Migrante

Mga guro, tuloy ang paglaban sa human trafficking


Tuloy ang laban ng mga guro na naging biktima ng human trafficking sa Estados Unidos at laban sa ilegal na rekruter nito. Isang press conference ang isinagawa ng Migrante International kasama ang 20 nabiktimang guro na nasa Pilipinas, at maging ang mga nananatili pa sa US sa pamamagitan ng Skype, sinabi nilang resolbado sila na […]

Nagsampa ng kaso sa Department of Justice laban sa ilegal na rekruter ang pangalawang batch ng mga gurong nabiktima ng human trafficking. Photo courtesy Migrante International
Nagsampa ng kaso sa Department of Justice laban sa ilegal na rekruter ang pangalawang batch ng mga gurong nabiktima ng human trafficking. Photo courtesy <strong>Migrante International</strong>
Nagsampa ng kaso sa Department of Justice laban sa ilegal na rekruter ang pangalawang batch ng mga gurong nabiktima ng human trafficking. Photo courtesy Migrante International

Tuloy ang laban ng mga guro na naging biktima ng human trafficking sa Estados Unidos at laban sa ilegal na rekruter nito.

Isang press conference ang isinagawa ng Migrante International kasama ang 20 nabiktimang guro na nasa Pilipinas, at maging ang mga nananatili pa sa US sa pamamagitan ng Skype, sinabi nilang resolbado sila na ituloy ang mga kaso laban kay Isidro Rodriguez.

Si Rodriguez ang ilegal na rekruter na nanloko sa mga guro na pumunta sa US, pero pagdating doon ay napuwersang tumanggap ng iba-ibang trabaho nang walang tamang legal na papeles.

“Una, ang ating mga guro ay resolved na ilaban ang kanilang mga kaso. Resolved sila na hustisya ang kanilang hiling. Hinihiling din nila siyempre na maikulong si Isidro (Rodriguez) at maibalik ang mga perang kinulimbat at ninakaw sa kanila ng taong ito,”  ani Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International, sa panayam ng Pinoy Weekly.

Sinabi ni Martinez na kahanga-hanga ang mga guro sa lakas ng determinasyon nilang ipagpatuloy ang kaso para sa  katarungan, sa kabila ng kakulangan ng aksiyon ng mga ahensiya ng gobyerno para pabilisin ang pagkamit nila ng hustisya.

Paliwanag pa niya na para pa ring bilanggo ang kalagayan ng mga guro na na-deploy na sa US matapos ang apat o anim nilang taon na pananatili roon.

”Hindi naman sila malayang makaikot sa US dahil na rin sa katayuan na rin ng visa nila. Iyong iba, hinihintay ang approval ng trafficking visa. At iyong iba naman po, bagamat nakakuha na ay may limitasyon pa rin, dapat ipagpanalo ’yung kaso doon at iyong kaso dito para po malegalisa ang status nila sa US,” paliwanag pa ni Martinez.

Aminado ang mga guro na mahaba pa ang laban sa legal na larangan. Isang hirap na dinadanas ng mga guro kaugnay ng kaso ay ang pagiging hiwa-hiwalay ng mga pagdinig ng kaso sa US.

“Kaya po nagsisikap ang mga grupo natin doon sa pangunguna ng Gabriela-Washgington DC. At iyong mga guro sa San Francisco ay nagsisikap din na makakuha ng malaking public sympathy,” ani Martinez.

Sinabi ni Martinez na tila mabagal ang pag-usad ng counterpart na kaso dito sa Pilipinas.

Ipinaliwanag pa niya na magandang pagkakataon ang pagtulak ng kaso ng mga guro para mapuwersa ang gobyerno na ipatupad ang Republic Act 10364 o ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012, sa partikular, iyung section sa attempted human trafficking.

Sinabi pa ni Martinez na dadalhin ng Migrante International at iba pang grupong sumusuporta sa mga guro ang kanilang kaso sa isang malaking anti-human trafficking conference sa Washington DC sa susunod na mga araw.