Kababaihan Main Story Manggagawa

Pagtaas ng sahod, pagbaba ng presyo ipinanawagan sa muling pagbukas ng Kongreso


Balik-Kongreso na ang mga mambabatas ng 16th Congress matapos ang holiday break. Pero pinatikim na agad sila ng kilos-protesta ng militanteng mga grupo. Lumusob sa harapan ng Batasan Pambansa ang Kilusang Mayo Uno (KMU) at Gabriela para ipanawagang ipasa ang panukalang batas hinggil sa P125 across-the-board taas-sahod ng mga manggagawa sa buong bansa. Ipanawagan din […]

Sumayaw ng One Billion Rising ang mga kababaihang manggagawa sa kharapan ng kongreso, para ipanawagan ang pagpasa sa panukalang batas na P125 across the board wage hike.  (Macky Macaspac)
Sumayaw sa saliw ng awitin para sa kampanyang One Billion Rising ang kababaihang manggagawa sa harap ng Batasan Pambansa para ipanawagan ang pagpasa sa panukalang batas na P125 across the board wage hike. Macky Macaspac

Balik-Kongreso na ang mga mambabatas ng 16th Congress matapos ang holiday break. Pero pinatikim na agad sila ng kilos-protesta ng militanteng mga grupo.

Lumusob sa harapan ng Batasan Pambansa ang Kilusang Mayo Uno (KMU) at Gabriela para ipanawagang ipasa ang panukalang batas hinggil sa P125 across-the-board taas-sahod ng mga manggagawa sa buong bansa. Ipanawagan din nila ang pagbasura sa Electric Power Industry Reform Act (Epira).

“Ito ang kailangan ng mga mamamayan sa gitna ng lumalalang kagutuman at kahirapan,” ani Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng KMU.

Sinabi rin ni Soluta na mas kailangan ng mga manggagawa ngayon ang pagpasa sa P125 wage hike na muling ipinanukala ni Anakpawis Rep. Fernando Hicap.

Inilabas kamakailan ang sarbey ng Social Weather Stations na nagsasabing tumaas ang bilang ng mahihirap (55 porsiyento) at nagugutom (41 porsiyento).

Wala na ngang dagdag sahod, tuloy pa rin ang taas presyo tulad ng sa kuryente. Panawagan ng mga kababaihan ibasura ang Epira Law. (Macky Macaspac
Wala na ngang dagdag sahod, tuloy pa rin ang taas-presyo tulad ng sa kuryente. Panawagan ng kababaihan ibasura ang Epira. Macky Macaspac

Pero malabo pa rin na maipasa sa Kongreso ang hinihinging umento ng mga manggagawa.

Ani Hicap, ibinalik na sa Committee on Labor ang panukalang batas na dagdag-sahod. Nag-iba na kasi ang chairman ng komite at maraming bagong mga miyembro ito.

“Kinausap ko si Rep. Karlo Nograles, at sinabi niyang kailangan daw na talakayin ulit sa Committtee on Labor ang panukalang batas,” sabi ni Hicap.

Pinalitan ni Nograles si Rep. Emil Ong, na noong ika-15 Kongreso ay naglunsad ng mga pagdinig at naipasa ang pinal na ulat ng komite sa panukalang batas na P125, pero inabutan ito ng pagsasara ng kongreso noon.

Ngunit may ruling ang ika-15th Kongreso na lahat ng panukalang mga batas na pumasa sa committtee level, maaaring nang talakayin sa plenaryo.

“Natutulog ang panukalang batas sa committtee level. Sa kabila ito ng pagpupursige namin (sa Makabayan Bloc) na ilagay na sa adyenda ng plenaryo ito at matalakay,” sabi pa ni Hicap.

Dagdag pa niya, sapat na raw ang ginawang pagdinig ng nakaraang komite sa panukalang batas at nakahanda na rin ang ulat ng komite sa plenaryo.

“Kahit nga si Rep. Ong, pabor na pagdebatehan na ito sa plenaryo dahil sapat na nga mga pagdinig ng dating komite,” sabi pa ni Hicap.

Malakas ang hinala ni Hicap na may nangyayaring maniobrahan sa loob ng Kamara para hindi matalakay ang dagdag-sahod na P125 ng mga manggagawa.

“May malaking impluwensiya si Pang. Aquino rito. Siyempre, mas pabor siya sa malalaking negosyanteng lokal at dayuhan,” dagdag ni Hicap.

Dismayado rin ang KMU sa muling pagbabalik ng panukalang batas sa antas-komite. Sabi ni Soluta, nasayang ang pinaghirapan ng mga manggagawa noong nakaraang Kongreso.

“Nakakalungkot na inaasahan namin na matatalakay na ito sa plenaryo at hindi na dumaan ulit sa komite na maraming proseso. Mukhang mapupunta na naman sa wala ang pakikibaka ng mga manggagawa para sa makabuluhang dagdag-sahod” ani Soluta.

Panawagan ng grupo na kilalanin ng ika-16 Kongreso ang ruling ng nakaraang Kongreso na hindi na ibabalik sa komite ang panukalang batas na P125 across-the-board wage hike.

Kasabay ng panawagan na ipasa ang panukalang dagdag-sahod, iginiit ng dalawang grupo na ibasura ang batas na Epira na lalo daw nagpapahirap sa mamamayang Pilipino.

“Lalong sinasadlak sa kahirapan ang kababaihan at kanilang mga pamilya dahil sa pagtaas ng presyo ng kuryente at iba pang panlipunang serbisyo, samantalang hindi naman tumataas ang sahod ng mga manggagawang Pilipino. Sinasaid nito ang badyet ng karaniwang pamilyang Pilipino,” sabi ni Gabriela Rep. Emmi de Jesus.

Sinabi rin ni De Jesus na kahit nakatakda ang pulong ng Committtee on Energy sa Miyerkules, pero wala raw kaseguruhan na tatalakayin ang panukalang irebyu ang batas ng Epira.

“Dapat talagang irebyu o ibasura nang tuluyan itong Epira na ito,” aniya.