Eleksiyon

Isang taong lockdown


Pagtatasa sa 12 buwan ng medikal at pang-ekonomiyang krisis bunsod ng pandemyang coronavirus disease 2019 o Covid-19 sa Pilipinas — at pagtugon ng rehimeng Duterte rito.

Isang taon na mula nang mistulang nagsara ang ekonomiya at ‘ikinulong’ ang mga Pilipino sa kanilang mga tahanan dahil sa pagkalat ng Covid-19 sa bansa. Paano maisusuma ang isang taon ng pagtugon ng rehimeng Duterte sa pandemya?

Lockdown sa ekonomiya

Di magkandaugaga ang mga estudyante na matugunan ang pangangailangan para makapag-aral sa kabila ng pandemya. Ramdam ang pagpapabaya ng gobyerno rito. Ni Neil Ambion

.

Naitala ang pinaka-matinding pagbagsak ng ekonomiya ng bansa sa taong 2020. Itinuturong salarin dito ang palpak na tugon ng administrasyong Duterte sa pandemya.

Mula nang ipatupad ang enhanced community quarantine o ECQ sa Luzon at isailalim ang bansa sa state of emergency, marami ang nawalan ng trabaho, nagkulang ang suplay ng pagkain, nagtaasan ang presyo ng pangunahing bilihin at nabaon sa utang ang sambayanang Pilipino.

Ayon sa Ibon Foundation, imbes na lumago ay bumagsak pa sa -9.5 porsiyento ang ekonomiya ng bansa sa nagdaang taon at nakapagtala ng P1.8 Trilyong kawalan kumpara noong 2019. Ito na umano ang pinakamasahol na pagguho ng ekonomiya sa kasaysayan matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

“Ang administrasyong Duterte ang may sala sa pinakamalaking naitalang pagbagsak ng ekonomiya ng bansa noong 2020. Dahil ito sa labis-labis na lockdown at community quarantine na, bukod sa palpak sa pagpigil sa pandemya, ay pinalala pa ng kawalan ng totoong pagpapasigla ng ekonomiya,” pahayag ng Ibon.

Nabawasan ng 2.7 milyon ang bilang ng mga may trabaho sa kasagsagan ng lockdown. Tinatayang nasa 33.8 na lang ang antas ng empleyo noong Abril 2020 na pinakamababa sa nakalipas na isang dekada.

Ma h i g i t 7 2 porsiyento o 1.5 milyon sa mga nawalan ng trabaho’y mula sa mga industriyang pinakaapektado ang operasyon dahil sa lockdown gaya ng transportasyon, akomodasyon at serbisyong pagkain, manupaktura at konstruksyon.

Matindi naman ang epekto sa ekonomiyang naka-asa sa pagaangkat ng lakas-paggawa ang pagsisipaguwian ng overseas Filipino workers (OFW) dahil sa pandemya. Bumagsak sa 60 porsiyento ang bilang ng mga migranteng manggagawa na umalis ng bansa noong 2020.

Naitala naman ang 3.5 porsiyento na antas ng implasyon noong Disyembre 2020, pinakamataas sa nakalipas na 21 buwan. Pangunahing nagtaasan ang presyo ng mga produktong pagkain, transportasyon at iba pang singilin sa bahay na labis na ininda ng pinakamahihirap na pamilyang Pilipino.

Para sa Ibon, makapagbibigay alwan sana mula sa krisis ang mga ayuda mula sa pamahalaan. Pero kahit ito, kapos, huli na at ginamit pa sa politika.

Napakaliit umano ng alokasyon sa Bayanihan to Heal as One Act 1 at 2 para sa Social Amelioration Program (SAP). Ang ayuda halimbawa mula sa Bayanihan 1 para sa 17.6 milyong sambahayan ay dumating noon lang Mayo 2020, o mahigit 100 araw mula nang maglockdown, ay nagkakahalaga lang ng P5,617 kada pamilya o P12 kada araw.

Sa Bayanihan 2, mas pinaliit na nga ang alokasyon para sa ayuda, marami pa sa mga benepisyaryo ang wala pang natatanggap hanggang ngayon. Nasa 251,776 pa lang mula sa k a b u u a n g target na 568,026 ang nakatanggap ng P6,752 ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development O DSWD. Umaabot pa lamang sa 1.97 milyong pormal at di-pormal na mga manggagawa at mga OFWsmula sa target na 3.4 milyon ang nabigyan ng P5,228 ayuda mula sa Department of Labor and Employment o DOLE.

Mabagal din umano ang proseso ng mga pautang para sa mga maliliit na negosyo. Noong Disyembre 2020, umaabot pa lang sa 5,324 ang naprosesong mga aplikasyon para sa micro-small and medium enterprises (MSMEs).

“Lumalabas na nagpaka-konserbatibo at duwag ang administrasyong Duterte sa pagharap sa krisis sa kalusugan at ekonomiya. Hindi ito seryosong naglaan ng rekurso, at ito ang pangunahing dahilan sa pagguho ng ekonomiya higit sa inaasahan at sa mabagal na rekoberi higit sa nararapat,” sabi ng IBON.

Sa buong Timog Silangang Asya, ang gobyernong Duterte na ang may pinakamaliit na inilaang pondo para sa pandemya na katumbas lang ng 6.3% ng Gross Domestic Product ng bansa. Napakaliit kumpara sa 25.9% sa Malaysia, 25.4% sa Singapore, 16% sa Thailand, 10.9% sa Indonesia, at 10.3% sa Vietnam.

“Isang taon na nang pandemya at sa kabila ng mga aral mula sa ibang bansa sa silangang Asya, ang mga Pilipino ay binibigyan pa rin ng huwad na pagpipilian sa pagitan ng pampublikong kalusugan o ekonomiya. Ang labis na pagsandig sa mahaba at malupit na mga lockdown at pagpupumilit sa matagalang community quarantine ay hindi lang nakasakal sa pangekonomiyang aktibidad kundi nakapagdulot din ng di kinakailangang pagsasara at kawalang trabaho. Pero sa kabila ng mga mahigpit na patakaran, nagpapatuloy pa rin na kumakalat at pumapatay ang COVID-19,” ayon sa IBON.


Talasalitaan pangkalusugan

Mababanaag sa mga susing salita nitong panahon ng pandemya ang naging tugon, o kakulangan nito, ng gobyerno sa pagharap sa krisis dulot ng Covid-19. Ni Jobelle Adan

.

Ayon sa report ng Octa Research Group nitong Pebrero 21, papataas ang trend ng mga Covid-19 cases sa Metro Manila. Pebrero 27 naman naitala ang 2,921 na bagong kaso ng Covid-19 sa bansa. Dinaig nito ang pang-araw-araw na pagtatala ng kaso simula Nobyembre.

Maraming mga salita ukol sa sistemang pangkalusugan ang naging laman ng balita nitong nagdaang taon. Para makakuha ng pagsusuma sa ating Covid-19 health response, ito ang ating top 10, from A-Z:

Asymptomatic

Ito ang taguri para sa mga taong positibo na sa virus, pero hindi pa nagkakaroon ng sintomas. Maaari pa ring makahawa kahit asymptomatic.

Sa kabila nito, suportado ng iba’t ibang ahensiya ng national government ang pagtanggal ng swab test requirement at 14-arawa na kuwarantina para sa mga tur-ista sa bansa. Nasa local government units na raw ang pagdedesisyon dito.

Contact-tracing

Ito ang tawag sa proseso ng paghahanap sa mga nakasalamuha nang malapitan o matagalan (close contact) ng mga nagpositibo sa virus. Nitong Pebrero, inulat ng Department of Health (DOH) na kada isang nagpositibong tao, aabot lang sa anim na close contact ang natutunton ng contact-tracing teams. Malayo ito sa target na 27 hanggang 36 na close contact.

Curve

“Flatten the curve”, ika nga nila. Ang curve ay nabubuo ng pagtatala ng mga positibong kaso mula sa datos ng gobyerno. Pero paano kung magulo ang datos? Noong huling linggo ng Enero, 40 porsiyento ng inaunsyong Covid-related death ay naantalang datos mula pa noong Hulyo at Agosto.

Face mask at shield

Ito ang mga kailangang isuot sa mga lugar labas ng kabahayan. Sa isang punto, sinubukan rin ng gobyerno na gawing requirement ang face shield para sa mga nagbibisikleta at motorista. Hindi kagulat-gulat ang naging pagtutol dito, bilang ang face shield ay madaling matangay ng hangin, nakapag-iipon ng hamog na humaharang sa mata, at nakakasagabal sa mga helmet.

Mass Testing

Ayon sa datos ng Center for Strategic & International Studies, at giit rin ng DOH, nangunguna ang Pilipinas sa dami ng Covid-19 tests na naisagawa sa buong Southeast Asia.

Sabi ng gobyerno noong Hunyo, lagpas 50,000 tests na ang kaya ng bansa kada araw.

Pero di kailanman umabot sa ganito ka-rami ang naisagawang daily test buong taon. Nitong Peb. 26, hindi aabot sa 30,000 Covid-19 tests nga ang naisagawa.

Mass Recovery

Ang mga mild at asymptomatic na cases ng Covid-19, nililista na recovered matapos ang 14- day quarantine. Itong mass recovery program ang dahilan kung bakit ang Covid-19 curve ng bansa ay may itsurang parang may pangil. Linggu-linggo kasi nakatakdang bumaba ang positive cases.

PPE

Personal Protective Equipment ang paunang proteksiyon ng mga health worker at iba pang frontliner. Noong nakaraang taon, ipinag-utos ni Ombudsman Samuel Martires ang pag-imbestiga sa DOH at kay Health Sec.Francisco Duque III matapos ang naantalang pagbili ng PPE para sa mga health worker.

Quarantine

Iba’t ibang lebel ng higpit sa paglabas ng kabahayan, at pagbukas ng mga business at iba pang institusyon. Samantala, iba rin ang ibig sabihin nito para sa mga opisyales ng gobyerno na lumabag sa quarantine protocol.

Social distancing

May ilang metro ng distansya ang kailangan ilagay sa pagitan ng mga tao para mapigilan ang pagkalat ng virus. Pero naisasakripisyo ito ng libu-libong commuter sa Metro Manila na nalilitratuhang nagsisiksikan sa LRT, MRT at mga bus dahil sa problema ng pampublikong transportasyon.

Vaccine

Pilipinas ang huling bansa sa Southeast Asia na nakatanggap ng bakuna, bago magsara ang Pebrero. Mula sa kompanyang Sinovac ng China, itong unang batch ng bakunang “CoronaVac” ay donasyon ng gobyerno ng China. Maganda itong bakuna, giit ng Palasyo. Pero hindi kukunin ng matatandang opisyales ng gobyerno itong CoronaVac, dahil ayon sa Food and Drug Regulation Authority, hindi ito mairerekomenda sa mga senior citizen.


Pandarahas na itinaon sa lockdown

Ginawang pagkakataon ng rehimeng Duterte ang  pandemya para bigwasan ang mga kritiko at takutin ang mga mamamayan para sumunod  sa maiitim na plano nito. Ni Priscilla Pamintuan

.

“Mga pasaway kayo! Sumunod na lang kayo!”

Ito ang mensahe ng rehimeng Duterte sa mga maralitang nagpupumilit na makalabas ng bahay at makapaghanapbuhay matapos ang deklarasyon ng enhanced community quarantine (ECQ) noong Marso 16.

Tiis-tiis lang daw, makakalampas din tayo. Pero, sa bahagi ng pulisya, tila naghanda sila sa posibilidad na ito — sa posibilidad ng mistulang “police state” o Estado ng mga komunidad na nangingibabaw ang kapangyarihan ng pulisya. Halos kinabukasan kasi ng deklarasyon ng naunang community quarantine (Marso 14), iba na ang uniporme nila. Naka-camouflage na ang dating naka-asul na mga pulis. Nagkokomand sila ng mga checkpoint, nagmamando sa mga sibilyan, rumoronda sa mga komunidad. Ang ahensiya ng gobyerno na ito na inaakusahan ng pinakamalalang mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng giyera kontra droga, siya na ngayong tagapagpatupad ng lockdown sa buong bansa.

Nakita natin ang kinahinatnan. Sa unang mga buwan ng ECQ sa Kamaynilaan, nabalitaan ang iba’t ibang pang-aabuso ng mga pulis (at iba pang enforcer ng lockdown tulad ng Task Force Disiplina sa Quezon City) na nagmamando ng checkpoint o nagroronda sa mga komunidad. Mula sa marahas na pagpapapasok sa mga tao sa kanilang mga bahay hanggang sa panghahalay (may mga kaso sa Marikina) at pamamaslang (sa kaso ni Winston Ragos, at iba pa) — tumindi ang bangis at tapang ng Philippine National Police (PNP) sa panahong ito.

Kasabay nito, siyempre, ang paggamit ng rehimen ng pagkakataon ng lockdown para birahin ang militanteng oposisyon laban dito. Bawal ang mga protesta — kahit pa may social distancing at sumusunod sa mga protokol para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (Covid-19). Una nang sinampolan ng marahas na dispersal ang iba’t ibang grupo na nagtipon, sa iba-ibang lugar, noong Mayo 1. Marami sa kanila, nagsasagawa ng relief missions at feeding programs sa Marikina, Quezon City, Caloocan, at iba pa. Isang buwan bago nito, noong Abril 1, pinaghuhuli ng mga pulis ang mga maralitang residente ng Sityo San Roque nang lumabas ang mga ito sa EDSA para sa kala nil

Sinampolan din ang tinguriang #Pride20, mga aktibista at miyembro ng LGBT na nagrali sa Mendiola noong Pride Day, Hunyo 26. Samantala, naggiit pa rin ang progresibong mga grupo at grupong masa: Nagtipon sila sa mga lugar kung saan kinanlong sila ng ilang independiyenteng institusyon tulad ng Unibersidad ng Pilipinas at Commission on Human Rights.

Pero kahit ito, sinikap pa ring ipagkait ng rehimen. Nitong Enero 2021, sinulatan ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang UP na makaisang-panig na nitong binabasura ang UP-Department of National Defense (DND) Accord na nagbabawal sa militar at pulisya na pumasok sa mga kampus ng UP nang walang abiso sa UP administration.

Itinaon din ng rehimen sa lockdown ang pinakamasasahol na pamamaslang sa mga aktibistang katulad nina Randall Echanis, Carlito Badion, Jory Porquia, Zara Alvarez, at iba pa. Tumindi ang panghuhuli sa mga aktibista batay sa gawa-gawang mga kaso (marami rito, mula sa iisang hukom, si Quezon City Executive Judge Cecilyn Burgos- Villavert). Pinakatampok na rito ang paghuli sa tinaguriang #HRDay7 — mga organisador at lider-manggagawa, at isang mamamahayag (si Lady Ann Salem), sa Human Rights Day mismo. Nitong Pebrero, bilang nireyd ng mga pulis ang Bakwit Lumad School sa University of San Carlos sa Cebu City para “i-rescue” daw ang mga batang Lumad — kahit may permiso naman ang mga ito sa mga magulang nila. Sapilitang nilipad sa Davao City ang 13 bata (7 ang walang kasamang magulang), at kinulong ang mga guro at elder.

Hindi lang mga aktibista ang binigwasan sa panahon ng lockdown. Kahit mga ordinaryong indibidwal at netizens na nagpapahayag ng disgusto o kritisismo sa pagtugon ng rehimen sa pandemya ay nagiging target ng rehimen. Kabilang na rito sina Elanel Egot Ordidor, overseas Filipino worker (OFW) sa Taiwan na pinagbantaang ipapadeport at kakasuhan ng cyberlibel dahil sa pagpahayag niya ng disgusto sa rehimeng Duterte sa social media. Kinasuhan din Maria Victoria Beltran sa isang satirikal (patawa) na post sa social media. Matatandaang marahas din ang sinapit ng isang guro, si Ronnel Mas ng Zambales, nang magpost sa Twitter ng pabirong pagbibigay ng pabuya para patayin daw si Duterte.

Samantala, habang sobrang higpit naman ito sa mga mamamayan, tila sobrang luwag naman ito sa mga makapangyarihang lumalabag ng protokol. Pansin ito sa kaso ni Sen. Koko Pimentel, na nagpakalat-kalat sa isang mall at ospital kahit nagpositibo na sa Covid-19. Siyempre, tampok na halimbawa nito ang “mananita party” noong kaarawan ng noo’y National Capital Region Police Office (NCRPO) chief at ngayo’y PNP chief Gen. Debold Sinas. Nitong Enero, nabalita rin ang birthday party ng socialite na si Tim Yap, na dinaluhan pa mismo ng “contact-tracing czar” na si Baguio Mayor Benjamin Magalong. Di rin sumunod sa protocols ang VIP pagbabakuna ng Presidential Security Group at mga katulad ni Mon Tulfo.

Samantala, malupit din ang bigwas ng rehimen sa media. Kahit nangako silang hahayaan muna ng operasyon ng ABS-CBN dahil nga ma pandemya, biglang naglabas ang National Telecommunications Com-mission ng cease-and-desist order laban sa estasyon noong Mayo 5. Samantala, patuloy ang mga kaso laban sa Rappler CEO na si Maria Ressa, at tumindi ang red-tagging sa mga miyembro ng alternative media kasama ang Pinoy Weekly. Sa isang pampublikong pabahay sa Pandi, Bulacan, kinumpiska ng Pandi PNP ang libu-libong kopya ng PW dahil daw “tinuturuan ang mga tao na lumaban sa gobyerno”. Bago nito, noong Abril, hinarang at kinulong ang relief workers ng Anakpawis Party-list. Kabilang sa mga dahilan ang pagkakaroon ng mga kopya ng PW na anila’y subersibo.

Nagpapatuloy pa ang ganitong klima ng malawakang panunupil at pananakot sa ilalim ng general community quarantine (GCQ). Pinipigilan pa rin ang maraming jeeney drivers na makapasada, habang sa kanayuna’y tumitindi ang militarisasyon sa mga komunidad ng mga magsasaka at katutubo. Pandarahas din ang banta sa mga lumalaban sa demolisyon. Tampok ngayon ang banta sa Katuparan Housing sa Vitas, Tondo, Manila, na tatayuan ng komersiyal na housing project — sa lugar na pinaplano ng rehimeng Duterte na “idebelop” para maging commercial complexes at economic zones sa dalampasigan ng Manila Bay.

Lumalabas na may silbi rin ang mapanupil na lockdown ng rehimen sa pinaglilingkuran nitong dayuhang mga interes — tampok siyempre ang China, na may interes sa Build, Build, Build projects sa mga lugar na may matinding militar o pulis na presensiya. May tatak din ng pagsasanay sa US counterinsurgency program ang mga pamamaslang sa mga aktibista at ang mismong madugong giyera kontra insurhensiya ng rehimeng Duterte.

Idinidiin ng mismong World Health Organization na kailangang maging makatao ang pagpapatupad ng mga lockdown sa panahon ng pandemya. Kinikilala rin nila ang karapatang magpahayag at magprotesta kahit na may pandemya — basta’t pinatutupad ang mga protokol sa ehersisyo ng karapatang ito.


Pag-asa’y nasa pagkakaisa

Muling ipinamalas sa panahon ng pandemya na sa sama-samang pagkilos, may nakakamit na tagumpay sa laban sa pandemya. Ni Quijano Teczon

.

Mistulang iniasa ni Pangulong Duterte sa lokal na pamahalaan ang malaking bahagi ng pagtugon sa pandemya.

Una, iniasa ng Inter-Agency Task Force on Covid-19 sa local government units o LGUs ang malaking bahagi ng testing para sa naturang sakit. HInikayat nito ang LGUs na magtatag ng testing centers habang limitado ang testing sa pambansang pampublikong mga sentro. Dahil sa mas mababang kapasidad na magpondo nito ang maraming LGUs sa mga probinsiya, mayorya ng testing, nasa Kamaynilaan pa rin.

Iniasa rin ng IATF sa lokal na pamahalaan ang malaking bahagi ng contact-tracing (na dapat ay kinokoordina ng isang “contact-tracing czar — si Baguio City Mayor Benjamin Magalong, na sumuway sa mismong protocols na dapat pinatutupad niya), pati ang pag-alalay sa mga positibo. Nagkumahog ang LGUs; ang mahihina at walang sistematikong pagtugon (tulad ng Cebu at Quezon City), hindi nakaagapay at kumalat ang Covid-19 sa kanilang lokalidad. Ang iilang pro-aktibong tumugon (nagtayo ng sariling testing centers, agresibong nag-isolate sa mga may sakit, tulad ng Marikina at Pasig), mas bumuti ang lagay.

Kahit sa pamamahagi dapat ng Social Amelioration Program (SAP), na ayuda sa mga nawalan ng kabuhayan dahil sa mga lockdown at pagsasara ng mga empresa, iniatang ang malaking bahagi sa LGUs. Mula sa pagtitiyak kung sino ang dapat bigyan hanggang sa mismong pamamahagi. Talamak ang ulat ng korupsiyon sa lokal na antas. Marami ang nagreklamong hindi nakatanggap.

Sa kabila nito, sinikap tumugon ng mga nag-oorganisa sa sariling mamamayan.

Natayo ang nakabase-sa-komunidad na mga inisyatiba, tulad ng Citizens’ Urgent Response to End Covid-19 (CURE Covid), na isang multisektoral at maramihang-komunidad na inisyatiba para, sa kalaunan, magtipon ng mga rekurso (relief, pagkain, kagamitang medikal tulad ng PPEs, at iba pa) para sa pangangailangan ng mga komunidad ng mga maralita. Una’y sa Kamaynilaan pa lang, pero umabot ito sa iba-ibang probinsiya.

Nariyan din ang mga aktibidad at programa ng iba’it ibang sektor at komunidad. Sa Sityo San Roque, Quezon City, naging aktibo ang Save San Roque at Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa pagsasagawa ng community kitchens para sa mga residente nito. Sa iba’t ibang lugar, naging aktibo ang grupong Pag-asa. Natipon naman ang mga tsuper ng jeepney na nawalan ng kabuhayan sa network na Balik-Pasada. Sa lakas ng kampanya nila, nakakuha pa sila ng mga suporta mula sa mga personalidad tulad ng mga aktres na sina Angel Locsin at Kim Chiu. Nariyan din ang Barangay Damayan, Tulong-Migrante, Lingap Gabriela, Sagip Kanayunan, Tulong Kabataan, at marami pang iba.

Marami ring independiyenteng grupo at indibidwal ang nagsagawa ng kani-kanilang relief missions at feeding programs. Karamihan sa kanila mula sa panggitnang uri o middle class — na tinamaan din ng krisis.

Naekstend ang mga inisyatibang ito hanggang Nobyembre, nang dumating ang serye ng mga bagyo at kalamidad sa Luzon. Nagamit ang network ng relief operations ng iba’t ibang komunidad para makapagpadala ng relief at pagkain sa mga biglang nawalan ng mga tahanan at gamit, at walang natanggap na agarang tulong mula sa gobyerno.

Kaalinsabay nito, nagawa ng iba’t ibang sektor at komunidad na maggiit para sa kanilang mga karapatan at kapakanan sa panahon ng pandemya — kahit pa tumitindi ang panggigipit ng pulisya at militar na tila depensibo sa administrasyong dumadami ang bumabatikos. Nakapagprotesta nang may social distancing sa ilang lugar tulad ng University of the Philippines (UP) Diliman at Commission on Human Rights (CHR) para maiwasan ang mga bantang pagdispers ng mga pulis.

Sa mga komunidad, unti-unting sumigla ang pagpoprotesta at paggiit, tulad ng sa Pandi, Bulacan, sa San Roque, sa Marikina, sa Tondo, kahit sa Pasig at Taguig at, siyempre, sa iba’t ibang lugar sa Quezon City at Lungsod ng Maynila. Sa mga pabrika, sa Cavite, Laguna at iba pa, kumilos din ang mga manggagawa, lumabas sa kanilang mga pabrika at ecozones, at nagprotesta para sa ayuda, benepisyo sa pandemya, dagdag-sahod at proteksiyon laban sa sakit tulad ng libreng mass testing at libreng epektibong pagbabakuna sa kalaunan.

Sa lokal na antas, maraming tagumpay ang nakamit ng sama-sama at nagsasariling mga pagkilos na ito: nakapagpakain, kahit papaano, sa kabila ng sariling kakapusan ng mga nagtutulungan. Nakapamigay ng PPEs, face masks, alokohol at mga panlinis. At napanday ang karanasan ng paggiit sa karapatang ipinagkakait ng nasa kapangyarihan.


Featured image: Dibuho ni Brent Sabas / SAKA | May dinagdag na elemento ang PW