That’s (NOT) My Tomboy
Trending sa social media at pumapalo sa taas ang ratings ang pinakabagong bahagi ng programang pantanghali na It’s Showtime ng ABS-CBN. Laman na rin ito ng usapan at marami ang kumikilala dito, mga artista’t LGBT (lesbians, gays, bisexuals, transgender) rights advocates, bilang isang magandang pagbabago sa usapin ng pagsasalarawan sa LGBTs, partikular na sa mga […]
Trending sa social media at pumapalo sa taas ang ratings ang pinakabagong bahagi ng programang pantanghali na It’s Showtime ng ABS-CBN. Laman na rin ito ng usapan at marami ang kumikilala dito, mga artista’t LGBT (lesbians, gays, bisexuals, transgender) rights advocates, bilang isang magandang pagbabago sa usapin ng pagsasalarawan sa LGBTs, partikular na sa mga lesbian, sa dominanteng midya. Ito ang segment na “That’s My Tomboy”, isang pagtatangahal a la pageant ng mga tomboy gaya ng mga nauso noon, pero ngayo’y nalaos na sa kalakhan, na pagtatanghal na mga Mr. Pogi at That’s My Boy.
Kapansin-pansin ang pagkakaroon, kung hindi man pagdami, sa dominanteng midya, partikular sa telebisyon, sa mga programang tumatalakay, nagsasalarawan, o tampok ang LGBTs gaya na lang nitong “That’s My Tomboy” ng ABS-CBN at My Husband’s Lover ng GMA na parehas na sumikat at nakuha ang atensyon ng nakararami. Malaking bahagi ng tumangkilik sa mga programang ito ang kabataan. Kita naman ito sa Twitter at Facebook; namulat sila sa isang henerasyong tolerant sa LGBTs kung hindi man tanggap sa kabuuan.
Sa unang tingin, isa itong pagbabago sa dominanteng midya na dapat na malugod na salubungin — pagkakaroon ng mga programang may kinalaman sa LGBTs. Pero sa malalim na pagsusuri, kung sisilipin ang kasalukuyang lagay ng midya, sa totoo lang, wala naman talagang bago dito. Bagama’t tingin, halimbawa, ni Anne Curtis, na isang itong “breath of fresh air,” wala naman itong makabuluhang naidudulot sa pagbabago’t paghuhubog ng persepsyon at pagkakaintindi ng marami sa kalagayan at pagsasamantalang kinakaharap ng LGBTs.
Matagal nang may presensiya ang mga LGBT sa dominanteng midya, mapa-tomboy man o bakla (o kung ano pa man), at marami pa nga sa kanila ay mismong mga nagpapatakbo ng industriya. Mula sa mga artista sa mga teleserye, hosts sa talk shows at iba pang mga programang libangan ang pangunahing tunguhin, at maging anchors o tagapaghatid ng mga impormasyon at balita — tampok ang mga LGBT dito. At bukod pa ito sa mga nasa likod ng kamera — production staff, direktor, at kung anu-ano pa. Wala naman sigurong opisyal na estadistika sa dami ng LGBTs sa dominanteng midya pero kuha naman ng marami ang punto ko dito. Hindi nabago ng presensya ng LGBTs sa dominanteng midya ang pagsasalarawan nito sa kalagayan ng isang napagsasamantalahang grupo.
Simple lang naman kasi — kasangkapan ang dominanteng midya, alam man nila o hindi, sa pagsasakahon sa LGBTs at pagpapanatili ng stereotypes. At sa dami ng mga ka-pederasyon diyan sa loob ng industriya, mapapansin, na sa halip na bumalikwas sa dominanteng diskurso ay nagpakain pa nga sa nangangain na sistema ng dominanteng midya.
Ganitong ganito ang nangyayari sa “That’s My Tomboy” bilang isang programa. Sa halip na maging magandang plataporma para mulatin ang nakararaming Pilipino sa wastong pagtingin sa LGBTs, nagiging kasangkapan ito para ikahon ang lesbians at tomboy. Sa programang ito, sinusukat ang mga kalahok na lesbians sa pagiging lalaki — mas lalaki, mas tatanggapin ng mga manonood, hurado, at maging ng mga host. Hindi nga dapat lesbians ang turing sa mga kalahok, kundi transgender, dahil mas ibig nilang makilala bilang mga lalaki at makabahagi sa grupong ito.
Kung hindi naman kinakahon sa mga maling pamantayan, ginagawa namang katatawanan ang mga kalahok dito. — istorya ng pagpupumilit na matanggap ang sarili bilang hindi babae, unang pakikipagrelasyon sa kaparehong kasarian, mga coming out na kuwento — na malalim at mahalaga dapat na matalakay sa tamang pamamaraan. Halimbawa, tanong ng isang host: “Kailan mo naramdaman na parang may abnormal feelings ka?” Abnormal pa lang maituturing, hanggang sa ngayon, na galing na mismo sa bakla, ang pagiging tomboy.
Siyempre, hindi naman sa kabuuan ng programang “That’s My Tomboy” ay wala talaga itong ambag sa diskurso ng mga isyu sa LGBTs sa bansa. Meron naman, bagama’t maliit at wala sa tamang direksiyon. Husto ang sinabi na, “a little learning is a dangerous thing; drink deep, or taste not the Pierian spring; there shallow draughts intoxicate the brain, and drinking largely sobers us again”. Kaya hindi dapat masapatan dito at isulong pa rin ang pagbalikwas sa nakasanayan na diskurso ukol sa LGBTs –– halos kakatawanan at nakakahon.
Mahirap talagang ipagkatiwala at iasa sa dominanteng midya ang matapat na pagtatalakay sa kalagayan, pagsasamantala, at iba pang usapin ng LGBTs. Totoo talaga ang pagsasalarawan ni Althusser sa dominanteng midya — ideological state apparatus ito o instrumento ng kasalukuyang kaayusan na ipamayani ang kanyang kaisipan. Bukod dito, sentro sa lahat ng mga programang ito, at maging ang kahit anong galaw ng dambulahang mga midya-korporasyon, ang makalikom ng mas malaking kita. Kaya’t hindi dapat kilalanin na bukas na loob na naisipan ng mga midya-korporasyon na ito na maglagay ng mga programang may kinalaman sa LGBTs. Hindi mo ba pansin ang pagpapasikat sa industriya ng fashion ng mga metrosexual na estilo ng pananamit o kaya naman mga produkto na target talaga ay LGBTs? Siyempre, lahat ay gagawin, pumasok man sa mundo ng LGBTs, sa ngalan ng kita.
Pagpapayaman pa rin sa alternatibong midya ang isa sa mga maaaring isaalang-alang kung ibig talaga ng LGBTs na mapatampok ang mga usapin nito sa wastong direksiyon at pamamaraan. At hindi naman ito sa pagiging negatibo o pagkontra sa lahat ng inilalabas ng dominanteng midya, higit lang talaga, sa mga ganitong panahon na nabubulag ang iba ng piso-pisong “pagbabago”, ang pangangailan sa mas kritikal at progresibong diskurso sa usaping ng LGBTs at midya sa bansa.
—
Isang paanyaya sa lahat ng mga kabataan sa iba’t ibang kolehiyo’t pamantasan para sa ika-39 na National Student Leaders Congress ng NUSP (National Union of Students of the Philippines) sa darating na Disyembre 7-11, 2013 nitong taon na ito na gaganapin sa Talisay, Cebu City. Umaasang matatalakay din ang usapin ng midya, LGBT, at papel ng progresibong kabataan sa Kongresong ito. Para sa iba pang impormasyon sa paglahok, bisitahin ang 39nuspnationalcongress.wordpress.com.