Husgahan Natin

Pagsuspinde sa trabaho sa gitna ng pandemya

March 1, 2021

Pagkatapos ng anim na buwan, kailangang ibalik siya ng kompanya sa kanyang trabaho.

Balita ngayon ang bagong tuklas na mga bakuna laban sa Covid-19.

Inaasahang sa pagkatuklas ng bakunang ito ay matatapos na rin ang krisis na dulot ng pandemya.

Ngunit sa isang forum na dinaluhan ko nitong nakaraang linggo, maraming manggagawa pa rin ang nagtatanong : Ano ba ang aming karapatan kapag nagsara ng pansamantala ang kompanya dahil sa pandemic at kami ay nilagay sa “floating staus?” Meron ba kaming makukuha sa kompanya kahit papaano?

Ito ang sinasabi sa Article 286 ng Labor Code:

“Art. 286. When employment not deemed terminated. The bona-fide suspension of the operation of a business or undertaking for a period not exceeding six (6) months, or the fulfillment by the employee of a military or civic duty shall not terminate employment. In all such cases, the employer shall reinstate the employee to his former position without loss of seniority rights if he indicates his desire to resume his work not later than one (1) month from the resumption of operations of his employer or from his relief from the military or civic duty”

Ibig sabihin nito, ang suspensyon ng isang manggagawa sa kanyang trabaho na hindi lalagpas sa anim na buwan dahil sa pansamantalang pagsasara ng kompanya ay hindi mangangahulugan na tanggal na siya sa kanyang trabaho.

Pagkatapos ng anim na buwan, kailangang ibalik siya ng kompanya sa kanyang trabaho. Kapag hindi siya ibinalik ay maari siyang magdemanda laban sa kompanya.

Paano sa panahon na siya ay walang trabaho, may matatanggap ba siya na bayad mula sa kompanya?

Ang sinusunod rito na patakaran ay ang “no work-no pay.”

Ibig sabihin, walang matatanggap na sahod o bayad mula sa kompanya ang manggagawa maliban lamang kung nakasaad na bibigyan siya ng sahod sa collective bargaining agreement (CBA) nila ng kompanya o kung may patakarang ganito ang kompanya.

Ngayon, pwede bang tumanggap ng trabaho ang manggagawa sa ibang kompanya habang suspendido ang kanyang trabaho mula sa kanyang kompanya?

Pwede. Kahit anong pagkakikitaan ay maari niyan pasukin. Alangan namang pabayaan niya ang kanyang pamilyang magutom habang wala siyang trabaho mula sa kompanya.

Sa mga kasong dinisisyunan ng Korte Suprema, nilinaw nito na ang pagsuspinde ng kompanya sa kanyang operation ay kailangang sa totoong dahilan at hindi gawa– gawa lamang.

Kung walang totoong dahilan ay illegal ito at maaring panagutin ng manggagawa ang kompanya.

Kung dahil sa pandemya sanhi ng Covid-19 ang dahilan ng kompanya kung bakit niya sinuspinde ang kanyang operasyon at inilagay sa “ floating status “ ang mga manggagawa nito ay malinaw na ito ay may batayan..

Siyanga pala. Noong Oktobre 23, 2020 ay naglabas ng Department Order si DOLE Secretary Silvestre Bello na nagbabago sa Rules Implementing Book VI of the Labor Code on Suspension of Employment.

Sa ilalim ng DO No. 215- 20 ay pinapayagang habaan pa ng anim (6) na buwan ang suspension ng trabaho ng isang manggagawa dahil sa pandemya, giyera, at iba pang national emergency.

Kung dati ito ay 6 na buwan lamang, maari na itong maging 1 taon sa gitna ng pandemya.

Kung sakaling hindi maibabalik sa kanyang trabaho ang manggagawa, pwede siyang bayaran ng kompanya ng kanyang separation pay.

Hindi natin mapagkaila na dahil sa pandemic na nangyayari, apektado ang lahat ng sektor, ma-kompanya man o manggagawa sa krisis na ito.

Ayon sa datos, 70.6 porsiyento ng micro, small at medium enterprise (MSMEs) sa Pilipinas ang pansamantalang nagsara dahil sa Covid-19 pandemic .

Mayorya rin o 58.8 % sa mga MSMEs na ito ang nag-report ng zero income.

Ayon din sa datos, aabot na sa 12.7 porsiyento ng mga negosyo sa Pilipinas ang nag-apply ng backrupcy.

Ngunit sa kabila ng krisis, marami pang negosyante ang di nalugi at lumaki pa ang kita sa panahon ng pandemya.

Tulad halimbawa ng Century Pacific Food, Inc, na gumagawa ng seafood, meat at milk products. Lumaki ang net profits ng kompanyang ito ng 26 porsiyento sa kabila ng pandemya.

Ganun din ang Universal Robina Corporation na pag-aari naman ng mga Gokongwei. Ayon sa datos, lumaki ng 7.2 porsiyento ang net profit nito noong nakaraang taon.

Kasama rin dito ang Puregold Price Club na kilalang nagtitinda ng mga groceries. Ang consolidated net profit nito ay lumaki ng 10.9 porsiyento.

Ang MerryMart Consumer Corporation, isang bagong kompanya sa grocery business ay lumaki rin ang kinita ng mga 26.4 porsiyento noong nakaraang taon.

Sa mga negosyo sa telepono at komunikasyon, ang Philippine Long Distance Company (PLDT) ay lumaki din nang 23 porsiyento ang kanyang net profit.

Sa electronics industry naman, ang export value ng electronic products ay tumaas ng 4.6 porsiyento kumpara noong nakaraang taon, ayon sa Metal Workers Alliance of the Philipines (MWAP).

Sa mga gumagawa ng alak, lumaki ng 11 porsiyento ang kinita ng Emperador, Inc. noong nakaraang taon.

Isa pang kilalang taga-gawa ng alak, ang Ginebra San Miguel, ay lumaki ng halos 13.3 porsiyento ang kinita nito.

Sa gumagawa naman ng sigarilyo, ang LT Group Inc. na pag-aari naman ni Lucio Tan ay tumaas ang net profit na aabot sa 27 porsiyento.

Kaya maliwanag na hindi lahat ng kompanya ang apektado ng pandemya.

Dangan nga lang at marami sa mga kompanya ang sumasakay sa pandemic at ginagamit itong dahilan para magsuspinde ng trabaho o magtanggal ng manggagawa.

Wala tayong nakitang solusyon dito kungdi ang ibayong pagmamatyag at pagkakaisa sa bahagi ng mga manggagawa, mga kasama.

At sana, matapos na rin ang krisis na ito.

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Si Atty. Remigio D. Saladero, Jr. ay ipinanganak sa Nuralah, South Cotabato noong Enero 27, 1959. Panganay sa apat na anak nina Remigio Saladero Sr. at Thelma Damandaman na kapwa guro. Si Atty. Saladero ay agad nagpakita mg gilas sa kanyang pag-aaral mula sa elementarya sa Sto. Nino Elementary School, sa Koronadal National High School. Ang kanyang unang kurso sa kolehiyo ay sa Mindanao State University kung saan niya natapos ang AB Political Science. Sa lahat nang ito, nanguna si Atty. Saladero sa larangan ng akademya. Nuong 1979, matapos maging Cum Laude ay ipinasya niyang lumuwas ng Maynila upang ipagpatuloy ang kanyang napiling karera. Nag-aral siya ng batas sa San Beda College at ipinasa ang Bar Examinations nuong 1984, sa rating na 88.95 porsiyento, bilang pang-17 pinakamataas na grado.