Migrante

Pinay OFW na biktima ng pambubugbog sa Hongkong lumantad


Tila hindi natatapos ang listahan ng mga binubugbog na overseas workers  sa bansang Hongkong,  matapos lumantad ang isang Pilipina at ibunyag ang pananakit at pang-aabusong dinanas niya sa kamay ng kanyang  amo. Tumakas si Rowena Uychiat mula sa pagmamalupit ng kanyang amo at humingi ng tulong sa Mission for Migrant Workers (MFMW), isang organisasyong umaayuda […]

Ang OFW na si Rowena Uychiat Kontribusyon
Ang OFW na si Rowena Uychiat Kontribusyon

Tila hindi natatapos ang listahan ng mga binubugbog na overseas workers  sa bansang Hongkong,  matapos lumantad ang isang Pilipina at ibunyag ang pananakit at pang-aabusong dinanas niya sa kamay ng kanyang  amo.

Tumakas si Rowena Uychiat mula sa pagmamalupit ng kanyang amo at humingi ng tulong sa Mission for Migrant Workers (MFMW), isang organisasyong umaayuda sa kapakanan ng mga migranteng manggagawa sa Hong Kong, at affiliate ng Migrante International.

Sa isang press conference sa Hongkong, sinabi ni Uychiat na isang biyuda at tubong Cadiz, Negros Occidental, na nagpunta siya sa Hongkong noong ika-22 ng Hulyo noong nakaraang taon at namasukan bilang domestic worker kay Yui Anna Hoi Yin, isang Hongkong national mula sa Kowloon. Si Uychiat na may dalawang naiwang anak sa Pilipinas ay nagtrabaho ng siyam na buwan kay Yin.

Isinalaysay niya kung anu-anong pasakit ang dinanas niya sa kanyang amo. “Paulit-ulit akong binubugbog, sinisigawan, tinatawag na inutil (stupid), at minumura,” ani Uychiat. Bukod pa ito sa pagtatrabaho niya ng 21 oras kada araw, mula 6:00am hanggang 4:00am.

Sinabi din niya na hindi rin siya makalabas ng bahay nang hindi kasama ang kanyang amo, gayundin na kinumpiska ng kanyang ahensiya ang kanyang pasaporte.

Ayon pa kay Uychiat, may balanse pa daw siya sa kanyang pinasukang ahensiya. “Nakapagbayad na ako ng Php 50,000 (HK$9,100) sa recruitment agency ko bago pa ako umalis ng Pilipinas,” aniya.

Nakatakas lamang si Uychiat mula sa kanyang mga amo noong Abril 25 habang nagbabakasyon ang mga ito. “Tinulungan ako ng Mission For Migrant Workers, at nasa pangangalaga nila ako ngayon,” sabi ni Uychiat na nagsampa rin ng kasong “common assault” sa Sham Shui Po Police Station.

Sa kasalukuyan, iniimbestigahan pa ng polisya ng Hong Kong ang kaso at hindi pa nakakasuhan ang kanyang amo.

Kaugnay ng kaso nanawagan si Connie Bragas-Regalado, tagapanglo ng Migrante Sectoral Partylist na gumawa ng agarang hakbang ang Hong Kong Labor Department at ang gobyerno ng Pilipinas.

“Malinaw na nilabag ng kanyang amo at ng kanyang ahensiya, ang Gracious Employment Agency Limited, ang Migrant Workers’ Act of 1995, ang ILO Convention on Domestic Work, at ang Hong Kong rules and regulations on Household Workers,” saad ni Bragas-Regalado. Naghahanda sila na dalhin sa Kongreso ang kaso ni Uychiat para magkaroon ng congressional inquiry.   

Nanawagan rin siya sa Overseas Workers Welfare Administration na bigyan ng kaukulang ayuda ang mga anak ni Uychiat.

“Magsisilbing inspirasyon sa lahat ng Pilipinong manggagawa sa ibayong dagat ang kanyang tapang upang lagi’t lagi ay ipaglaban ang kanilang karapatan, at manindigan sa lahat ng anyo ng inhustisya at makabagong pang-aalipin,” ani Regalado.

Samantala, nangako naman ag Department of Labor and Employement o Dole na iimbestigahan ang nasabing kaso ni Uychiat.