Librong ‘Hay, Naku! 2013’ ni Prop. Danilo Arao, ilulunsad sa Agosto 26


Sa okasyon ng selebrasyon ng Buwan ng Wika, ilulunsad ng isang guro at peryodista ang kanyang libro ng mga sanaysay na nakasulat sa wikang Filipino sa Agosto 26 (Martes), 2:00 ng hapon sa auditorium ng College of Mass Communication (CMC) Plaridel Hall sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman, Lungsod Quezon.Ang libro na may titulong Hay, […]

hay naku horizontal tarp-small

Prop. Danilo A. Arao
Prop. Danilo A. Arao

Sa okasyon ng selebrasyon ng Buwan ng Wika, ilulunsad ng isang guro at peryodista ang kanyang libro ng mga sanaysay na nakasulat sa wikang Filipino sa Agosto 26 (Martes), 2:00 ng hapon sa auditorium ng College of Mass Communication (CMC) Plaridel Hall sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman, Lungsod Quezon.

Ang libro na may titulong Hay, Naku! 2013: Pagsusuma ng Isang Peryodista ay sinulat ni Danilo Araña Arao. Ito ay koleksiyon ng mga sanaysay na sinulat niya para sa publikasyong Pinoy Weekly noong 2013. Ang mga artikulo ay nakapaloob sa 11 kabanata tungkol sa wika, propaganda, midya, kasaysayan, eleksiyon, batas, kultura, politika, edukasyon, trahedya at sama-samang pagkilos.

Ang libro ay inilimbag ng PinoyMedia Center (PMC) na naglilimbag din sa publikasyong Pinoy Weekly.

Ayon kay Prop. Jose Maria Sison, tagapangulo ng International League of Peoples Struggle (ILPS), si Arao ay may makabayan at progresibong pananaw. “Mainam na pinagsasama ni Propesor Arao ang paglalahad ng katotohanan at aktibismong patungo sa pundamental na pagbabago. Naging matibay na kasaysayan ang mga tinipon niyang lingguhang artikulo ng mapanuring pag-uulat.”

Sinabi naman ni Prop. Luis Teodoro, dating dekano ng UP CMC, na “Ang akdang ito ay nagpapatunay na ang guro at akademiko ay kailangang bumaba sa toreng garing at makisalamuha sa larangan ng pakikibakang politikal tungo sa kaunlaran.”

Pinuri naman ni Prop. Rogelio Ordoñez ng Kagawaran ng Filipinolohiya, Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) ang pagiging makabuluhan ng libro. “Sa kabuuan, isang testamento ng makauri, makabayan at progresibong peryodismo ang aklat na ito na marapat lamang na panuntunan ng mga nagmamahal sa katotohanan at sagradong kalayaan.”

Si Arao na kolumnista ng Pinoy Weekly ay katuwang na propesor ng peryodismo (assistant professor of journalism) sa UP CMC kung saan siya ay nagtatrabaho rin bilang kawaksing dekano (associate dean).

Ang Hay, Naku! 2013 ay ang kanyang ika-apat na libro ng sanaysay na nakasulat sa wikang Filipino. Ang tatlo pa niyang libro ay ang Kon(tra)teksto (DLSU Publishing House), Hay, Buhay! (UP Press) and Saysay ng Pagkakaugnay-ugnay (UST Publishing House). Inilimbag ang tatlong ito noong 2012.

Ang libro ay magkakaroon ng launch price na P175. Pagkatapos ng launch, ang libro ay ibebenta sa halagang P250. Para sa advance orders, kontakin ang PMC sa pinoymediacenterinc@gmail.com.

Ang author’s royalties para sa pagbebenta ng libro ay mapupunta sa pagpapagamot ni Lordei Hina, isang estudyante ng UP Diliman na naging biktima ng pananaksak sa loob ng kampus noong Pebrero 2012.