Main Story

Pagharang sa P85 umento, pahirap, ilegal, delikado


Labag sa Labor Code ang pagharang ng korte sa dagdag-sahod. Ngayong nagtataasan ang presyo, dagdag-pahirap pa ito sa manggagawang Pinoy.

Napurnada ang P85 na dagdag-sahod sa National Capital Region dahil sa inilabas na writ of preliminary injunction ng Pasig Regional Trial Court Branch (RTC) 152 noong Ago. 13. Hinarang ng korte ang umento kahit ipinagbabawal ito sa batas at sa harap ng nagtataasang presyo at bayarin.

Inaprubahan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang NCR Wage Order No. 27 noong Hunyo 23. Itinakda nito ang hulugang pagbibigay ng dagdag minimum wage sa NCR, una sana ang P60 noong Hulyo 25 at P25 sa Enero 20, 2027. Tinawag pa itong “makasaysayan” ni bagong Labor Secretary Francis Tolentino.

Pero Hulyo 30 pa lang, nag-isyu na ng 20 araw na temporary restraining order (TRO) ang Pasig RTC para harangin ang unang hulog ng umento. Inilabas nito ang injunction order na tuluyang nagpatigil sa dagdag-sahod, matapos mapaso ang TRO.

Sa Article 126 ng Labor Code of the Philippines, nakasaad na “No preliminary or permanent injunction or temporary restraining order may be issued by any court, tribunal or other entity against any proceedings before the Commission or the Regional Boards.”

“Hindi ito simpleng policy statement, express prohibition ito na inilagay mismo ng Kongreso sa batas,” ani VJ Topacio, labor lawyer mula sa Pro-Labor Assistance Center (Place).

Kuwestiyonable aniya ang pagdiretso sa korte para pigilan ang umento dahil sinadya, malinaw at mahigpit itong ipinagbabawal ng Labor Code. May seryosong legal na usapin din ang pag-isyu ng injunction at TRO dahil may nakatadang proseso sa paghahabol sa wage order na naaayon sa batas.

Sinugod ng mga manggagawa ang Pasig Regional Trial Court noong Ago. 4 para kondenahin ang pagharang ng korte sa dagdag-sahod. Larawan mula sa Kilusang Mayo Uno

“May kapangyarihan ang mga korte na mag-review ng gawain ng administrative agencies kapag may grave abuse, jurisdictional issue o constitutional question. Pero ibang usapin iyon sa pag-freeze agad ng wage increase through an injunction, lalo na kung may specific administrative remedy at express statutory prohibition against injunction,” ani Topacio.

Sa Article 123 ng Labor Code, may karapatang umapela ang mga employer sa aprubadong umento sa loob ng 10 araw mula ilabas ang wage order. Pero hindi puwedeng itigil ang implementasyon ng wage order hangga’t walang desisyon ang NWPC. Inaatasan naman ang komisyon na maglabas ng pinal na hatol sa loob ng 60 araw. 

“Ibang bagay ang judicial review after exhaustion of the remedies provided by law at ibang bagay ang RTC injunction na agarang pumipigil sa implementation ng wage increase,” ani Topacio.

Naghain ng motion for reconsideration ang Department of Labor and Employment (DOLE) laban sa injunction ng Pasig RTC noong Ago. 17. Ayon kay Tolentino, walang jurisdiction ang korte sa wage order at binalewala nito ang mga administratibong remedyo.

Pero para kay Topacio, higit pa sa teknikal na usapin ng hurisdiksyon, may totoong epekto sa buhay ng mga manggagawa ang bawat na araw na pagka-antala ng umento.

“Ang minimum wage worker, hindi naman mababawi ang purchasing power na nawawala habang naghihintay ng final resolution ng kaso,” aniya.

Ibinunga ng tuloy-tuloy na paglaban ng mga manggagawa para sa dagdag-sahod ang Wage Order 27. Malayo pa nga ang aprubadong hulugang umento kumpara sa mga inihaing petisyon ng iba’t ibang samahang manggagawa na humiling ng mula P200 hanggang P750 na dagdag-sahod.

Para kay Kilusang Mayo Uno (KMU) chairperson Jerome Adonis, maituturing na pagnanakaw ng mga kapitalista at ng administrasyong Marcos Jr. sa sahod ng mga manggagawa ang pagpapahinto sa aprubado nang umento.

Protesta ng mga manggagawa sa DOLE laban sa pagharang sa Wage Order 27 noong Ago. 7. Larawan mula sa Kilusang Mayo Uno

Kung hindi hinarang ng korte, magiging P780 sana ang minimum wage para sa non-agricultural workers at P743 naman sa agricultural workers sa NCR. Mahigit 1.1 milyong manggagawa ang tinatayang dapat nakatanggap ng umento.

Nakapako ngayon sa P695 ang minimum wage sa NCR. Sa datos ng Ibon Foundation, nasa P1,283 ang family living wage (FLW), o kailangang sahod para mabuhay ang isang pamilya, sa NCR nitong Hulyo. Naitala naman ang 6.2% na inflation rate sa parehong buwan.

“Patuloy na naghihirap ang mga Pilipino sa napakataas na cost of living dahil mas mabilis tumataas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo kaysa sahod at kita nila,” sabi ng Ibon.

Sa pag-aaral ng grupo, nasa P512 ang average na sahod sa buong bansa, pero P378 lang ang katumbas nitong tunay na halaga dahil sa pagsirit ng presyo. Pilipinas ang may pinakamataas na inflation sa buong Timog Silangang Asya.

Bukod sa mga petisyon sa NWPC, nauna nang nananawagan ang mga manggagawa na itaas sa P1,200 ang minimum wage sa buong bansa para anila maabot ang living wage o nakabubuhay na sahod.

“Malayo sa pagiging sobra ang P85 na umento. Maliit at kapos na nga itong paggalaw kumpara sa hinihinging P1,200 daily living wage ng mga manggagawa. Pero dumulog pa rin sa korte ang mga employer para pigilan ito at pinagbigyan naman ng korte,” ani Jupiter Delda, vice president for internal affairs ng BPO Industry Employees Network (BIEN).

Sa inilabas na injunction ng Pasig RTC, sinabi ni Judge Marie Joyce Manongsong na kinonsidera nito ang kakayahan ng mga employer na magbayad, ayon sa Article 124 ng Labor Code. Nagbabala rin ito na maaaring magdulot ng tanggalan sa trabaho ang dagdag-sahod.

“The injunction herein issued is, at its core, a preservative relief that would ensure that the rights of both management and labor are considered, and their existence or livelihood sustained,” sabi ng korte.

Pero hindi maliliit na kompanya ang Readycon Trading and Construction Corp. at R-II Builders Inc., na dumulog at pinanigan ng korte. Kapwa nakatala bilang Quadruple A, pinakamataas na kategorya ng kontratista, kabilang ang dalawa sa pinakamalaking kontraktor ng mga proyektong imprastruktura ng gobyerno.

“Nakapagtataka nga namang sa mga government contractor pa talaga manggagaling ang ganitong petisyon. Kulang pa ba ang nakuha mula sa mga kontrata sa gobyerno?” sabi ni Adonis.

Do not delay. Ipinababasura ng mga manggagawa ang TRO ng Pasig RTC sa Wae Order 27. Larawan mula sa Mayday Multimedia

May hindi bababa sa P5 bilyon halaga ng kontrata ang Readycon sa Department of Public Works and Highways, kabilang ang P1.1 bilyong EDSA maintenance project. May mga kontrata rin ito sa Manila International Airport Authority, Philippine Ports Authority, National Housing Authority at sa iba’t ibang pamahalaang lokal.

Umabot naman sa P18.5 bilyon ang halaga ng mga natapos na proyekto ng R-II Builders sa buong bansa. Kabilang dito ang mga airport, pier, dredging at reclamation projects at mga pasilidad ng mga pamahalaang lokal. Mayroon itong P2.2 bilyon halaga ng mga kagamitan at ari-arian at nakakuha ng bagong P218 bilyon halaga ng “mega infrastructure projects.”

Ayon sa Defend Jobs Philippines, kayang-kayang ibigay ng dalawang kompanya ang aprubadong umento. Katumbas lang anila ng P1,560 kada buwan ang dapat sanang P60 na unang hulog ng dagdag-sahod.

“Hindi namin sinasabing ang project value ay automatic na profit ng kompanya. Pero hindi rin dapat awtomatikong ituring na ‘burden’ ang sahod ng manggagawa, habang napakalaki ng scale ng negosyong pinatatakbo,” ayon sa grupo.

Sabi naman ni Adonis, hindi dapat magdulot ng tanggalan ang dagdag-sahod dahil ibabawas lang ito sa kabuuang kita, at hindi sa kapital, ng kompanya.

Sa kabila ng injunction, ilang maliliit na negosyo naman ang nag-anunsyo na boluntaryong magpapatupad ng P85 dagdag-sahod gaya ng mga kainang Bulalohan sa 1st, ChizzMozza, Meals in Minutes, at ang kompanya ng LPG na Regasco.

Hinikayat naman ng Federation of Free Workers (FFW) si Tolentino at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hikayatin ang mga employer sa NCR na sumunod sa Wage Order 27. Ani FFW president Sonny Matula, maliit lang ang umento pero magpapataas sa purchasing power ng manggagawa at makakatulong sa ekonomiya ng bansa.

“Hindi babagsak ang langit, hindi biglang maglalaho ang mga pabrika at hindi awtomatikong susunod ang unemployment dahil lamang may kaunting dagdag ang manggagawa para sa bigas, pamasahe at pagkain,” aniya.

Tumaas naman sa 2.5 milyon ang bilang ng walang trabaho sa Pilipinas kahit walang dagdag-sahod noong Mayo 2026, ayon sa Ibon.

Sa Navotas City, naghain rin ng petisyon para sa injunction at TRO laban sa Wage Order 27 ang Alliance of Philippines Fishing Federations (APFF) noong Ago. 3.

Ito ang pinangangambahan ni Topacio. Delikado aniya kung maging normal ang pagtakbo ng mga employer sa korte at paglalabas ng mga injunction at TRO para pigilan ang aprubadong dagdag-sahod. Maaari din nitong maparalisa ang buong mekanismo sa pagtatakda ng sahod.

“Ang mas malaking concern natin ay iyong precedent na maaaring malikha sa praktika. Maaari itong maging template na gayahin ng ibang employers. Iyon ang delikado,” aniya.

Itinakda ng Labor Code at Republic Act 6727 o Wage Rationalization Act ang mekanismo ng pagtatakda ng sahod sa bansa noong 1989. Mula sa dating legislated o isinasabatas na umento, binuo nito ang NWPC at ipinasa sa mga Regional Wage Boards ang kapangyarihang magpasya sa mga petisyon para sa dagdag-sahod sa pamamagitan ng prosesong tripartite o paghaharap ang mga manggagawa, employer at gobyerno. 

“Kung ang isang wage order na dumaan sa prosesong iyon ay madaling mapipigil sa pamamagitan ng injunction ng isang RTC, kailangan talagang itanong kung hindi nito binabalewala ang mismong mekanismong itinakda ng Labor Code at Republic Act 6727,” ani Topacio.

Matagal nang nananawagan ang mga manggagawa na buwagin ang NWPC at mga RWB dahil sa kapalpakan nitong magbigay ng makabuluhang dagdag-sahod. Tinawag rin nila ang Wage Rationalization Act na pakong nagpapanatiling mababa ang pasahod sa bansa sa pamamagitan ng pagtatakda ng mahigit 1,000 iba-ibang antas ng sahod sa kada rehiyon, probinsiya at industriya.

Matagal nang pinabubuwag ng mga manggagawa ang regional wage boards na nagpapababa imbes magpataas sa sahod mula pa 1989. Larawan mula sa Kilusang Mayo Uno

Mula 1989, ang maliit at hulugang P85 umento sa NCR na ang pinakamalaking naaprubahang dagdag-sahod ng NWPC.

“Walang silbi ang mga RBW bilang makanismo sa wage increase. Lalo pa itong napatunayan dahil puwede palang ipa-TRO sa mga korte. Ginawa ito ngayon sa NCR at gagawin din sa buong bansa,” sabi ni Adonis.

Sunod-sunod naman ang isinagawang protesta ng KMU, FFW at iba pang samahang manggagawa sa Pasig RTC at DOLE para kondenahin ang pagharang sa dagdag-sahod. Kinondena nila si Tolentino sa aniya’y kawalang-aksiyon at pambobolang “nalungkot” sa hatol ng korte.

“Ano Tol, nalungkot ka lang? Magpapakalugmok ka na lang diyan, tapos wala ka namang gagawin? Makakain ba namin ang lungkot mo? Mababayad ba ‘yan sa Meralco, o maipapambaon sa mga anak?” ani Adonis.

Naghahandana ang Place at mga manggagawa ng mga legal na hakbang para labanan ang injunction ng Pasig RTC. Sa Kamara, naghain naman ng Resolution 1340 ang Makabayan bloc para ipabasura ang TRO at sa pagpapatupad ng P85 umento.

Ayon kay Topacio, hindi na lang ito usapin ng aprubadong P85 sa NCR, kundi ng pagprotekta sa karapatan ng mga manggagawa na makuha ang umentong iginagawad sa kanila ayon sa batas.

“Wala na sa korte ang laban. Nasa lansangan na! Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, sa pangunguna ng uring manggagawa, kasama ang iba’t-ibang sektor, lilikhain natin ang kondisyon patungo sa welgang bayan tulad ng karanasan noong 1989,” ani Adonis.