#May1Fight | Laksa-laksang obrero, inirehistro ang pagtutol sa EDCA, mababang sahod
Muling pumula ang kalsada ng Kamaynilaan nitong Mayo 1, Pangdaigdigang Araw ng Paggawa. Bitbit ang pulang mga watawat, suot ang pulang mga damit, at sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU), nagmartsa ang humigit-kumulang 18,000 manggagawa, maralita, kabataan, kababaihan, migrante, progresibong mga personalidad at aktibista, at iba pa, mula Liwasang Bonifacio patungong Mendiola. Nagtipon din […]
Muling pumula ang kalsada ng Kamaynilaan nitong Mayo 1, Pangdaigdigang Araw ng Paggawa.
Bitbit ang pulang mga watawat, suot ang pulang mga damit, at sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU), nagmartsa ang humigit-kumulang 18,000 manggagawa, maralita, kabataan, kababaihan, migrante, progresibong mga personalidad at aktibista, at iba pa, mula Liwasang Bonifacio patungong Mendiola. Nagtipon din ang militanteng mga manggagawa a iba’t ibang bahagi ng bansa. Pati ang migranteng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa.
Puntirya ng protesta ng KMU ang bagong-pirmang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng gobyernong US at Pilipinas. Inilalaban din nila ang pagbasura sa taas-singil sa kuryente na pahirap umano sa mga manggagawa. Tulad ng nakaraang mga taon, iginigiit din ng mga manggagawa ang makabuluhang dagdag-sahod at pagwakas ng kontraktuwalisasyon sa paggawa.
“Makaisang-panig ang EDCA, labag sa soberanya at teritoryal na integridad ng bansa, at dagdag-pasanin para sa mga manggagawa at mamamayang Pilipino,” sabi ni Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng KMU. “Senyales ito ng reokupasyon ng US sa Pilipinas, at katambal ng iskema ni Aquino na Charter Change.”
Kinondena ng KMU ang konsistent na pagdepensa ni Aquino sa kakarampot na “wage adjustments” ng regional wage boards na malayo sa pangangailangan ng mga manggagawa sa harap ng walang-tigil na taas-singil sa presyo ng mga yutilidad (tulad ng kuryente) at mga bilihin.
“Ang malupit pa, inatake niya ang minimum wage. Una, sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Two-Tiered Wage System, na nakabatay hindi sa antas ng minimum wage kundi sa tinatayang poverty threshold ng gobyerno. Pangalawa, sa pamamagitan ng pagtulak ng ‘opisyon’ para sa mga manggagawa na di-tumanggap ng minimum wage, dahil kampeon daw siya ng paglikha ng trabaho (job creation),” paliwanag pa ni Labog.
Pagdating ng mga manggagawa sa paanan ng Mendiola Bridge malapit sa Malakanyang, agad na sinunog nila ang effigy ni Aquino bilang sunud-sunurang robot ng imperyalismong US na umaatake sa karapatan ng mga manggagawa, nagtutulak ng pagtindi ng presensiyang militar ng US sa bansa, at pagrepaso sa Saligang Batas para lalong makapagnegosyo ang dayuhang mga monopolyo-kapitalista.
Narito ang ilan sa mga larawan ng protesta:
Balikan ang Live Tweets at tweet pics ni Ilang-Ilang Quijano para sa PW noong Labor Day.
Narito ang ilang larawan ng mga protesta sa iba’t ibang probinsiya at bansa: