Istorya ng Linggo Manggagawa

Para sa dignidad ng manggagawa

November 13, 2021

Habang tumataas ang presyo ng langis at bilihin, bumababa naman ang tunay na halaga ng sahod ng mga manggagawa. Hindi na nakabubuhay ang hanap-buhay.

Kinalampag ng mga manggagawa ang muling pagbubukas ng sesyon sa Kongreso noong Nobyembre 8 para manawagan ng kagyat na pagsasabatas ng mga polisiyang magbibigay ng kagyat na ginhawa sa gitna ng patung-patong na pasanin at pahirap sa mamamayan.

Sampung linggo na kasing sunud-sunod na nagtaas ang presyo ng langis na nagtulak din ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at bayarin. Reklamo ng mga manggagawa, sa harap ng nagtataasang presyo, nananatiling nakapako ang kanilang sahod.

“Ngayong taon lang, 21 piso na ang itinaas ng presyo ng langis, pero ang sahod ng mga manggagawa, ilang taon nang hindi tumataas. Hindi na sapat ang kinikita namin para sa pang-araw-araw na pangangailangan,” ani Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng pambansang sentrong unyon na Kilusang Mayo Uno.

Dapat, aniya, gumawa ng hakbang ang mga mambabatas para ibaba ang presyo ng langis sa pamamagitan ng pagsuspinde sa Excise Tax at Value Added Tax sa mga produktong petrolyo. Para naman makontrol at mapigilan ang walang habas na pagtaas ng presyo, dapat umanong ibasura na ang Oil Deregulation Law.

Sabi pa ni Adonis, napapanahon nang bigyan ng Kongreso ng karampatang pagkilala ang mga manggagawa at iba pang “economic frontliner” sa pamamagitan ng pagpasa ng mga batas na magbibigay alwan sa kanila sa gitna ng krisis.

“Bakit kami ang kailangang magdusa sa kainutilan ng gobyerno gayong kami itong nagtatrabaho para buhayin ang naghihingalong ekonomiya?” aniya.

Ayon kay Rochelle Porras, Executive Director ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler), matagal nang napag-iwanan ang sahod ng mga manggagawa ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“Hindi pa nga nakakabangon ang mga manggagawa sa epekto ng pandemya, lalo pa silang pinahihirapan dahil hindi na makasabay ang sahod nila sa pagtaas ng mga presyo,” aniya.

Paliwanag ni Porras, kahit ang pinakamataas na minimum na sahod sa bansa, P537 sa National Capital Region, ay kulang na kulang na panustos sa pangangailangan ng karaniwang pamilya. Pinatunayan rin ito ng datos ng gobyerno.

Sa tala ng National Wages and Productivity Commission (NWPC), lumalabas na P428 lang ang tunay na halaga ng minimum na sahod sa NCR, habang katumbas lang ng P228 ang sa Region V na pinakamamabang minimum na sahod sa bansa.

Sabi ng National Economic and Development Authority (Neda), nasa P1,600 kada araw ang kailangan ng isang pamilyang may 5 miyembro para mabuhay ng disente.

Kaya para sa Eiler, dapat kagyat nang talakayin ng gobyerno ang pagbibigay ng dagdag-sahod at wage subsidy para sa mga manggagawa sa gitna ng walang awat na pagtaas ng presyo ng bilihin.

“P100 ang ipinapanawagang kagyat na wage subsidy para sa mga manggagawa. Ayon ito sa halaga na nawala sa sahod dulot ng pandemya. Dagdag pa rito ay marapat ding itaas ang sahod ng mga manggagawa sa P750 kada araw,” sabi ni Porras.

 

 

National Minimum Wage

Samantala, nanawagan sa mga kapwa mambabatas ang mga kinatawan ng Koalisyong Makabayan sa mga kapwa mambabatas na tugunan ang hiling ng mga manggagawa na pabilisin ang pagsasabatas ng House Bill 246 o ang National Minimum Wage (NMW) Bill.

Sa panukalang batas ng Makabayan, magtatakda ng iisang minimum na sahod sa buong bansa na halagang P750, at regular pang dadagdagan batay sa pangangailangan.

“Ngayon higit kailanman, kailangan nating tulungan ang mga kababayan na makaraos sa krisis. Ang sapat na ayuda at pagtatakda ng pambansang minimum na sahod ay makakatulong sa kanilang makapamuhay sa kabila ng napakataas na cost of living sa bansa,” sinabi ng Makabayan sa isang pahayag.

Sa ilalim ng administrasyong Duterte, dalawang beses nang inihain ng Makabayan ang naturang panukalang batas, pero hindi pa ito naaksyunan ng Kongreso.

Ayon kay Porras, 2016 pa nananawagan ang mga manggagawa para sa P750 NMW. Matagal na kasi nilang gusto ibasura ang Republic Act 6727 o Wage Regionalization Act of 1989. Pinababa aniya ng naturang batas ang sahod sa bansa sa pagbibigay daan nito sa “race-to-the-bottom” o ang sistema kung saan kailangang magkumpitensya ng mga manggagawa sa kada rehiyon kung sino ang kayang magtrabaho para sa mas mababang sahod.

“Ibang-iba siguro ang kalagayan ng mga manggagawa sa pandemya kung matagal nang naipatupad ang P750 na NMW. Mas handang harapin ang biglaang pagkawala ng trabaho, may signipikanteng ipon para makapag-imbak ng pagkain, makapagpagamot, makabili ng mga gamit para sa online class ng mga anak nila, at iba pa,” sabi ni Porras.

Para sa Makabayan, naging bulag at bingi ang gobyerno sa pagdurusa ng mga mamamayan. Kaya naman dapat umanong pabilisin ang pagsasabatas ng HB 246 bago matapos ang sesyon ng Kongreso ngayong taon.

“Kailangan nating kumilos ng mabilis at magkaroon ng political will para tulungan ang mga Pilipino sa pagdurusa nila sa krisis na dulot ng pandemya,” pahayag ng mga progresibong mambabatas.
Sa huli sinabi ni Porras na sukatan umano ang minimum na sahod sa kung paano pinapahalagahan ng lipunan ang buhay ng mga manggagawa nito.

“Nakita na natin ang naging epekto ng kawalan ng makatwiran at makataong sahod para sa mga manggagawa sa gitna ng pinakamatinding krisis ng ating panahon. Hirap na hirap, walang makain, kailangan makipagsapalaran sa gitna ng panganib sa kanilang kalusugan para lang may maiuwi sa pamilya. Samantala, ang pinakamayayaman na mga kapitalistang nakinabang sa lakas paggawa ng mga manggagawa ay lalo namang yumaman,” aniya.

Giit pa niya, walang puwang ang ganitong eksena sa isang lipunang nag-aasam ng dignidad sa paggawa.

“Marapat lang na bigyan ng dignidad ang ating mga manggagawa. Ibig sabihin, ang kanilang sahod ay dapat sapat para mabuhay sila at ang kanilang pamilya,” ani Porras.

Avatar

Neil Ambion

Gitarista, musikero at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga manggagawa, ngayo'y bahagi ng editorial staff ng PW si Neil Ambion.