Pagdakila sa Kilusang Paggawa (Tula)


I. Manggagawa, isinilang sa sinaunang paghulma sa imperyo ng mga gusali’t templo ng mga pari, bigat ng bigas at bloke’y binuhat sa tonelada ng bisig na nagpatikas sa rebulto ng mga hari. Lakas niyo’y liwanag sa pagsikat ng umaga, kamay na kumikinis sa gaspang ng mga bato, hiningang humahawi at humuhugis sa dambana, talampakang nagpagara […]

KR Guda
Kuha ni KR Guda
Kuha ni KR Guda

I.
Manggagawa, isinilang sa sinaunang paghulma
sa imperyo ng mga gusali’t templo ng mga pari,
bigat ng bigas at bloke’y binuhat sa tonelada
ng bisig na nagpatikas sa rebulto ng mga hari.

Lakas niyo’y liwanag sa pagsikat ng umaga,
kamay na kumikinis sa gaspang ng mga bato,
hiningang humahawi at humuhugis sa dambana,
talampakang nagpagara sa lawak ng entablado.

Dugo’y nagpaandar sa daanlibong lagusa’t daanan,
haliging sumusukat sa kakayanan ng sangkatauhan
sa paglinang sa bakal sa pusod ng kabundukan,
sa sinsin ng sining ng paglikha sa kairalan.

Mundo kayong katumbas ng pumipintig na puso,
bumubuhay sa larangan ng husay at talino,
ama’t inang ‘di mabilang ang henerasyong inaruga,
ang inaalay niyong pamana’y ugat ng ekonomiya.

II.
Ngunit itinuring kayong pag-aari ng mga gahaman,
tila makinang kinakalawang na sagabal sa pagyaman,
kayong naglangis ng baldeng pawis sa pabrika
ang siya pa ngayong uhaw sa bukas na masagana.

Kapitalista ang umani sa inyong mga sakripisyo,
sa walang-hanggang kagustuhan nila sa luho’t tubo,
kalam ng sikmura’y tinamnan ng linlang at takot,
makatwirang reklamo’y busal at bala ang isinagot.

Anumang hakbang ng pagkamulat sa tanging karanasan
na sadyang nilulugmok sa kolektibong kalagayan,
nililito sa silaw at serye ng panandaliang karangyaan,
halimaw na ipinantatapat sa tibay ng paninindigan.

Makailang ulit nang ibinuwal ang inyong mga kasama,
sa huling hantungan dinala ang panawagang hustisya,
mga dayuhan at lokal na kataksilan ang salaysay
sa magkakambal na dila at armas ng iisang kaaway.

Pilit kayong inihihiwalay nang sariling uri’y ‘di makilala,
sa libingan ng sahod ikinakahong magpakasapat na,
ngunit kamatayan ng dakilang adhikai’y ‘di mangyayari,
habang nariyan ang ubod ng pang-aapi’t pagkamakasarili.

III.
Kaya’t mamamayang nagnanais umalpas sa hirap
walang ibang pagpipilian kundi tapang ay iharap,
sa diwa ng mga guro’t bayaning ambag ang gabay,
sa lalim ng proletaryadong kamalaya’y magpanday.

Kadilimang itinakda ng mapagsamantala’y gapiin
sa alab ng damdaming nagtatakda sa layunin,
sa maso ng produksyong magbubura sa gutom
aalpasan ang kakapusan sa talim ng karit na susulong.

Ito’y digmaang magtutuldok sa sistemang nabubulok,
pamunuan ang epiko nang kapital ay madurog,
mga berdugo’t salarin na naghasik ng lagim sa atin,
nalalapit na ang huling paglilitis sa kanilang pang-aalipin!

IV.
Manggagawa, hininga’y susi sa saysay ng salinlahi,
angkinin nang ganap ang lipunang patas ang paggawa,
daigdig ang naghihintay sa tagumpay na maaani
sa kamaong tatangan sa himagsikan ng mga sandata!

Sa laksa-laksang hukbo
itatatag ang pulang industriya
sa ginintuang pangako
ng sambayanang nagpapalaya!