Pluma at Papel

Kolonyal at Elitistang Edukasyon


SAPAGKAT KINOPYA nang pira-piraso mula sa edukasyong Amerikano ang ating edukasyon gayong hindi naman katugma ang ating ekonomiya ng industriyalisadong ekonomiya ng Estados Unidos, hindi nito matugunan hanggang ngayon ang mga pangangailangan ng bansa tungo sa kaunlaran at, sa halip, naging instrumento pa ito ng pang-aaliping pangkaisipan. Higit pang masama, mga korporasyong multi-nasyonal at dayuhang […]

SAPAGKAT KINOPYA nang pira-piraso mula sa edukasyong Amerikano ang ating edukasyon gayong hindi naman katugma ang ating ekonomiya ng industriyalisadong ekonomiya ng Estados Unidos, hindi nito matugunan hanggang ngayon ang mga pangangailangan ng bansa tungo sa kaunlaran at, sa halip, naging instrumento pa ito ng pang-aaliping pangkaisipan. Higit pang masama, mga korporasyong multi-nasyonal at dayuhang mga interes ang nakikinabang lamang sa talino at lakas-paggawa ng mga nagsisipagtapos sa kolehiyo na hindi naman tinutumbasan ng makatarungang suweldo.

Natural, dahil mga Amerikano ang naggiit ng kasalukuyang edukasyong Pilipino, isinalaksak sa ating utak ang mga pagpapahalagang maka-Amerikano kaya dinadakila natin hindi lamang ang kanilang lahi, wika, kasaysayan at kultura kundi maging ang kanilang mga produkto.  Ikinadena pa ang pambansang liderato, pinanatiling tagahimod ng kuyukot ni Uncle Sam kaya sunud-sunuran sa dikta ng mga diyus-diyosan sa Washington — pampulitika man o pangkabuhayan o anumang mga patakarang pabor lamang sa makasariling interes ng Amerika.

Samantalang umunlad, at patuloy na umuunlad, ang maraming bansa sa daigdig — tulad ng Alemanya, Pransiya, Rusya, Tsina at Japan — hindi sa pamamagitan ng paggamit sa wikang Ingles sa kanilang edukasyon kundi ng kani-kanilang wika, banyagang wikang Ingles pa rin ang nangingibabaw sa ating edukasyon.  Umiiral tuloy, at isang malaking kahangalan, ang elitistang pananaw na “hindi edukado” at itinuturing nang bobo ang hindi mahusay sa lengguwahe ni Uncle Sam gayong ang sukatan ng katalinuhan ay wala sa wikang ginagamit kundi nasa laman ng isip.

Sa larangang pangkultura, ayon nga sa mananalaysay na si Stanley Karnow, lumikha tayo ng mga Pilipinong Elvis Presley, Frank Sinatra, Tom Jones o Michael Jackson, at iba pa.  Nagsulputan ang makabagong mga Donya Victorina ng Noli at Fili ni Rizal — nagpatangos ng ilong, nagpaputi ng kutis, nagpa-blonde ng buhok, nagpalaki ng suso at pabalbal na nagpipilit mag-Ingles kahit mga Pilipino ang kausap.  Kahit sa mga awitin at pelikula, malinaw na hinuhuwad natin ang kultura ng mga Yankee.

Sa halip na isulong ng walang gulugod na pambansang liderato ang siyensiya at teknolohiya tungo sa industriyalisasyon ng bansa, naiiwan tuloy ang Pilipinas sa larangang ito ng mga 50 taon kung ihahambing sa mauunlad na bansa sa Asya at mga 100 taon naman ng industriyalisadong mga bansa sa Kanluran.

Nakakainsulto tuloy na saranggola pa lamang ang kaya nating gawin gayong nagmamanupaktura na ng kanilang mga eroplano ang Tsina, Japan o Korea.  Rebentador lamang at dinamita ang nagagawa natin samantalang bomba atomika ang nalikha ng India.  May “ballistic missile” ang Hilagang Korea, ngunit tayo’y kuwitis pa rin magpahanggang ngayon na hindi pa sumasagitsit paitaas kung minsan.  Kung may “cosmonaut” at “astronaut” ang Rusya at Amerika na nakapaglalakbay sa kalawakan o nakararating sa buwan, mayroon daw naman tayong mga aswang at manananggal.  Samantalang gumagawa at nagbebenta ng mga sasakyan — bus man o kotse — ang Korea at Japan, tagapulot naman tayo ng basurang mga makina at piyesa ng sasakyan upang lagyan ng kaha at maging mga behikulong pamasada.

Kahit sagana ang bansa sa mina ng bakal at asero, hindi pa tayo makagawa ng simpleng pako o karayom at bumibili pa ng lagari, pait, katam at martilyo mula sa ibang mga bansa, o ng iba pang mga produktong puwede namang tayo na ang lumikha.

Ano nga ba ang naidulot sa bansa ng edukasyong Pilipinong kinopya nang pira-piraso sa edukasyong Amerikano?

Malinaw na pinatindi lamang ng edukasyong ito ang kaisipang kolonyal at elitistang pananaw, pinanatiling atrasado ang bansa, at naging pabrika lamang ang pangmayamang mga kolehiyo at unibersidad ng henerasyon ng mga lider na mandurugas, makadayuhan at may kaisipang-alipin, walang pambansang damdamin o malasakit para sa pambansang kapakanan.

Sabagay, gusto namang talaga ng mga bansang industriyalisado — lalo na ng Estados Unidos — na manatiling bitukang agrikultural lamang nila ang Pilipinas, huwag maging industriyalisado, upang palaging umasa sa importasyon at maging tambakan ng sobra nilang mga produkto, lason man o gamot o pagkain, punglo man o baril, eroplano man o tangke.

Kung hinahangad din lamang na umunlad ang bansa at makita kahit anino ng industriyalisasyon, makabubuti marahil na ituwid muna ang ating kasaysayang kolonyal at ganap na wasakin ang balangkas o sistema ng umiiral na edukasyon at lipunan.  Lubhang napapanahon na, sabi nga, na pagsumikapang isulong at pairalin ang isang edukasyong tunay na maka-Pilipino, makatao, makabayan at siyentipiko na makatutugon at angkop sa pambansang mga pangangailangan tungo sa tunay na kaunlaran, kalayaan at kasarinlan.