FEATURED

OFWs sa panahon ng pandemya


Ang mga kailangang ipaglaban ng migranteng Pilipino at kaanak nila sa panahon ng matinding krisis at pandemya.

Mula nang pumutok ang pandemyang Covid-19, dumaranas ang OFWs at mamamayang Pilipino ng krisis na hindi pa nila naranasan noong nakaraan.

Taong 2020, bumagsak ang ekonomya ng Pilipinas nang halos walang kapantay sa kasaysayan. Bumaba nang 9.5 porsiyento ang Gross Domestic Product (GDP o produktong likha ng bayan). Ito raw ang pinakamalaking pagbagsak ng ekonomya mula 1947, pagkatapos ng World War II.

Nagpapatuloy ito ngayong 2021. Lalong nalulubog sa pautang ang bansa. P10 Trilyon ang nadagdag sa utang ng Pilipinas mula sa lokal at dayuhang mga bangko noong 2020. Kamakailan lang, umutang na naman ang administrasyong Duterte ng P43 Bilyon sa World Bank at Asian Development Bank.

Samantala, tuluy-tuloy ang taas-presyo ng bilihin mula noong huling kuwarto ng 2020 hanggang ngayon. Nitong Pebrero, umabot nang 4.7 porsiyento ang implasyon o pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo.

Kakarampot ang suporta sa mga magsasaka – bago pa man ang pandemya – na siyang pangunahing tagapaglikha ng pagkain at pangangailangan. Nanatili namang nakapako ang sahod ng mga manggagawa. Sa kabila ng pangangailangan ng dagdag-kita, wala silang natanggap na umento noong 2020 at wala pa ring maaasahan sa susunod na mga buwan. Dagdag dito, marami sa kanila ang nawalan o ‘di kaya’y palaging nasa bingit ng tanggalan.

Kumusta ang OFWs at kaanak nila ngayong pandemya?

Mahigit 1,000 ang mga Pilipinong namatay sa Covid sa ibayong dagat.

Marami sa kanila, health workers at medical professionals. Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) noong Pebrero 25, umabot na sa 14,873 ang kumpirmadong kaso ng Covid sa overseas Filipinos sa 87 bansa.

Ang Middle East, may 8,131 kaso; 663 ang namatay. Europe ang sumunod (2,949 kaso, 125 namatay) at Asia-Pacific (2,920 kaso, 21 namatay). Sa Americas, bagamat 873 lang ang kaso, 23.7 porsiyento o 207 ang namatay. Dagdag pa sa mga kasong ito ang repatriated OFWs na dito na lang sa Pilipinas nakumpirma na positibo sa Covid tulad ng mga crew member ng MV Diamond Princess, at OFWs na nahawaan na lang ng Covid sa Pilipinas dahil sa hindi ligtas at disorganisadong repatriation process at quarantine procedure.

Tuluy-tuloy pa rin ang pag-uwi ng OFWs na nawalan ng trabaho. Ayon sa DFA, mula noong Pebrero 2020 hanggang Disyembre 2020, umabot sa 327,511 ang repatriated OFWs. Kalakha’y land-based workers mula sa 90 bansa (231,537 o 70.7 porsiyento), habang 95,974 o 29.3 porsiyento naman ay seafarers. Pinakamalaki (228,893 o 69.89 porsiyento) ang mula sa Middle East. Sumunod ang sa Asia-Pacific (36,868 o 11.26 porsiyento), Americas (30,971 o 9.46 porsiyento) at Europe (28,909 o 8.83 porsiyento). Pinakamalaking bulto ng mga umuwi ay noong Disyembre na umabot sa 51,770 (15.8 porsiyento ng kabuuan).

Ayon sa DFA (Pebrero 23), umabot sa 368,736 ang repatriated OFWs. Tumaas agad nang 12.58 porsiyento ang umuwi, wala pang dalawang buwan. Nasa 5,000 kada linggo ang umuuwing Pilipino. Ayon sa gobyerno, daan-daang libo ang hindi napapauwi. May nagdadalawang-isip na umuwi dahil umaasang makakabawi na ang ekonomiya ng host countries matapos ang pandemya. Pinakamalaki sa kasaysayan ng labor export program noong panahon ng Martial Law ang mass retrenchment, displacement at repatriation.

Maliban sa mga umuwi, kasama ang OFWs sa nawalan ng trabaho at kabuhayan. Hindi sila agad nakaalis ng Pilipinas. Sa panimulang taya ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA) noong Enero 8, bumagsak nang 70-75 porsiyento ang OFW deployment dahil sa pagsasara ng job markets at paghihigpit sa pagbiyahe patungong worksites. Ayon sa POEA sa budget hearing sa Senado, umabot lang sa 1,394,788 (1,101,040 land-based at 293,748 sea-based) ang OFW deployment sa buong 2020. Ibig sabihin, tinataya na mahigit isang milyon ang hindi na nakapangibang-bansa.

Pinakamalaking tinamaan ang “household service workers” na 60 porsiyento ng taunang deployment. Middle East ang pangunahing destinasyon. Iilang bansa lang dito ang bukas sa deployment (Qatar, Oman, at United Arab Emirates na may limitadong job orders). Di rin umano makakarekober ang deployment hanggang sa susunod na taon dahil sa bagsak pa ang ekonomiya ng host countries at hindi pa tiyak ang istabilidad dahil sa limitadong bakuna.

Apektado rin ang recruitment agencies at insurance companies. Ayon kay POEA Administrator Bernardo Olalia, sa mahigit 800 land-based recruitment agencies at mahigit 300 manning agencies, wala pang 100 sa mga ito ang “still in business”.

Sa kabila ng pagsara ng maraming ahensiya, pinapasa ng gobyerno sa recruitment/ manning agencies ang responsabilidad sa dineploy na OFWs sa halip na akuin ang buong responsabilidad ng pagbibigay-proteksiyon, tulad ng pagpasan sa manning agencies ng gastos para sa kuwarantina. Halos wala na ring mga serbisyo ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan dahil online na ang karamihan ng transaksiyon at paghingi ng tulong.

Dahil sa pagtaas ng disimpleyo sa OFWs, bumulusok ang mga remitans na dati’y tagapagsalba ng gumuguhong ekonomiya ng Pilipinas.

Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, umabot pa sa $33.194-B ang remittances noong 2020. Mas mababa na ito kumpara sa $33.467-B noong 2019. Ito na ang kauna-unahang pagbagsak ng remittances sa nakaraang 19 taon. Gayunpaman, ipinapalabas ng BSP na maigi pa rin ito dahil maliit lang daw ang ibinaba (0.8 porsiyento) ng remittances kumpara sa inaasahan. Ayon sa ilang eksperto, kaya nanatiling mataas ang remittance ay dahil napilitan ang mga nasa abroad na magpadala pa rin ng pera dahil nasa krisis ang kanilang pamilya, at dahil sa pandemya, napilitan silang ipadala ang remittance sa formal channels.

Naitala ang pagbaba ng remittances mula Saudi Arabia, Japan, United Kingdom, Germany at Kuwait habang tumaas ang mula sa US, Singapore, Canada, Hong Kong, Qatar, South Korea at Taiwan.

Istranded na seafarers noong kasagsagan ng lockdown sa Metro Manila noong Agosto 2020. Neil Ambion

Ano ang sanhi ng krisis na nararanasan ng bansa ngayon?

Mula umpisa ng pandemya hanggang ngayon, walang plano para sa tugon na mabilis, naabot at koordinado sa mga mamamayan.

Ayon sa Citizens’ Urgent Response to End Covid-19 (CURE Covid), walang komprehensibong programa ang gobyerno para iangat ang sistemang pangkalusugan sa bansa. Wala ring signipikanteng pagtaas sa bilang ng ospital, pasilidad, kagamitan, gamot at manggagawang pangkalusugan na sentral na pangangailangan para harapin ang pandemya.

Nakaasa sa pribado at dayuhang korporasyong medikal ang pagtugon sa Covid. Nagbibigay-serbisyo nga ang mga ito, pero kita naman ang inuuna. Simula’t sapul, sinabi ng World Health Organization o WHO na kailangan ang libreng mass testing, contact tracing at paggamot. Pero hanggang ngayon, wala ito sa sentral na tungkulin ng administrasyon. Kamakailan, inamin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang contact tracing sa Pilipinas ang isa sa pinakamabagal at nahuhuling programa ng gobyerno.

Sa halip, ayon sa CURE Covid, pagkontrol, pagpaparusa at paghigpit sa mga mamamayan ang pokus ng administrasyong Duterte. Pilipinas ang may pinakamahabang lockdown sa mundo, pero nananatili kulelat ito sa pagpigil sa Covid-19. Kaysa suportahan ang mga siyentista at manggagawang pangkalusugan sa pagharap sa pandemya, pinalakas at binigyan-insentibo nito ang pulisya at militar.

Samantala, abala rin ang administrasyong Duterte sa pagsupil sa mga kritiko nito.

Ngayong taon, P8.6-B lang ang pondo ng DFA at Department of Labor and Employment (DOLE) para sa OFWs. Samantala, P19-B ang nasa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac). Dahil dito, nagagamit ang pondo para labanan ang mga kritiko nito. Halimbawa, tinangkang ipadeport ang OFW sa Taiwan na si Lynn Silawan dahil pinuna niya ang katiwalian sa gobyerno. Sistematiko rin ang red-tagging at paninira sa Migrante na may mahabang maka-OFW na rekord.

Kahit may pandemya, namamayani ang korupsiyon. Noong 2020, umabot sa P15-B ang nawala sa Philhealth na dapat nagamit sa pangangailangang medikal. Napabalita rin noong 2020 ang “pastillas” modus sa Bureau of Immigration at nakawan ng pondo sa Department of Public Works and Highways.

Samantala, nahirapan ang OFWs sa deployment ban. Pasakit ito sa mga papunta ng Hong Kong at ibang parte ng China at mga manggagawang pangkalusugan na papuntang ibang bansa nang biglaang ipatigil ang pagpapaalis sa kanila. Nahirapan din ang OFWs sa di-organisado, di-ligtas at mabagal na sistema ng repatriation at quarantine. Pinakamalalang halimbawa ang nahawa at naging carrier pa ng Covid-19 ang OFWs na bumalik-probinsiya kahit sumailalim sa quarantine protocols ng gobyerno.

Biglaan at sapilitan ang pagpasok sa OFWs sa Philhealth. Sa Philhealth Circular No. 2020-0014 at Universal Health Care Law, sisingilin sana sila ng premium na P350/buwan. Nadismaya ang OFWs sa gobyerno nang hindi isama ang pamilya nila sa Social Amelioration Program at pagtanggap ng relief goods kahit mabagal at limitado ang ayuda sa kanila sa ilalim ng DOLE-Abot Kamay ang Pagtulong for OFWs (AKAP).

Paano ito hinarap ng OFWs?

Di nagkibit-balikat ang OFWs at pamilya nila. Naggiit at napagtagumpayan ng OFWs ang ilan sa karaingan:

• Dahil sa sama-samang pagkilos ng apektadong OFWs para igiit na makabalik sila sa kanilang mga trabaho sa harap ng kawalan ng alternatibong trabaho ng gobyerno, binawi ng IATF ang deployment ban ng POEA.

• Kahit pinigilang magreklamo ang OFWs na nasa quarantine facilities at restriksiyon ng stranded OFWs sa mga dormitoryo, hindi napigil ang mga ito na ireklamo ang gobyerno. Nagsimula sa ispontanyong pangangalampag hanggang sa natipon sila sa ilalim ng #StrandedPH. Dahil dito, natulak ang administrasyon na pabilisin ang proseso ng quarantine at repatriation hanggang makauwi sa probinsya ang OFWs.

• Umalma ang OFWs sa sapilitang paniningil ng Philhealth. Umani ng mahigit 300,000 pirma ang petisyon na tumututol sa paniningil. Dahil dito, natulak ang administrasyon na pansamantalang itigil ang programa.

• Dahil sa pagprotesta ng OFWs sa mabagal na pamamahagi at kakarampot na badyet para sa DOLE-AKAP at iba pang serbisyo, naitulak ang administrasyong magdagdag ng badyet sa DOLE-AKAP at pinalaki ang alokasyon ng OWWA sa 2021 General Appropriations Act para sa repatriation at quarantine at iba pang kagyat na tulong.

Noong huling hati ng 2020, dahil sa pagkilos ng OFWs, naitutulak ang administrasyon na magtakda ng bagong mga programang tutugon umano sa kagyat na pangangailangan ng OFWs sa kagyat na ayuda at kabuhayan.

Makatutulong nga ba ang mga programa ng gobyerno para makakuha ng ayuda at kabuhayan ang OFWs?

Sa unang tingin, kaakit-akit ang mga programang ito. Pero gusto itong payapain ang nagsisimulang pagkamulat at pagkilos ng maraming OFWs.

Kung titignan pa lang ang halagang inilaan para sa ayuda, makikitang kapos na kapos ito. P8.6-B lang ang inilaan sa tinatayang isang milyong OFWs na apektado ng pandemya. Aabot lang ito sa P8,600 kada OFW na hindi man lang makabibili ng tiket sa eroplano pauwi. Ang Tulong Puso na may badyet na P500-M ay magkakahalaga lang ng P1,356 kada OFW na suportang pangkabuhayan para sa mahigit 368,000 umuwing OFW.

Malinaw na di sapat ang pondo para sa OFWs. Lalong hindi ito tutugon sa mga dahilan kung bakit napipilitang mangibang-bayan ang maraming Pilipino. Sa kasalukuyan, nagagamit ang pandemya para lalong maitulak ang mga Pilipino palabas ng bansa. Sinabi kamakailan ng administrasyon na mag-e-eksport daw ito ng maraming nars patungong United Kingdom at Germany kapalit ng bakuna mula sa mga bansang ito.

Tila pinag-aaway pa nito ang OFWs. Nag-aagawan sila sa limitadong slots at badyet ng mga programa. Sa pakikitungo nito sa programa ng gobyerno na pinondohan ng kanilang ambag sa bansa, kailangang tiyakin ng OFWs at pamilya nila kung tunay ngang naglilingkod ang mga programang ito ng gobyerno para sa kanilang pamilya, sa kapwa OFWs at mga kababayan sa bansa.

Ano ang dapat gawin?

Dapat na lubos na napakikinabangan ang pondo. Kahit di signipikante at tuluyang magbibigay solusyon sa problema sa kabuhayan, mahalaga pa ring tanggapin ng OFWs ang benepisyo ng mga programang ipinatutupad.

Pero dapat nakapokus ito para sa sustenableng pangkabuhayan. Dapat ipanawagan ang P10,000 ayuda sa lahat ng apektadong OFWs. Kasabay nito, dapat pigilan ang nakaambang mga singilin. Halimbawa, dapat labanan ang sapilitang paniningil pati taas-singil sa Philhealth.

May sapat na pondo ang bansa, pero di ito nagagamit para sa OFWs. Kailangan ilaan ang pondo sa mga programang talagang gaganansiya sa OFWs. Dapat iwasan ang mga patakarang nagtatali sa OFWs sa pagiging palaasa sa mga dayuhan at lokal na pribadong mga bangko at iba pang negosyo. Kaugnay nito, mahalagang maipanawagan ang paglilipat ng pondong ginagamit para sa panunupil tungo sa serbisyong panlipunan. Pangunahin dito ang pag-alis sa P19-B pondo ng NTF-Elcac na puwedeng ilaan sa ayuda sa mga nawalan at kulang sa trabaho.

Pangmatagalang solusyon sa disempleyo at kahirapan ang tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon.

Dapat mapalakas ng OFWs ang pagkakaisa. Sa kalagayan ng matinding krisis, kailangang mag-organisa ang OFWs para isulong ng kanilang karapatan at para sa tunay na pagbabago. Puwedeng magtatag ng mga kooperatiba, asosasyon o samahan na kolektibong nagsasagawa ng mga aktibidad. Maisusulong lang ang karapatang pang-ekonomiya nila kung mareresolba ang mga kondisyong nagsasadlak sa buong bayan sa kawalan ng oportunidad sa hanapbuhay.


Featured image: Mula sa Vecteezy