Manggagawa

KMU, nagprotesta sa harap ng Camp Crame para sa peace talks


Nagprotesta sa harap ng Camp Crame, Quezon City ang militanteng mga manggagawa sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno (KMU) para ipanawagan ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GPH) at rebolusyonaryong National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Kaugnay nito, pinanawagan ng KMU na palayain ang lahat ng bilangong […]

Pagpapalaya sa mga bilangong politikal, panawagan ng KMU sa harap ng Kampo Crame.Pher Pasion
Piket-rally ng KMU sa harapan ng Kampo Crame. <strong>Pher Pasion</strong>
Piket-rali ng militanteng mga manggagawa sa harapan ng Kampo Crame. Pher Pasion

Nagprotesta sa harap ng Camp Crame, Quezon City ang militanteng mga manggagawa sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno (KMU) para ipanawagan ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GPH) at rebolusyonaryong National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Kaugnay nito, pinanawagan ng KMU na palayain ang lahat ng bilangong politikal kabilang ang mga konsultant pangkapayapaan ng NDFP na sina Benito Tiamzon at Wilma Austria, na pawang sakop ng Joint Agreement on Security and Immunity Guarantees (Jasig).

Ang Jasig ay ang kasunduang pinirmahan ng NDFP at GPH na nagpoprotekta sa mga kabilang sa usapang pangkapayapaan ng magkabilang panig para di-maaaresto at huwag sumailalim sa paniniktik habang nagkakaroon ng usapang pangkapayapaan.

Pero nilabag umano ito ng GPH sa pag-aresto kina Tiamzon at iba pang konsultant ng NDFP na pawang sakop ng Jasig, ayon kay Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng KMU.

“Isang oportunidad ang usapang pangkapayapaan para sa maka-manggagawa at maka-mamamayang mga reporma na ipatupad ng gobyerno ng Pilipinas para matugunan ang socio-ekonomikong mga ugat ng armadong labanan,” ani Soluta.

Dagdag niya, mababang sahod at kawalan ng kaseguraduhan sa trabaho habang tumataas ang mga bilihin at serbisyong panlipunan ang ilan sa mga dahilan kung bakit marami sa mga mangagawang Pilipino ang pinipiling sumapi sa rebeldeng New People’s Army.

Pagpapalaya sa mga bilangong politikal, panawagan ng KMU sa harap ng Kampo Crame.<strong>Pher Pasion</strong>
Pagpapalaya sa mga bilangong pulitikal, panawagan ng KMU sa harap ng Kampo Crame. Pher Pasion

“Sa pamamagitan ng peace talks, mapag-uusapan ang panlipunang mga karapatan ng mga mamamayan na pinagkakait ngayon ng administrasyong Aquino,” ani Soluta.

Sa itinutulak ng administrasyon na pagrepaso sa Saligang Batas (Charter Change o Cha-cha), lalo lamang paluluwagin ang dayuhang monopolyo kapitalista na magbibigay ng malaking dagok sa uring manggagawang Pilipino.

Cha-cha ang itnutulak sa halip na Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (Caser) ang pag-usapan sa peace talks, paliwanag ni Soluta.

Caser ang sumunod na adyenda sa peace negotiations sang-ayon sa The Hague Joint Declaration ng dalawang panig. Sumasakop ito sa reporma sa ekonomiya.

Itinutulak ng NDFP ang pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo, pambansang industriyalisasyon at iba pang mahahalagang salik para sa pangmatagalang pag-unlad ng bansa.

Pero iniiwasan ito ng gobyerno ng Pilipinas dahil sa pagsunod nito sa malalaking kapitalista at dayuhang interes, ayon kay Soluta.

“Magpapatuloy ang armadong paglaban hangga’t walang katarungang panlipunang nakakamit ang mamamayang Pilipino sa sarili nitong bansa,” ayon kay Soluta.

Kabilang ang usapang pangkapayapaan, gayundin ang panawagan para sa makabuluhang dagdag-sahod at pagbasura sa taas-singil sa kuryente, sa mga isyung dinadala ng mga manggagawa para sa malaking protesta sa Mayo Uno, Pandaigdigang Araw ng Paggawa, ngayong taon.