Maralitang Lungsod

Trahedya ng gumuguhong bundok ng basura


Matapos ang Earth Day at ilang linggo bago ang Labor Day: apat na manggagawa sa isang “landfill” sa Rodriguez, Rizal ang namatay matapos matabunan ng gumuhong bundok ng basura. Sa isang imbestigasyong nilahukan ng manunulat na ito, napag-alamang malalim ang problema sa sistemang pampulitika na pinagmumulan ng paulit-ulit na pagguho ng bundok ng basura

Paulit-ulit na trahedya: Gumuhong bundok ng basura sa Rodriguez, Rizal, na ikinamatay ng apat katao. (Angela Colmenares-Sabino)
Paulit-ulit na trahedya: Gumuhong bundok ng basura sa Rodriguez, Rizal, na ikinamatay ng apat katao. (Angela Colmenares-Sabino)

Tatlong araw bago ipagdiwang ang Earth Day, isang nakagigimbal na balita ang tumambad sa atin noong Abril 19. Apat na tao ang natabunan ng gumuhong bundok ng basura sa Sityo Lucutan Maliit sa Brgy. San Isidro, Rodriguez, Rizal, bandang alas-kuwatro ng hapon.

Kabilang sa kanila ang backhoe operator na si Gary Balahibo at mga maintenance personnel na sina Pablito Esto, Rovidico Olog, at Eddie Malano. Lahat sila’y mga manggagawa ng Rodriguez Sanitary Landfill na pag-aari ng International Solid Waste Integrated Management Specialist, Inc. (Int’l Swims).

Unang nahukay ang bangkay ni Garry at ang sinasakyan niyang backhoe noong Miyerkules. Kinabukasan nito, natagpuan si Rovidico at ang ibabang bahagi ng katawan ni Eddie. Patuloy pa rin ang paghahanap kay Pablito ng mga kawani mula sa pulis, militar, local government at Int’l Swims.

Mahigpit na security sa Rodriguez "Landfill". Bawal ang camera at media sa pagpasok dito -- Isang tipo ng panggigipit sa katotohanan. (Angela Colmenares-Sabino)
Mahigpit na security sa Rodriguez “Landfill”. Bawal ang camera at media sa pagpasok dito — Isang tipo ng panggigipit sa katotohanan. (Angela Colmenares-Sabino)

Pinaghihinalaang nangyari ang pagguho dahil tinatayang umabot na sa 100 talampakan ang taas ng basura at nakaapekto rin ang malakas na pagbuhos ng ulan dalawang oras bago naganap ang insidente. May mga residente rin na nagsabing nakarinig sila ng malakas na pagsabog mula sa karatig na quarrying site noong umaga ng Abril 19.

Ayon kay Marvin Madrid ng Protect Rizal, “Dahilan din ang patuloy at walang habas na pagpapasabog sa quarry na malapit sa landfill.”

Sa kasalukuyan, usad-pagong pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa tunay na sanhi ng trahedya.

Dagdag pa ni Madrid, “Imbes na kagyat na umaksiyon at magbigay ng tulong sa pamilyang naiwan ng mga biktima ng trahedyang sila mismo (gobyerno) ang may pakana, nagawa pa nilang magbulag-bulagan sa naganap na trahedya. Mas inantay pa nila na mag-ingay ang mga kamag-anak bago pa sila umaksyon.”

Imbestigasyon

Pinangunahan ng Task Force on Urban Conscientization -Association of Major Religious Superiors of the Philippines (TFUC-AMRSP) ang isang Fact-Finding and Solidarity Mission sa Sitio Lucutan Maliit noong Abril 24.

Naging bahagi ang manunulat na ito ng misyon bilang isang environmentalist at kinatawan ng Earth Island Institute Philippines. Bahagi rin nito ang Protect Rizal, Kasama-Montalban, Stewards of Creation, Promotion of Church People’s Response, Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), at Anakpawis.

Habang papalapit ang misyon sa naturang lugar, madadaanan ang mga pagawaan ng buhangin at iba pang materyales para sa konstruksiyon. Dito ibinabagsak ang mga batong hinahango mula sa kabundukan. Isang karaniwang tanawin sa maalikabok na kalsada ang mga kalbo at inukang bundok nang dahil sa logging at talamak na quarrying.

Itinuro ng guide ng misyon ang dating ilog ng Bambanin. Wala makikitang dumadaloy na tubig kundi puro tambak ng buhangin. Bago raw ang taong 2000, malalim at napapaliguan pa ang ilog. Mga taong 1980 pa raw nagsimula ang quarrying sa lugar, pero mula nang naging malakihan at mabilisan ang pagsaid ng mga kompanya ng quarrying sa yaman ng kabundukan noong taong 2000, hindi na nila nakitang malusog ang ilog.

Ganitong klaseng mga bato ang sinasaid ng mga kompanya ng quarrying sa Rodriguez, Rizal. Ayon sa mga batang nakapanayam ng awtor, binibili sa kanila ang ganito kalaking bato sa halagang dalawang piso. (Angela Colmenares-Sabino)
Ganitong klaseng mga bato ang sinasaid ng mga kompanya ng quarrying sa Rodriguez, Rizal. Ayon sa mga batang nakapanayam ng awtor, binibili sa kanila ang ganito kalaking bato sa halagang dalawang piso. (Angela Colmenares-Sabino)

Dagdag pa ng guide, halos araw-araw na nagpapasabog sa mga quarrying sites. Ito ang pinaghihinalaang sanhi ng pagyanig ng lupa na nagdulot ng pagguho ng karatig na bundok ng basura.

May impormasyong nakalap ang misyon na isa sa mga operator ng quarrying ang alkalde ng Rodriguez na si Mayor Cecilio “Elyong” Hernandez.  Kapitan sa barangay naman sa Brgy. San Isidro ang kanyang anak na si Dennis Hernandez.

Mahirap makapasok

Mahigpit ang seguridad para sa mga papasok sa “landfill.” May checkpoint pa ngang humarang sa sasakyan ng GMA-7, nang maganap ang misyon.

Nasaksihan ng mga miyembro ng misyon kung paano ito nabigong pumasok, kung kaya hindi sinabi ang ng mga miyembro ng misyon ang tunay na pakay noong inusisa ito ng mga pulis. Sa halip, sinabi nilang mga kamag-anak at kaibigan sila ng isa sa mga biktima.

Nakapasok ang misyon, pero binuntutan din ito ng isang pulis para muling usisain noong nakapanayam nito ang ilang residente sa komunidad.

Mula sa komunidad na pinakamalapit sa landfill, nagpasya ang misyon na maglakad patungo sa lugar na pinangyarihan ng pagguho para makapanayam ang pamilya ng mga biktima. Hinarangan ng mga malalaking bato ang kalsada, kung kaya hindi makararaan ang mga sasakyan.

May higit sa 30 minuto ang lakaran paakyat – kung saan sa tuktok ay matatanaw ang larawan ng mga sinalaulang mga ilog at kabundukan ng Rodriguez, Rizal.

Abril 24, 2012, Rodriguez Landfill: Nagtayo ng pansamantalang silungan ang pamilya ng biktimang si Pablito "Tikboy" Esto habang hinihintay na mahanap ang kanyang katawan sa gumuhong bundok ng basura. (Angela Colmenares-Sabino)
Abril 24, 2012, Rodriguez Landfill: Nagtayo ng pansamantalang silungan ang pamilya ng biktimang si Pablito “Tikboy” Esto habang hinihintay na mahanap ang kanyang katawan sa gumuhong bundok ng basura. (Angela Colmenares-Sabino)

Landfill’ o open dumpsite?

Nakasusulasok ang “toxic” at napakabahong amoy habang papalapit ang mga miyembro ng misyon sa gumuhong bundok ng basura.

Hindi malaman kung saan itatago ang aming ilong habang nasusuka at tila sasabog ang dibdib sa tindi ng baho ng pinaghalo-halong bulok na basurang galing sa kabahayan, fast food chains, hospital, pabrika, paaralan, at kung saan-saan pa. Ayon pa sa iba, masahol pa ito sa kulob na septic tank at kumakapit ang amoy nito sa damit at balat.

Hindi matatawag na landfill ang isang lugar kapag umaapaw nang lubos ang basura. Ang landfill batay sa depinisyon nito’y isang malalim na hukay kung saan ibinabaon ang mga nabubulok na basura at muling tinatabunan ng lupa. Sa kalagayang umabot na sa halos 100 talampakan ang taas ng halo-halo o di-segregated na basura, malayong tawaging landfill ang naturang lugar.

Mas lalong hindi’sanitary landfill’ na matatawag ang karimarimarim na tambakang itokung pagbabatayan ang Republic Act No. 9003, o Ecological Solid Waste Management Act of the Philippines. Malinaw na ito’y isang open dumpsite na ipinagbabawal ng naturang batas.

Nakakapanlumong malaman na apat na manggagawa ng "landfill" ang natabunan rito. Ang malagim na trahedya ng pagkamatay ng apat ay trahedya rin ng kawalan ng kaseryosohan ng pamahalaan na lutasin ang matagal nang problema sa basura. Sa halip, pinagkakakitaan pa ng iilang opisyal at negosyo ito. (Angela Colmenares-Sabino)
Nakakapanlumong malaman na apat na manggagawa ng “landfill” ang natabunan rito. Ang malagim na trahedya ng pagkamatay ng apat ay trahedya rin ng kawalan ng kaseryosohan ng pamahalaan na lutasin ang matagal nang problema sa basura. Sa halip, pinagkakakitaan pa ng iilang opisyal at negosyo ito. (Angela Colmenares-Sabino)

Matatandaang noong Setyembre 2008, naibulgar ang pagtatapon ng Rodriguez “Sanitary Landfill” ng leachate o nakalalasong katas ng basura sa ilog ng Rizal. Ang kawalan ng isang wastewater treatment facility ay isang mabigat na paglabag sa nabanggit na batas at sa Clean Water Act o RA 9275.

Pero hindi lang ang International SWIM ang dapat managot sa nasabing krimeng pagkalikasan. Malaki ang pananagutan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nagbigay ng permiso sa operasyon ng “sanitary landfill”  gayong nasa isang kritikal na watershed areaito sa Sierra Madre. Maaaring maapektuhan ang mayor na mga ilog ng Tanay, Puray at Rodriguez at ang populasyon ng munisipalidad na aabot sa mahigit 223,594 katao o 24,524 kabahayan.

Ang bayan ng Rodriguez o mas kilala bilang Montalban ay isang relocation site ng mga pamilyang galing sa mga maralitang komunidad ng Metro Manila at Cavite.

Sa panahon din ng dating Enivronment and Natural Resources Sec. Lito Atienza ay pinahintulutan din ang pagpapalawak nito mula 14 ektarya hanggang 19 ektarya.

Tinatayang aabot sa 3,000 hanggang 3,500 tonelada ang basurang dinadala rito mula sa Metro Manila. Malaking salapi ang umiikot sa negosyo ng basura na napupunta sa operator ng landfill, kolektor ng basura at lokal na pamahalaan.

Noong taong 2007, naging dahilan ito ng hidwaan sa pagitan ni dating Mayor Pedro Cuerpo at ni Gov. Jun Ynares III. Tampok usapin dito ang kontrol sa operasyon ng nasabing landfill.

Mabuhay at mamatay sa basura

Nakakapanlumong isipin na apat na manggagawa ng “landfill” ang natabunan sa ganitong kahindik-hindik na kalagayan.

Ang malunod sa rumaragasang bulok na basura ay isa sa pinaka-nakaririmarim na paraan ng pagkamatay dito sa Pilipinas .Hindi ko maubos-maisip kung paano nahati ang katawan ni Eddie Malano sa lakas ng puwersa ng pagguho, sa init na nakalulusaw ng balat at laman, o sa antas ng pagkabulok ng katawang kinakain ng mikrobyo. Ang malinaw, hindi makatao ang paraan ng kanyang kamatayan.

Inabutan din ng misyon ang nahukay na backhoe mula sa gumuhong basura. Lasug-lasog na ito sa bigat ng basurang dumagan rito. Ano pa kaya ang katawan ng drayber na si Garry Balahibo?

Kung hindi makatao ang paraan ng kanilang kamatayan, hindi rin makatao ang paraan ng kanilang kinabubuhay. Dahil sa kawalan ng mahahanap na trabaho, napipilitan ang ilang mga residente na pumasok sa ganitong klaseng hanap-buhay. Bukod sa mapanganib ito sa kanilang kalusugan, hindi rin sapat ang kinikita nila sa pang-araw-araw.

Kabilang, halimbawa sa nasabak sa ganitong trabaho si Pablito Esto, o mas kilala sa lugar bilang Tikboy, na mahigit 11 taon nang nagtatrabaho sa Int’l SWIMS ay kumikita lamang ng humigit-kumulang P300 kada araw. Nagsimula siya sa sahod na P180 kada araw. Anim ang kanyang anak at kasalukuyang nagdadalang-tao ang kanyang asawa.

Mayroong 60 empleyado ang nasabing “landfill.”  Animnapung mga indibidwal na nabubuhay sa basura na maari ring kumitil sa buhay nila.

Katarungan para sa mga biktima ng gumuhong bundok ng basura sa Rodriguez, Rizal. (Angela Colmenares-Sabino)
Katarungan para sa mga biktima ng gumuhong bundok ng basura sa Rodriguez, Rizal. (Angela Colmenares-Sabino)

Paulit-ulit na trahedya

Matatandaan na noong Hulyo 2000, gumuho rin ang isang bahagi ng dumpsite sa Payatas dumpsite sa Quezon City. Mahigit 500 katao ang nasawi sa gumuhong 70-talampakang bundok ng basura.

Gumuho rin ang bundok ng basura sa Brgy. Irisan, Baguio noong August 27, 2011. Limang katao – dalawa ang bata – ang namatay. Noong Setyembre 29, 2011, gumuho naman ang dumpsite Brgy. New Cabalan, Olongapo City na kumitil rin sa dalawang buhay.

Ang malagim na trahedya ng pagkamatay sa pagguho ng tambakan ay trahedya rin ng kawalan ng kaseryosohan ng pamahalaan na lutasin ang matagal nang problema sa basura. Sa halip, pinagkakakitaan pa ng iilang opisyal at negosyante ito.

Ang nagdadalang-taong maybahay ng isa sa mga biktima ng gumuhong bundok ng basura sa Rodriguez, Rizal. (Angela Colmenares-Sabino)
Ang nagdadalang-taong maybahay ng isa sa mga biktima ng gumuhong bundok ng basura sa Rodriguez, Rizal. (Angela Colmenares-Sabino)

Iginigiit ng mga environmentalist na hindi kailangan ang open dumpsites o sanitary landfills kung ang bawat kabahayan at barangay ay may sistematikong paraan ng pangangasiwa sa basura. Ang tunay na“ecological waste management” ay magmumula at naglilingkod sa mga mamamayan, nakabatay sa lakas ng tao, at naayon sa batas ng kalikasan kung saan lahat ng bagay ay may patutunguhan, walang nasasayang at may pakinabang.

Bahagi ng isang malaking larawan ng papatinding suliraning pangkalikasan ang problema sa basura. Mahigpit na konektado ito sa nabubulok at umaalingasaw na sistemang pampulitika. Ang pakikipagsabwatan ng ilang mga opisyal ng pamahalaan sa malalaking negosyante ay isa sa malinaw na dahilan kung bakit hindi maresolba ang mga suliraning ito.

Samantalang habang sinasaid ng iilan ang likas-yaman at sinasalaula ang kalikasan, ang mga maralita ang higit na naghihirap. Sa lahat ng sakuna na ganti ng kalikasan, laging ang mahihirap ang mas bulnerable at nagiging pangunahing biktima.