Manggagawa

Dagdag-sahod, di ramdam ng manggagawa


“Sa kabuuan, sobrang liit ng idinagdag, tingi-tingi pa. Tandaan natin na tayong mga manggagawa, economic frontliners tayo so isa tayo sa nagpaandar sa ekonomiya kahit sa panahon ng pandemiya,” sabi ni Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno. Ang bahagyang dagdag, pampalubag-loob lang para sa mga manggagawang humaharap sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo.

Dagdag sahod di ramdam ng mga manggagawa

Makatatanggap ng bahagyang dagdag sahod – matapos ang tatlong taon – ang  mga manggagawa sa Metro Manila. Inanunsiyo kasi ng Department of Labor and Employment nitong May 14 na aprubado nanito ang P33 na umento. Itinaas nito sa P570 ang minimum na sahod sa manggagawang hindi agrikultural at P533 naman sa mga nasa agrikultura sa NCR.

May dagdag sahod ding P55 – P110 sa Western Visayas at P30 sa Caraga Region. Sabi rin ng DOLE, posible pang magkaroon ng dagdag na P60 – P90 sa Ilocos region at P50 – P75 naman sa Region 2.

“Sa kabuuan, sobrang liit ng idinagdag, tingi-tingi pa. Tandaan natin na tayong mga manggagawa, economic frontliners tayo so isa tayo sa nagpaandar sa ekonomiya kahit sa panahon ng pandemiya,” sabi ni Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno.

Ang bahagyang dagdag, pampalubag-loob lang para sa mga manggagawang humaharap sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo.

Halos kasabay kasi ng pagbibigay ng umento, inanunsiyo din ng Department of Trade and Industry ang pagtaas sa suggested retail price ng iba’t ibang bilihin tulad ng instant noodles, kape, asin, asukal, sabon, mga pampalasa tulad ng suka, patis, at iba pa dahil sa patuloy na pamamaga ng presyo ng langis.

Ayon kay Adonis, mahigit sa P100 ang nalulustay sa sahod ng mga manggagawa dahil sa walang habas na taas-presyo ng mga bilihin kahit may pandemiya.

“Panibagong bawas na naman ito sa ating sahod. So magkano na nawawala, all-in-all nasa P100 mahigit na nawawala sa atin?” aniya.

Tanong pa ni Adonis, saan na kukunin ng mga manggagawa ang iba pang gastusin tulad ng kuryente, tubig, panustos sa eskuwela, upa sa bahay, at iba pa.

Mula 2016 hanggang 2018, umabot sa makasaysayang 7.1% ang inflation rate. Bahagyang bumaba ito sa 4.4% ngayong patapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Ayon sa Ibon Foundation, ang tatlong beses na pagtaas sa arawang sahod ay hindi na nakasasabay sa patuloy na paglobo ng presyo ng bilihin at serbisyo.

Dagdag pa ng Ibon, ang administrasyong Duterte ang pinakabarat sa pagbibigay ng dagdag sahod. Lamang lang siya ng isang beses kay dating pangulong Joseph Estrada na nanilbihan lamang ng mahigit sa dalawang taon.

Ang kabuuang aprupadong umento ay lubhang malayo pa sa ipinapanawagang nakabubuhay na P750 na arawang sahod . Nanawagan ang KMU na tutukan na ito ng mga mambabatas sa lalong madaling panahon.

“Tuloy-tuloy na tumataas ang mga bilihin, wala namang price control ang gobyerno. Hirap na hirap na ang mga manggagawang Pilipino, sa kabilang banda tiba-tiba naman ng tubo yung mga pinakamalalaking kapitalista,” ani Adonis..