Kabataan

Kabataan, nagprotesta vs taas-singil sa MRT, LRT


Nagprotesta ang kabataang miyembro ng Kabataan Party-list laban sa nakaambang pagtaas ng singil sa pasahe sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT). Ginawa nila ito sa tapat ng estasyon ng LRT sa Legarda sa Maynila kamakailan. Ayon kay Anna Katrina Flores ng Student Christian Movement (SCM), magiging dagdag na pasanin na naman […]

Protesta ng mga kabataan laban sa taas singil sa pasahe sa MRT at LRT. (Pher Pasion)
Protesta ng mga kabataan laban sa taas singil sa pasahe sa MRT at LRT. (Pher Pasion)
Protesta ng mga kabataan laban sa taas singil sa pasahe sa MRT at LRT. (Pher Pasion)

Nagprotesta ang kabataang miyembro ng Kabataan Party-list laban sa nakaambang pagtaas ng singil sa pasahe sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT).

Ginawa nila ito sa tapat ng estasyon ng LRT sa Legarda sa Maynila kamakailan.

Ayon kay Anna Katrina Flores ng Student Christian Movement (SCM), magiging dagdag na pasanin na naman sa mga kabataan ang pagtaas ng singil sa pasahe sa MRT at LRT habang nagpapatuloy naman ang komersalisasyon sa edukasyon kung saan patuloy na pinagkakakitaan ang kabataan.

“Walang ibang nasa isip ang gobyernong ito ni Aquino kundi pahirapan ang mga mamamayan sa sunud-sunod na dagdag bayarin at singilin sa mga batayang serbisyo gaya ng transportasyon at edukasyon,” ayon kay Flores.

Sa panukalang dagdag-singil ng Department of Transportation and Communication (DOTC) taas sa halos doble ang pamasahe sa LRT line 1 (mula Roosevelt Avenue sa Quezon City hanggang Baclaran sa Pasay City) na aabot na sa PhP 30 ang pasahe. Nakaamba namang tumaas ang pamasahe sa LRT 2 (mula Santolan hanggang sa Recto sa Maynila) mula PhP 15 tungo sa PhP 25. Samantalang para sa MRT 3 (mula North Avenue sa Quezon City hanggang Taft sa Pasay) halos dodoble ang kasalukuyang PhP 15.

“Ginagawang negosyo ng administrasyong Aquino ang lahat ng serbisyo na dapat ay para sa publiko. Maging ang komersyalisasyon sa edukasyon ay pinaiigting ng gobyernong ito ni Aquino sa pamamagitan ng pagkaltas na naman sa badyet,” ayon kay Charley Orquiza, presidente ng Central Student Council mula sa Polytechnic University of the Philippines (PUP).

Dagdag ni Orquiza, papatindi ang krisis na kinakaharap ngayon ng mga mamamayan dahil sa sunud-sunod na pagtaas ng mga singilin habang nakapako naman ang sahod ng kanilang mga magulang. Hindi umano kailanman pumabor sa mga mamamayan ang mga polisiya ng gobyernong ito ni Aquino na mas tila nagiging tagapagtanggol pa umano ng mga kapitalista.

“Tatapatan ng mga matitinding protesta ng kabataan at mga mamamayan ang tumitinding krisis dulot ng gobyernong ito ni Aquino. Hindi mangingimi ang mga kabataan na patalsikin (si) Aquino na patuloy na nagiging inutil sa mga hinaing ng mga mamamayan,” ayon kay Orquiza.