Main Story Manggagawa

Blackout protest isinagawa laban sa taas-singil ng Meralco


Nagpatay ng ilaw ang ilang bahay sa mga komunidad ng Metro Manila bilang protesta sa P4.15 kWh taas-singil sa kuryente na hinihingi ng Manila Electric Co. (Meralco). Isinagawa ang protesta isang linggo bago magtapos ang temporary restraining order ng Korte Suprema na ipinalabas noong Disyembre. “Malinaw ang mensahe namin kay Pangulong Aquino at sa Korte […]

Isang linggo na lang bago matapos ang temporary restraining order laban sa P4.15 kWh na taas-singil sa kuryente, kaya sunud-sunod na protesta ang isinasagawa ng militanteng mga grupo para pigilan ito. <strong>Macky Macaspac</strong>
Isang linggo na lang bago matapos ang temporary restraining order laban sa P4.15 kWh na taas-singil sa kuryente, kaya sunud-sunod na protesta ang isinasagawa ng militanteng mga grupo para pigilan ito. Macky Macaspac

Nagpatay ng ilaw ang ilang bahay sa mga komunidad ng Metro Manila bilang protesta sa P4.15 kWh taas-singil sa kuryente na hinihingi ng Manila Electric Co. (Meralco).

Isinagawa ang protesta isang linggo bago magtapos ang temporary restraining order ng Korte Suprema na ipinalabas noong Disyembre.

“Malinaw ang mensahe namin kay Pangulong Aquino at sa Korte Suprema. Sa blackout protest na ito, ayaw namin na itaas ang singil sa kuryente,” pahayag ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU. Nagbanta rin ang grupo na kung sakaling panigan ng korte ang Meralco, sasalubungin daw nila ito ng mas malalaking kilos-protesta.

Sinabi pa ni Labog na malinaw sa publiko na may sabwatang nagaganap at idinadahilan lang ang pagsasara ng Malampaya Gas Plant. “Puno’t dulo nito ang pagkagahaman ng mga korporasyon sa pakikipagsabwatan kay Aquino na nagdadahilan lang na wala siyang magagawa sa taas-singil,” ani Labog.

Hindi rin daw makatwiran ang P4.15 kWh na dagdagp-singil dahil sa loob ng anim na taon, 60 porsiyento, o P16.3 Bilyon, ang itinaas ng kita ng Meralco. Batay ito sa pag-aaral ng Ibon Foundation.

Ang singil ng Meralco ang pinakamataas na presyo ng kuryente sa buong Asya.

Nais din ng grupo na tuluyang ibasura ang batas na Electric Power Industry Reform Act of 2001 o Epira. Sukdulang ginagamit daw ito na sangkalan ng mga kapitalista tulad nina Cojuangco, Aboitiz, Lopez, Ty at Consunji para magsabwatan sa pagtataas ng singil sa kuryente.

“Dapat lang na ibasura ang Epira dahil sa napakataas na singil sa kuryente at sa kasalukuyang sabwatan ng mga kompanya para lalo pang itaas ang singil,” sabi pa ni Labog.