Kontribusyon Manggagawa

Unyon para sa dagdag-sahod

March 31, 2022

May mas makabuluhang pagkakaisa lalo para sa hanay ng manggagawa, para sa kanilang kagalingan.

Linggo ng hapon, nasa mahalagang pulong si Maria Luisa Fabella, mas kilala bilang Malou, sa opisina ng kanilang unyon. Naghahanda sila ng mga plano para matugunan ang mga problemang kinakaharap ng kanilang mga kapwa manggagawa sa pabrika – kasama na ang pagtutulak ng dagdag-sahod sa gitna ng nagtataasang presyo ng langis, pagkain, kuryente at tubig.

 

Kasalukuyang pangulo si Malou, 44, ng Pinag-isang Lakas ng Manggagawa sa Manila Bay Thread Corporation, unyon sa pabrika ng sinulid sa Marikina. Nito lamang nagdaang Marso 11, nasa unahan si Malou ng pangangalampag para dinggin na ang nabinbing petition sa NCR Regional Tripartite Wages and Productivity Board (NCR RTWPB). Convenor siya ng alyansang Unity for Wage Increase Now na nagsampa ng petisyon sa wage board noong Nobyembre 2019.

 

Mayday Multimedia

Ayon kay Malou, kinakaharap nilang mga manggagawa sa ngayon ang patuloy na pagdausdos ng sahod, at ng tunay na halaga nito. Dahil sa collective bargaining agreement (CBA), mas mataas nang kaunti sa NCR minimum na P537 ang kanilang sahod. Ngunit magmula nang magpandemya at kasunod na pagbagal sa produksyon ng sinulid ng kumpanyang pinapasukan, bawas ang mga araw ng trabaho ng mga manggagawa, kaya natapyas ang buwanang kita. Hindi na raw sumasapat ang sahod nila dahil sa sumisirit na presyo ng langis at bilihin. 

 

“Kung makakabili ka man ng baboy, kalahating kilo lang. One-fourth may sabaw, one-fourth adobo. Pero minsan na lang yon. Yung ibang mga pangangailangan gaya ng damit, wag na lang muna,” sabi ni Malou.

 

Ang dating paboritong ulam ng tatlong anak ni Malou ay hindi na niya maihanda dahil butas na ang bulsa ng karaniwang manggagawa. Ang minimum wage sa NCR na P537 ay may tunay na halaga na lamang na P433 nitong Marso 2021, ayon sa research group na Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER). Bumagsak na ng higit P100 ang kakayahang bumili ng mga manggagawa. 

 

“Kapag nagtaas ang presyo ng langis, lahat sunod-sunod magtataasan na. Pero ang sahod namin, di nagtataas. Last week, bumili ako ng isang litrong mantika, P95. Makaraan ang isang linggo, P140 na. At paniguradong di lang mantika ang magtataaas.”

Mayday Multimedia

Sabi pa ng lider-unyon, sa mga taon niya bilang manggagawa, tila si Duterte na ang pinakamasama at pinakamasahol – dalawang beses at di lalampas sa kabuuang P50 lang ang itinaas ng sahod sa anim na taon ng kanyang administrasyon. Bigo rin ang pangakong wakasan ang ENDO, bagkus sumahol pa ang kontraktuwalisasyon. 

 

“Kaliwa’t kanan na lang ang patayan, kahit simpleng unyonista pinapatay. Kaya nakakabahala na muling maluklok sa Malacañang ang tambalang Marcos-Duterte. Sabi nga ng nakausap kong drayber, parehong mamamatay-tao at pahirap sa manggagawa ang mga ama ng mga kandidatong yan, patayan at pahirap ulit ang aasahan natin,” dagdag ni Malou.

 

Nang tanungin kung ano ang hinahanap niya sa isang kandidato ngayong eleksyon, sabi ni Malou: Kailangan iyong nakikinig at nakikipaglaban para sa mga panawagan ng mga manggagawa. Sa ngayon pinag-iisipan niya raw na iboto sina Leni Robredo at Kiko Pangilinan para sa pangulo at pangalawang pangulo dahil sila ang nakitaan niya ng malinaw na programa para tulungan ang mga manggagawa. Sa mga senador naman, iboboto naman niya raw panigurado sina Neri Colmenares at Elmer Labog dahil sa mahabang track record nito ng paglilingkod at pakikipaglaban para sa mga manggagawa.

 

Simula nang maging pangulo ng unyon nitong Pebrero at kasabay nito, secretary general ng pederasyong Alliance of Nationalist and Genuine Labor Organizations (ANGLO), nasa unahan ngayon si Malou ng isang malaking laban ng malawak na manggagawa para pagtagumpayan ang dagdag na sahod, di lang sa Metro Manila kundi sa buong bansa.

 

“Sa mga kapwa ko manggagawa, wag kayong matakot sa unyon. Sa unyon, may pagkakaisa, at sa pagkakaisa, may tagumpay. Wag tayong manahimik lang sa isang tabi, matuto tayong maggiit at lumaban.”

 

 

Norwin Gonzales

Norwin Gonzales

Si Norwin Gonzales ay isang labor advocate at kasalukuyang communications staff sa Pambansang Opisina ng National Federation of Labor Unions – Kilusang Mayo Uno (NAFLU KMU).