Scope Out

Mahaba pa ang laban para sa libre at makabayang edukasyon


Isang hakbang pa lang ito sa pagpapatuloy ng pagsusulong ng mga reporma na magtitiyak sa karapatan ng bawat Pilipino sa edukasyong magsisilbi sa interes ng bayan.

Sa kabila ng pagtutol ng neoliberal na economic managers ng rehimen, nilagdaan kamakailan ni Pangulong Duterte ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act of 2017 o Republic Act No. 10931 na naglalayong gawing libre ang matrikula sa kolehiyo.

Hindi lang state universities and colleges (SUCs) ang sakop ng batas. Sakop nito pati na rin ang local colleges and universities na pinopondohan ng lokal na mga pamahalaan at technical-vocational institutes ng Technical Education and Skills Development Authority (Tesda).

Sa nagdaang mga rehimen, walang taon na hindi tinangkang bawasan ang pondo ng SUCs. Taun-taon ang pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin at patuloy ang komersalisasyon ng edukasyon sa iba’t ibang porma at pamamaraan upang pagsilbihin ito sa interes ng dayuhan at iilang naghahari.

Sa paglagda ng naturang batas, marami ang natuwa kabilang na ang mga estudyante na patuloy na nakikipaglaban para makamtan ng sambayanan ang libreng edukasyon. Ngunit patuloy rin ang kanilang pagbabantay sa susunod na mga hakbang ng gobyerno sa pagbuo ng implementing rules and regulations at paggigiit na ipatupad ang batas sa lalong madaling panahon. May mga mambabatas din ang nagpahayag na hahanapan nila ng paraan upang hanapan ng pondo ang libreng matrikula para sa susunod na taon.

Ngunit di pa rin papatinag sina Budget Sec. Benjamin Diokno at Socioeconomic Planning Sec. Ernesto Pernia sa pagiging spoiler sa tagumpay ng kabataan at mga mamamayan. Matapos nilang tangkaing himukin si Duterte na i-veto ang panukala at sabihing ‘di kaya ng pamahalaan na pondohan ang libreng matrikula na napabulaanan din gamit mismo ang datos ng gobyerno, nais nilang maniobrahin ang pagpapatupad nito sa pamamagitan ng pagpapaliban ng implementasyon ng batas.

May personal na agam-agam din ako na susubukan nilang ihalintulad sa Socialized Tuition Scheme ng University of the Philippines (UP) ang pagpapatupad sa batas na ito.

Nabanggit na rin lang ang UP: Nagpapatuloy ang gitgitan ng administrasyon at mga mag-aaral dahil sa desisyon ng pangulo nito na si Danilo Concepcion na maniningil pa rin ang UP ng matrikula sa darating na semestre matapos suspendihin ng ilang kampus nito ang koleksiyon ng matrikula. Matatandaang may P8.3-Bilyong pondo na inilaan sa libreng matrikula sa lahat ng SUCs ang pambansang badyet ng 2017. Sa 114 na SUCs sa bansa, tanging UP ang maniningil ng matrikula.

Totoong may iba pang bayarin (other school fees o miscellaneous fees) na sinisingil pa rin sa mga mag-aaral ng mga pampublikong pamantasan sa bansa ngunit isang malaking luwag ang ibinibigay ng libreng matrikula lalo na sa mga mahihirap na pamilyang nagnanais na makapagtapos ng kolehiyo ang kanilang mga anak upang makapag-ambag sa pagpapaunlad ng kanilang kabuhayan.

Mahaba ang naging pakikibaka ng kabataan at mamamayan upang maisabatas ang libreng edukasyon sa mga pampublikong kolehiyo at pamantasan.

May personal din itong kahalagahan sa akin dahil ito ang isa sa pangunahing mga kampanyang aming tinatanganan sa College Editors Guild of the Philippines. May ilang beses din kaming pinalabas sa Batasang Pambansa dahil sa mariing na pagtutol ng mga lider-estudyante sa pagtapyas ang badyet sa edukasyon. Maraming beses din kaming nakasama ng iba pang kabataan sa lansangan upang ipanawagan ang makabayan, siyentipiko at makamasang edukasyon.

Ang tagumpay na ito ay isang hakbang pa lang upang ipagpatuloy pa ang pagsusulong ng mga reporma na magtitiyak sa karapatan ng bawat Pilipino sa edukasyong magsisilbi sa interes ng bayan.