Pinoy Weekly

Pandarahas sa mga lingkod-bayan, aktibista ipinrotesta ng Courage

Rali sa Mendiola ng mga kawani ng gobyerno at iba pang sektor laban pagdukot at pagsampa ng gawa-gawang mga kaso laban sa kanilang hanay. (Pher Pasion)

Rali sa Mendiola ng mga kawani ng gobyerno at iba pang sektor laban pagdukot at pagsampa ng gawa-gawang mga kaso laban sa kanilang hanay. (Pher Pasion)

“Nang makita ko siya sa kulungan nung sumama ako sa fact-finding mission ang sabi niya sa akin ‘Para sa bayan.’ Siya ay isang matatag, masipag, mabait, at may katangian ng isang tunay na lider.”

Ganito ilarawan ni Rose Deblois si Randy Vegas sa kanilang sampung taong pagkakasama sa pag-oorganisa ng mga kawani sa ng gobyerno sa ilalim ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employee (Courage).

Isinisisi ng mga progresibo ang bagong bigwas ng panunupil sa kanila sa Oplan Bayanihan, ang programang kontra-insurhensiya ng administrasyong Aquino. (Pher Pasion)

Isinisisi ng mga progresibo ang bagong bigwas ng panunupil sa kanila sa Oplan Bayanihan, ang programang kontra-insurhensiya ng administrasyong Aquino. (Pher Pasion)

Isa lamang si Randy Vegas sa dahilan ng pagmartsa ng mga mamamayan sa pangunguna ng Courage sa paanan ng Mendiola sa Manila upang kondenahin ang anila’y patuloy na paghaharas at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso sa mga progresibo sa ilalim ng programang kontra-insurhensiyang Oplan Bayanihan.

Pagtuloy na pangdarahas

Ayon sa Karapatan, grupong nagsusulong ng karapatang pantao, mayroong 407 bilanggong pulitikal sa bansa na nakapiit sa iba’t ibang kulungan. Inaasahan itong madaragdagan sa pagkakatalaga ni Lt. Gen. Emmanuel Bautista, ang opisyal sa likod ng Oplan Bayanihan, bilang bagong Chief of Staff.

“Nanunumbalik sa masidhing paraan ang batas militar sa panunungkulan ni P-Noy (Pres. Noynoy Aquino),” ayon kay Ferdinand Gaite, presidente ng Courage.

Sunud-sunod aniya ang atake sa karapatang sibil ng mga manggagawa sa ilalim ng panunungkulan ni Aquino. Kaniyang inilahad ang kaso nila Vegas at Raul Camposano na tinaguriang “Courage 2″ na kapwa  hinuli sa Maynila at natangpuang nakakulong sa Camarines Norte sa Bikol.

Inakusahan ang dalawa ng five counts of murder, one count of frustrated murder, at pagnanakaw sa naging engkuwentro umano sa pagitan ng New People’s Army at militar noong Abril 25, 2012.

“Imposible ang kanilang ibinibintang sa dalawa sapagkat narito sila sa Maynila ng mga panahong iyon, nag-oorganisa para sa nalalapit na malawakang pagkilos para sa Mayo Uno noon,” ani Gaite.

Kasama sa kinusuhan ang mga lider-manggagawa at maralita na sina Roy Velez at Amelita Gamara na pinapanawagan ang ibasura kaso laban sa kanila.

“Hindi kriminal ang nanay ko. Isa siyang lider-manggagawa at lider-maralita,” ayon kay Nikki Gamara, anak ni Amelita Gamara.

Ayon kay Nikki, hindi na makatayo nang mag-isa ang kanyang ina dahil sa edad nito na nasa 58-anyos na at timbang niya para makasama umano sa engkuwentro na ibinibintang sa kanyang ina.

Bago matapos ang taong 2012, kanila namang sinampahan ng gawa-gawang kaso sina Rene Abiva na nag-oorganisa ng mga guro at Virgilio Corpuz, coordinator ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) sa Cagayan Valley, dagdag ni Gaite.

Kapwa isinangkot sina Abiva at Corpuz sa engkuwento umano ng mga NPA at militar sa Tinoc, Ifugao noong Abril 25, 2012.

Paliwanag ng Courage, ang pagtuloy na pag-oorganisa ng mga kagaya ni Vegas sa hanay ng mga kawani ng gobyerno ang nagtulak upang ipitin sila sa mga gawa-gawang kaso. Isa si Vegas sa mga nag-oorganisa sa unyon ng Metropolitan Manila Development Authority sa kasagsagan ng kanilang protesta noong Disyembre.

“Ang malawakan at sistematikong paglabag sa karapatan ng mga manggagawa at mga mamamayan sa ating bansa ay maaari lamang manggaling sa polisiyang ginawa ng mga matataas na opisyal ng militar at gobyerno. May pananagutan si Pangulong Aquino sa mga paglabag na ito, ” ayon kay Nenita Gonzaga, vice-chairperson ng Kilusang Mayo Uno.

Mas maigting na laban

Pagpapahayag ng mga kawani ng gobyerno at iba pang sektor ng pagtutol sa Oplan Bayanihan. (Pher Pasion)

Pagpapahayag ng mga kawani ng gobyerno at iba pang sektor ng pagtutol sa Oplan Bayanihan. (Pher Pasion)

Marami pang kabuktutan ang gagawin ang administrasyong Aquino sa mga mamamayan dahil sa pagpapatupad ng Oplan Bayanihan, ayon kay Deblois.

Ang dating nang pagsasampa ng gawa-gawang kaso sa mga legal na aktibista ang nagpapatunay na ang Oplan Bayanihan ni Aquino ay walang pinag-iba sa Oplan Bantay Laya ni Arroyo noon, paliwanag ni Dianne Solmayor, pangkalahatang-kalihim ng Anakbayan-National Capital Region.

“Hindi ba ang pinakamalaking kriminal ay ang gobyernong ito sapagkat patuloy nitong itinataboy ang mga mamamayan sa kanilang mga tirahan, patuloy na hindi makapasok sa mga paaralan ang mga kabataan, patuloy na walang sariling lupang sinasaka ang mga magsasaka, patuloy na pagdampot at pagpatay sa mga aktibista,” pahayag ni Nikki.

Ayon naman kay Shamina Astudillo, tagapangulo ng College Editors Guild of the Philippines-National Capital Region, na pinakahuli lamang ang Oplan Bayanihan sa deka-dekadang paglaban ng mga mamamayan sa mga mapanupil na programang kontra-insurhensiya, tulad ng batas militar, Oplan Kadena de Amor, Oplan Lambat Bitag, hanggang sa Oplan Bantay Laya 1 at 2.

“Tiyak na mabibigo ang Oplan Bayanihan sapagkat walang ipinag-iba ito sa Oplan Bantay Laya 1 at 2 ni Gloria Macapagal-Arroyo noon. Walang ibang patutunguhan ang Oplan Bayanihan ni Aquino at AFP kundi pagkabigo sapagkat sinasagot ito ng mga pagkilos ng mga mamamayan, sinasagot ito ng mga kaanak ng mga biktima at sinasagot ito ng mga matatagumpay na taktikal na opensiba ng NPA sa kanayunan,” pagtatapos ni Palabay.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=22599

Pher Pasion Posted by on Jan 21 2013. Filed under Balita, Manggagawa. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Loading Twine Social
Log in | Designed by Gabfire themes