FEATURED Kapirasong Kritika

Kasamang Joaquin


Ilang alaala sa isang kabataang propagandistang naglingkod sa kilusang paggawa, bago lumahok sa armadong rebolusyon sa kanayunan ng Timog Mindanao.

Nakilala niya si Wendell Mollenido Gumban sa kampus, bilang nakababatang aktibista. Madali niya itong natandaan, dahil kahit tahimik ay madalas magpakita at masigasig sa mga gawain. Nagkawalay sila ng lugar na kinikilusan at muling nagkasama sa kilusang paggawa. Sa pagitan ay ang mga taon ng maigting na pakikibaka laban sa rehimeng US-Arroyo, kung saan napanday, kapwa tumibay at humusay, si Wendell.

Sa pagkakaalala niya, wala yatang pulong na hindi pinag-ambagan nang malaki ni Wendell. Lagi nitong baon ang mga batayang prinsipyo, mga paglalagom at pagtatasa, at mga personal na obserbasyon sa tinatakbo ng gawain – na lagi niyang iniuugnay sa mga pagsusuri, tungkulin, at gawain sa kasalukuyan. Buhay ang pagiging propagandista at aktibista niya; lagi siyang nagsisikap sapulin ang pinakamatalas na linya at balangkas.

Noon pa man, bagamat gagap ni Wendell ang halaga ng gawaing propaganda sa antas-istap, mas gusto niyang tanganan ang gawaing pag-oorganisa. Bagamat tanggap niyang kailangan ang propaganda sa midya, mas gusto niyang gumawa ng mga propagandang direktang umaabot sa masa. Bagamat unawa niya ang mga gawain sa opisina, mas gusto niyang mamalagi sa mga empresa at komunidad na nasa kaigtingan ng pakikibaka.

Kuha ni <b>Myan Lordiane</b>
Kuha ni Myan Lordiane

Bakla si Wendell, at napakahirap ilarawan ng pagkatao niya nang hindi ito nasasabi. Bukod sa “Wanda,” tinatawag din siya noon na “Shala,” hango sa salitang “sosyala.” Siya iyung tipo ng tao na kahit hindi naligo ay mukhang malinis at mabango at kahit magulo na ang sitwasyon ay may mayuming dignidad. Malambot at banayad ang kilos ng katawan niya, kahit kapag nakakasugat na ang talas ng dila at talim ng mga mata niya.

Bilang bakla, namulat si Wendell, sa pamamagitan ng mapait na karanasan, sa pag-iral ng pang-aapi at diskriminasyon sa mga homosekswal sa kasalukuyang lipunan. Naging tuntungan niya ang kamulatan at karanasang ito para magagap ang pag-iral ng pang-aapi at pagsasamantala sa masang manggagawa at magsasaka – na lalo niyang nasapul at kinamuhian sa pagsanib sa buhay at kabuhayan at pakikibaka nila sa araw-araw.

Minsan, may nakausap si Wendell na kasapi ng New People’s Army sa Timog Mindanao, at hindi na siya nilubayan ng mga kwento – ng paglakas ng pakikibaka at mahusay na pagtrato sa mga bakla. Nagpasya siyang maging NPA at sa pangalang “Ka Joaquin,” sa loob ng mahigit limang taon ay nag-ambag siya sa pagsulong, sa harap ng matinding pasismo at maging mga disaster, ng isa sa pinakamalakas na yunit ng NPA sa bansa.

Pakikiisa sa laban ng mga uring magsasaka, kahit noong nasa kalunsuran pa. <b>Myan Lordiane</b>
Pakikiisa sa laban ng mga uring magsasaka, kahit noong nasa kalunsuran pa. Myan Lordiane

Namatay si Wendell, edad 31, sa isang labanan ng NPA at militar sa New Bataan, Compostela Valley. Ang petsa: Hulyo 23, dalawang araw bago ang unang State of the Nation Address ni Pang. Rodrigo Duterte kung saan idineklara niya ang unilateral na tigil-putukan sa NPA. Gusto ni Duterte na bigyang-daan ang usapang pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines na kinabibilangan ng NPA at ng gobyerno.

May mga nagtatanong kung nahuli ba ng dalawang araw ang deklarasyon ni Duterte. Siguro, pero hindi ko alam – kung paanong hindi pa natin alam kung paano tatakbo ang tigil-putukan. Ipapatupad ba ito ng buong militar? Ng mga ultra-Kanan sa militar? Ng mga naghaharing uri at imperyalismong US? Makatarungan ang hakbangin ni Duterte, walang duda; maaaring makabawas sa saklaw at tindi ng armadong labanan sa bansa. (Inatras na ni Duterte ang unilateral ceasefire nitong gabi ng Hulyo 30. – Ed.)

Pero mas mahalaga siguro na tingnan ang pagkamatay ni Wendell na bahagi ng nagpapatuloy na armadong labanan, at ng umiigting na tunggalian ng mga uri, kahit pa ang pangulo ng Pilipinas ay alyado ng Kaliwa. Kahit ang relatibong maliliit na pagbabagong itinutulak ni Duterte ay nahaharap sa matinding paglaban ng mga naghahari, at hindi sila maaasahang itigil nang walang laban ang kontra-insurhensya.

Sa ganito mas maitutuntong ang laging panawagan ni Wendell sa mga kaibigan at kasama, sa pag-uusap, text o liham: sumapi sa hukbong bayan, paglingkuran ang sambayanan! Panawagan iyan na buong buhay niyang pinagsikapang tuparin, hanggang huling hininga. Siyang ayaw sa mapurol at gusto ay matalas, kumawala sa makitid tungo sa malawak, at ang laging hangad ay ibayong paglakas.

Pagpupugay na pinakamataas!

30 Hulyo 2016