasaluhan ng pamayanan. Matapos ang matinding kagutuman dahil sa malawakang pagtrotroso, isang araw ay nagulat ang pamayanan sa sadyang pagkahuli at pagkabitag ng isang makinador ng chainsaw. Bagamat nagdiwang, kinailangang magtago ng katutubong Manobo na mula noon ay binansagang Sagasa. Pinaniniwalaang nanatili siya sa kaibuturan ng kabundukan bilang Diwata o Bathalang Tagapagbantay.

Ang nilahad na alamat ay mistulang babala sa sinumang nanghihimasok sa katutubong pamayanan gaya ng burukrata o dayuhang konsensonaryo sa pagtrotroso at korporasyon ng mina.

Ang kuwento ay nagiging buhay na karanasan ni Obunay (Malona Sulatan), isang ina. Mula sa simpleng gayak sa piling ng mga puno, batis, ilog at talon kasama ng kanyang asawang si Dawin at ng kanilang tatlong anak, iniimbita ang mga manunood sa isang paglalakbay. Sa bawat hakbang at panibagong paghari ng buwan sa lakbayang ito ay mauunawaan ang masalimuot na buhay ng Lumad hatid ng komplikasyon ng pagkagahaman ng iilan sa kapangyarihan at pangangamkam sa yutang kabilin (lupang ninuno).

Sa unang insidente, ang pagkamatay ng bunso na si Awit ay hudyat ng dahilan ng pakikibaka ng mga katutubo para sa sustenableng pagkain at nutrisyon. Ang lehitimong dahilan na ito ay walang saysay para sa mga mersenaryo gaya nina Tinyente Olivares (Luis Georlin Banaag III) at Sarhento Villamor (Jamee Rivera). Higit na mahalaga para sa mga bayarang sundalo ang mahanap ang kuta ng NPA kaysa pakinggan ang konkretong problema ng mga katutubo. Dinukot ang walang malay na ina at ama, hinayupak na pinagtripan at sa huli ay kinaibigan upang maging giya sa malawak na tereyn. Liban sa pisikal at sikolohikal na pasakit, ang pinakamapait sa internal na pakiramdam ng magulang ay ang maipagkait sa kanila ang pagkalinga sa kanilang mga anak laluna sa panahon ng pagluluksa at kagutuman.

Sa hugot na ito namumuhunan ng lakas si Obunay upang manatiling alisto. Sa pamamagitan ng talas ng tingin at mabudhing pag-iyak, tahasang naipahayag ni Sulatan ang kimkim na ngalit at suklam ng isang babae, ina at katutubo laban sa mga mangingindap-mangagahasang militar. Ang nag-aalburotong katahimikan ay mahusay niyang pinasabog bilang isang tipo ng expresyon nang may komprehensibo ngunit lihim na pagsusuri sa obhetibong kalagayan ng inosenteng mamamayang sapilitang ikinulong at mekanisadong hinulma upang mang-ahas sa kapwa. Ang bulok na estilong ito ay kabisado na ng mga detenidong pulitikal mula pa sa mga aral ng panahon ng panunupil ng Espanya at Amerika hanggang sa panahon ng Batas Militar ni Marcos at ng sumunod na mga rehimen.

Binabalewala ng mga militar ang kapangyarihan ng babae na umaklas sa anumang mapagkubabaw na pagturing. Naging suwabe para kay Obunay ang mailigtas ang guro at estudyanteng mga bata at kananayan na ginawa ring bihag ng pulpol na iskuwad. Ang mga militar mismo ay naniniwalang hindi naaabot ng serbisyong gobyerno ang mga liblib na lugar kaya wagas nitong dinedeklara na handog ng NPA ang paaralan sa pamayanang bundok.

Bakit nga ba takot ang gobyerno/militar na matuto ang katutubo na magbasa, magsulat, magbilang at maunawaan ang kasaysayan ng pakikibaka, gaya ng halimbawa, laban sa imperyalismo? Hindi na ito isang palaisipan, bagkus ay nakakatawang katarantaduhan.

Ang pag-atake sa mga paaralan at pagtransporma rito bilang detatsment ay paglabag sa unibersal na polisiyang itinakda ng Pambansang Nagkakaisang Prente (NDF) at ng United Nations: na ang paaralan ay marapat lamang na manatiling ligtas na sanktuwaryo sa gitna ng armadong tunggalian. Ipinakita ng pelikula ang reyalidad ng paglabag na ito na ibayong lumala sa pakanang Oplan Bantay Laya I at II ng dating Pang. Gloria Macapagal Arroyo at Benigno Aquino III. Hinihiling ng sitwasyon ang pagkaroon ng komunidad ng inobasyon upang manatiling buhay. Taliwas sa malisya ng militar na ang hukay sa loob mismo ng pinagtagping paaralan ay pakana ng NPA, sa aktuwal ito ay paunang-taguan ng mga mag-aaral sa tuwinang pagtukmu-tukmong pambobomba sa kabundukan kaakibat ng operasyong kontra-insurehensiya at sadyang pagpapalayas sa mga katutubo (clearing operations) para sa kasalukuyang eksplorasyon ng mina.

Nakakalungkot matunghayan na ang metapora ng kaligtasan ay naging himlayan ng walang kalabang-laban na si Dawin. Ngunit lalu lamang tumibay ang kalooban ni Obunay upang tunguhin ang landas ng katarungan. Sa sumunod na eksenang habulan ay natutuklasang di nag-iisa si Obunay sa hangaring ito. Nagugulantang ang militar sa opensibang kumando ng amasona: mandirigmang NPA na animo’y rebelasyon ng mga ninuno bilang Tagapagbantay na si Sagasa.

Samantala, determinadong isinuong ni Obunay ang masukal na gubat: bawat pagal na hininga ay alay sa mga anak at bawat pag-aalay ay nakatuon sa hustisya. Sa kanyang bawat yapak ay humihiyaw ang lupa patungo sa kuta ng kanyang paglaya.

Ang sumaksak sa inosenteng magsasaka ay sapol ng punglo ng NPA. Ang Tinyente ay binaril ng sarili nitong Sarhento. Ang iba pa ay nabighani sa tradisyunal na patibong laban sa baboy ilahas. At buong tapang na pinagmasdan ni Obunay ang kanilang paghihingalo. Sa puntong ito ay nabibigyang-linaw ang diskurso at pintuho ng radikal na pamagat.

PW-tu-pug-imatuy-01

Garapalang umiiral ang militarisasyon bilang kawing ng dayuhang negosyo sa troso at mina mula 1900 hanggang sa ngayon. Sa gitna ng karahasan, nariyan ang mga katutubo upang buhayin muli ang bawat sinalantang bundok, gubat, tubig, at kultura. Ang cameo na pagganap nina Datu Mintroso Malibato at Bai Bibiya-on Ligkayan Bigkay, kapwa bayani sa kontemporaryong epiko ng Lumad ay simbolikong presensiya ng kaalaman sa batas ng digma at ng patuloy na paninindigan ng mga katutubo sa Mindanao upang depensahan at protektahan ang yutang kabilin.

Katubusan para kay Obunay ang muling mayakap ang kanyang mga anak. Ang larawan ng hindi mapag-imbot na bagong silay ng araw sa tuktok ng bundok ay siya ring inaasam ng mga bakwit/refugee na Lumad sa Davao, Bukidnon, Agusan, Compostella, Misamis, Cotabato, at Surigao.

Sa pagdirehe ni Arbi Barbarona, magiliw niyang ipinamalas sa pelikula ang yamang-likas ng bansa. Pasensiyoso niyang ginagabay ang mga manunood bilang kalahok sa lakbayan at nagtitiwalang mapagtanto nila na ang yamang-likas na ito ay nanganganib. Katunayan ay tuluyang mawala kung hahayaang manaig ang pangangamkam ng nasa poder at ng pagsasalsal nito sa impyunidad. Sa paraang vérité, mauunawaan na ang mga kapatid na Lumad ay dalisay lamang ang mithi para sa yamang-likas kaya handa rin siyang gisingin ang likas na katangian sa pakikidigma sa ngalan ng komunal na pakinabang.

Hindi biro ang piniling paksa ng pelikula sa sinserong panulat ni Arnel Mardoquio na halaw sa 2014 testimonya ni Ubunay Botod Manlaon ng Talaingod, Pantaron Range. Ang kanyang salin sa alamat ay mahalagang maisiwalat sa lahat ng millenial para sa ibayong pag-unlad ng kuwentong-Lumad sa susunod pang salinlahi.

Dinidiin ng saliw na kudlong ang diwa at praktika ng Alamat ni Sagasa bilang nakaugat sa usapin ng lupa kaya naman sa lohika rin ng hinaing ng lupa mabubungkal ang hustisya. Hindi madali ang prosesong ito ngunit sa tamang pagpanig ay sisibol rin ang pag-asa gaya ng pagsalubong sa ulan ng mga buto ng mongo.

Namumutawi ang awit-habilin ng chanter na si Anna Pillabon: “ang bayani, gaya ng matikas na kabayong si Laisan, na isa-isang ginapi ang kaaway at pinagtagumpayan ang bawat laban, ay nararapat lamang kalingain upang higit pang maging matapang alang-alang sa sambayanan”.

Ang Tu Pug Imatuy (The Right to Kill) ay kolaborasyon ng Red Motion Media, Kilab Multimedia, Sine Mindanaw, Yellow Kite Production, Skyweaver Productions, at pamayanang Lumad. Nagwagi ito ng anim na karangalan sa Ikatlong Sinag Maynila Film Festival (Pinakamahusay na Pelikula, Panulat, Direktor, Sinematograpo, Aktres, at Pangmusikang Iskor).


Sanggunian

Andag, R. at V. Retuerma. “The Anti-Terrorism Act in the Philippines: a Human Rights Critique.” Philippine Human Rights Information Center Occasional Papers No. 1, Nov. 2006.
Anderson, P. at J. Menon (eds.). Violence Performed: Local Roots and Global Routes of Conflict. Palgrave Macmillan: 2009.
Butler, J. Precarious Life: The Powers of Mourning and Violence. Verso: 2004.
cinemaMulat Production. Salugpungan: Kasaysayan ng Pagkakaisa at Pakikibaka ng Ata Manobo para sa Lupang Ninuno. Dokyumentaryo, 2008.
Dangla, D. “A Story of a Volunteer Teacher to Manobo Children.” ManilaToday.net, 8 Dec. 2014.
Evans, G., J. Goodman, at N. Lansbury. Moving Mountains: Communities Confront Mining and Globalization. Zed Books, 2002.
IPCM. “International People’s Conference on Mining Plenary Presentations and Workshop Resources.” Peoplesminingconf.net, 2015.
Kalikasan People’s Network for the Environment. “Where are the Trees? Examining the State of the Philippine Forests”. Kalikasan.net, 2011.
Karapatan. “Oplan Bantay Laya: Blueprint for Terror and Impunity (Karapatan 2009 Year-End Report on the Human Rights Situation in the Philippines).” Karapatan.org, 2009.
Karapatan. “The Human Rights Situation Under the Aquino Presidency (Karapatan 2015 Year-End Report on the Human Rights Situation in the Philippines).” Karapatan.org, 2015.
Kilab Multimedia. Defend Talaingod: The Lumad’s Quest for Justice. Dokyumentaryo. 2014. <Youtu.be/3gfr5PyTKHM>
Koutsourakis, Angelos. “The Dialectics of Cruelty: Rethinking Artaudian Cinema”. Cinema Journal Vol. 55, No. 3, Spring 2016 pp. 65-89.
Maranan, L. (ed.). Customary Laws and Free, Prior and Informed Consent. Philippine Task Force for Indigenous People’s Rights. 2013.
Masinaring, M.R. Understanding the Lumad: A Closer Look at a Misunderstood Culture. Tebtebba Foundation, 2011.
Montero, H. Pahiyum ni Boye (Boye’s Smile). Dir. H. Montero. Tauhan M. Dumala, J. Mantikinon, S. Guimboloy at R. Guimboloy. Pelikula, 2014.
Montero, H. Pakot (Wild Boar). Dir. H. Montero. Tauhan M.A. Alapag, J.M. Vegas, at M. Malibato. Prod. RedWerkz Productions at Red Motion Media. Pelikula, 2015.
National Democratic Front of the Philippines. The GRP-NDFP Peace Negotiations Major Written Agreements and Outstanding Issues. 2006.
National Union of People’s Lawyers. Extrajudicial Killings and Disappearances: Impunity in the Criminal Justice System. 2011.
Office of the United Nations High Commissioner for Human Rights. “The Core International Human Rights Treaties.” 2006.
Ragragio, A. M. “The Bakwit of the Talaingod Manobos.” DavaoToday.com, 6 Apr. 2014.
Sison, J.M. “The People’s Struggle for a Just Peace.” International Network for Philippine Studies: Netherlands, 1991.