Kabataan

Mga kabataan nanawagan: Itigil taas-matrikula

Dumulog ang mga grupong pangkabataan sa pangunguna ng Kabataan Party-list sa Korte Suprema para hilingin ang pagtigil ng pagpapatupad ng taas-matrikula sa 354 kolehiyo at pamantasan sa buong bansa. Kaalinsabay nito, nagprotesta ang naturang mga grupo sa iba’t ibang lugar sa bansa para ihayag ang kanilang pagtutol sa dagdag na namang pasanin sa kabataan at […]

Piket ng Kabataan Party-list at iba pang grupo sa harap ng tanggapan ng CHED. (Kontribusyon)
Piket ng Kabataan Party-list at iba pang grupo sa harap ng tanggapan ng CHED. (Kontribusyon)

Dumulog ang mga grupong pangkabataan sa pangunguna ng Kabataan Party-list sa Korte Suprema para hilingin ang pagtigil ng pagpapatupad ng taas-matrikula sa 354 kolehiyo at pamantasan sa buong bansa.

Kaalinsabay nito, nagprotesta ang naturang mga grupo sa iba’t ibang lugar sa bansa para ihayag ang kanilang pagtutol sa dagdag na namang pasanin sa kabataan at mga magilang nila. Binatikos din ng Kabataan ang administrasyong Aquino na binigyang katwiran pa ang pagtaas ng matrikula.

Sa isinumiteng petition for certiorari, mandamus and prohibition na sinumite ng iba’t ibang grupo sa pangunguna ng Kabataan noong Mayo 29, hiniling nila sa Kataas-Taasang Hukuman na ipawalang-bisa ang mga taas-matrikula dahil labag umano ito sa Article XIV Section 4 ng Saligang Batas ng 1987.

Nakasaad sa naturang artikulo na kailangang napapasailalim sa “rasonableng regulasyon at pangangasiwa” (reasonable regulation and supervision) ang mga taas-matrikula sa bansa.

Sinabi ni Kabataan Party-list Rep.-elect Terry Ridon, na isa ring abogado, na kinukuwestiyon nila, sa esensiya, ang legalidad ng Section 42 ng Batas Pambansa No. 232 – o mas kilala sa katawagang Education Act of 1982, gayundin ang Commission on Higher Education (CHED) Memorandum Order No. 3 series of 2012 na ginagawang batayan ng taas-matrikula.

Kabilang sa respondents ng kaso ang CHED, gayundin ang mga eskuwelahang magtataas ng matrikula sa papasok na semestre.

Sa Mindanao, kasama sa mga kolehiyo at pamantasan na magtataas ng matrikula ang Ateneo de Davao, Ateneo de Zamboanga, Assumption College-Davao, AMA Computer College-Davao, Central Mindano Colleges-Kidapawan, Davao del Norte State College, Kolehiyo ng Pantukan, Liceo de Davao, Mindanao International College, Misamis University (Oroquieta & Ozamiz City), North Central Mindano College, Notre Dame Siena College of Polomolok, Philippine Women’s College of Davao, Universidad de Zamboanga, at marami pang iba.

“Palaging nasa harap ng laban kontra sa taas-matrikula sa bansa ang sektor ng kabataan. Sa pagkakataong ito, determinado kaming itigil na sa wakas ang ilegal at di-konstitusyonal na mga taas-matrikula sa pamamagitan ng lahat ng paraan – sa legal na arena man, o sa parlamento ng lansangan,” sabi ni Ridon.

Sinabi pa ni Ridon na matagal nang itinuturing ng gobyerno na deregulated, o di nila makokontrol, ang matrikula sa kolehiyo. Magpapatuloy lamang umano ito hangga’t di igigiit ng kabataan at mga mamamayan na di idedeklarang di-konstitusyonal ang mga batas at regulasyon na nagpapayag sa taas-matrikula.

“Di-konstitusyonal at dapat na mapuksa ang mga polisiya na nagsisilbi lang bilang stamp pad sa pag-apruba ng mga taas-matrikula at walang kapangyarihan na kontrolin ang aktuwal na tantos ng matrikula sa bansa,” sabi pa ni Ridon.

Batikos kay Bam

Kaalinsabay nito, binatikos naman ni Anakbayan National Chairperson Vencer Crisostomo si Senator-elect Bam Aquino na aniya’y “patron of tuition hikes and budget cuts” sa paghayag ng huli ng suporta sa taas-matrikula sa buong bansa.

Binatikos ni Crisostomo ang bagong-halal na senador matapos sabihin ni Aquino sa isang programa sa telebisyon dalawang linggo na ang nakararaan na “di maiiwasan” (inevitable) daw ang taas-matrikula at kailangang bigyang katwiran.

“Ngayon, mayroon naman tayong Aquino na nagsasabing di maiiwasan ang taas-matrikula? Naging senador pa siya kung wala naman pala siyang silbi [para protektahan ang aming interes?” tanong ni Crisostomo.

Paliwanag ni Crisostomo, sa harap ng di-sapat na sahod ng mga manggagawa at tumataas na presyo ng batayang mga bilihin, walang masasabi na “makatarungang pagtaas” ng matrikula.

Sinabi ng CHED na aabot sa P40 kada yunit, o 8.3 porsiyento ang average na taas-matrikula ng mga kolehiyo at pamantasan ngayong taon.

Mahigit dalawang buwan lamang ang nakararaan nang isang estudyante ng University of the Philippines (UP) sa kampus nito sa Manila ang nagpakamatay dahil di kinaya ng kanyang mga magulang ang matrikula sa naturang pampublikong pamantasan.

Taas-matirkula rin sa elementarya

Kasabay din nito, inaprubahan ng Department of Education (DepEd) ang taas-matrikula ng 260 pribadong eskuwelahan ng elementarya sa buong bansa.

Binatikos din ng mga grupong pangkabataan ang naturang pag-apruba ng DepEd dahil “lalong palalalain nito ang sitwasyon ng batayang edukasyon sa bansa.”

“Kasabay ng implementasyon ng programang K-12, lalong palalalain ng bagong taas-matrikula sa elementarya ang krisis sa edukasyon sa bansa,” sabi pa ni Ridon.

Para umiwas sa mga kakulangan ng pampublikong edukasyon, maraming pamilya ang napupuwersang ipasok sa pribadong mga eksuwelahan ang kanilang mga anak.

Dahil sa mga taas-matrikula, sinabi ni Ridon na maaaring mapuwersa ang mga estudyante na muling bumalik sa pampublikong mga paaralan, o kaya di na lang mag-aral kung ipagpapatuloy ng mga eskuwelahan sa elementarya at hayskul ang pagtaas ng matrikula.

“Karapatan ang edukasyon na di dapat inaalis sa kabataan dahil lang sa mga kahirapan sa pinansiya. Pero sa patuloy na pakikipagkutsaba ng gobyerno sa mga pribadong entidad para ipagkait sa atin ang batayang karapatang ito, paiigtingin din ng kabataan ang paglaban para sa abotkayang edukasyon,” pagtatapos ni Ridon.