Karapatang Pantao Main Story

Ampatuan Massacre | ‘Aquino, dapat managot sa kawalang hustisya’


Limang taon nang walang hustisya ang mga biktima ng masaker sa Ampatuan, Maguindanao. Sampung taon na ring walang hustisya ang mga biktima ng masaker sa Hacienda Luisita. Apat na taon namang di pa napapanagot ang mga salarin sa masaker sa Kananga, Leyte. Ilan lamang ito sa maraming kaso na di pa nareresolba, ang mga biktima’y […]

Binansagan ng End Impunity Alliance si Noynoy Aquino bilang Impunity King sa paggunita ng grupo sa ika-limang taon ng Ampatuan masaker.<strong>Pher Pasion</strong>
Binansagan ng End Impunity Alliance si Noynoy Aquino bilang Impunity King sa paggunita ng grupo sa ika-limang taon ng Ampatuan masaker. Pher Pasion

Limang taon nang walang hustisya ang mga biktima ng masaker sa Ampatuan, Maguindanao. Sampung taon na ring walang hustisya ang mga biktima ng masaker sa Hacienda Luisita. Apat na taon namang di pa napapanagot ang mga salarin sa masaker sa Kananga, Leyte.

Ilan lamang ito sa maraming kaso na di pa nareresolba, ang mga biktima’y hindi pa nabibigyan ng hustisya. Para sa maraming grupong pangmidya at pangkaraptang pantao, sinasalamin ng mga kasong ito ang pagtindi ng impunity o kawalan ng pananagutan sa bansa sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Kaya nagtipon ang iba’t ibang organisasyon, akademiko, kaanak ng mga biktima, at mga mamamahayag sa ilalim ng End Impunity Alliance sa University of the Philippines-Diliman College of Mass Communication (UP-CMC) para ihayag ang kanilang mga panawagan para sa hustisya at pagwakas sa impunity.

Pinagpapanagot din nila ang kasalukuyang pangulo ng bansa, na anila’y matatawag na “Impunity King”.

Mensaheng hatid

Nasa ikalimang taon na sa Nobyembre 23 ang isa sa pinakamadugong pamamaslang sa mga mamahayag sa bansa–ang masaker sa Ampatuan, Maguindanao. Nasa 58 ang brutal na pinaslang kabilang ang 32 mamamahayag.

Tulad ng maraming kaso ng inhustisya, di pa rin nareresolba ito, ayon sa End Impunity Alliance.

Sadyang nakakabahala ang pag-usad ng kaso kung umuusad man ito, ayon sa grupo. Mahalaga ang panahon sa pag-usad ng kaso dahil habang tumatagal naging mas paborable ito para sa mga Ampatuan na suspek sa masaker.

“Mas humahaba ang kaso, mas pumapabor sa mga Ampatuan. Bakit? Napapakita nilang kaya nilang paglaruan ang mga korte. Napapakita nilang kaya nilang patayin ang witnesses,” ani Benjie Oliveros, tagapagsalita ng Altermidya, alyansa ng alternatibong at progresibong mga mamamahayag at alagad ng midya sa bansa.

Benjie Oliveros ng AlterMidya, alyansa ng mga alternatibong midya sa bansa habang ipinaliliwanag sa press conference kaugnay ng nalalapit na ika-5 taon ng Ampatuan masaker.<strong>Pher Pasion</strong>
Ipinaliwanag ni Benjie Oliveros ng Altermidya, alyansa ng mga alternatibong midya sa bansa, ang mga aktibidad na gaganapin para gunitain ang ikalimang taon ng Ampatuan masaker. Pher Pasion

Habang tumatagal, lalong kakabahan ang witnesses, lalong madidismaya ang mga pamilya ng biktima, at mawawala ang interes ng publiko. Kapag nawala ang interes ng publiko mas magiging madali sa mga suspek na iareglo ang kaso at madaling matatakot ang kaanak, dagdag ni Oliveros.

“Kung yung pumatay ng 58 at 32 journalists napaglalaruan yung korte, ano pa kaya yung si mayor, si governor na pumatay ng dalawa, isa? Yung 58 napatay nila in broad day light nakalusot, ano pa kaya yung isa lang, dalawa lang?” ayon kay Oliveros.

Ayon kay Prop. Luis Teodoro, dating dekano ng UPCMC at batikang mamamahayag, napakalaking kaso ang masaker sa Ampatuan at ang kakalabasan ng kaso ay magdedetermina kung magpapatuloy ang impunity o kung ito’y mababawasan.

“Ngayon hindi natin alam kung anong nangyayari sa trial kasi mula pa noong Agosto (4) hindi na makapasok ang midya para mag-cover ng trial,” ayon kay Teodoro.

Duda ang mga mamamahayag na maaaring may mahahalagang impormasyon umano na dapat malaman ng publiko pero hindi nailalabas dahil sa pagbawal sa media coverage sa mga pagdinig ng korte.

Pagpapatuloy ng pamamaslang

Pinasinungalingan naman ni Teodoro ang sinasabi ni Aquino sa Brussels, Belguim noong Setyembre na hindi pinaslang ang mga mamamahayag sa Pilipinas dahil sa kanilang trabaho.

Sa isang press conference sa Brussels, tinanong si Aquino hinggil sa pamamaslang sa mga mamamahayag. Ayon kay Aquino, “In the media killings, some who used to work in media died. Did they die because they were investigative journalists? Were they exercising their profession in a responsible manner, living up to journalistic ethics? Or did they perish because of other reasons?”

Mula nang manungkulan si Aquino noong 2010, nasa 25 mamamahayag na ang pinaslang at apat sa mga ito ang nangyari sa taong ito.

“Ang mga napatay na ito’y pinatay dahil sila ay mga mamamahayag. Hindi sila napatay dahil sa involve sila sa love triangle o kaya ay involve sila sa land disputes or whatever na ini-imply ni Aquino sa kanyang statement,” ayon kay Teodoro.

Luis Teodoro, dating dekano ng University of the Philippines-College of Mass Communication. <strong>Pher Pasion</strong>
Luis Teodoro, dating dekano ng University of the Philippines-College of Mass Communication. Pher Pasion

Ayon kay Dr. Roland Tolentino, dekano ng UPCMC, malaki ang epekto ng patuloy ng kawalang hustisya sa bansa maging sa akademya. Naitala sa kanilang kolehiyo ang paglipat ng mga mag-aaral mula sa journalism dahil sa panganib ng propesyon.

“Bahagi ito ng chilling effect din na patuloy na nagaganap sa kawalang katarungan dito sa Ampatuan masaker. At nagpapatuloy din na nagpapatuloy sa impunity. ‘Yung brazenness na walang napaparusahan. Walang takot ang nagpapalaganap ng karahasan,” ayon kay Tolentino.

Tumatagos din ang pag-atake sa kalayaan sa pamamahayag sa mga publikasyong pangkampus, ayon kay Charina Claustro, chairperson ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) – Metro Manila.

Sa datos na nakalap ng CEGP nasa 400 kaso ang kanilang naidokumento kabilang ang pagsampa ng kasong libelo, censorship, administration intervention, hindi paglalabas ng pondo, red-tagging at militarisasyon.

Ngayong Nobyembre 21 ang ika-35 kaarawan ni Benjaline Hernandez, mamamahayag pangkampus na pinaslang sa Arakan Valley noong Abril 2002.

Hanggang ngayon, wala pa ring pag-usad sa kaso ni Hernandez at iba pa niyang kasamhan na napaslang sa kamay ng mga paramilitar.

Hindi lamang ang Ampatuan masaker ang binigyan-diin ng grupo. Kanila ring itinuturing na bahagi ng impunity ang kawalang katarungan sa Hacienda Luisita masaker (na isang dekada na sa Nobyembre 16), ang pagpaslang kay Dr. Leonard Co at dalawa pa niyang kasamahan (noong Nobyembre 15, 2010), kabilang din ang ika-40 araw na pagkamatay ni Jennifer Laude (sa Nobyembre 20).

Pagpapanagot kay Aquino

Tinagurian nilang “Impunity King” si Aquino para bigyan-diin na may pangunahing responsabilidad ang Pangulo sa paglaganap ng impunity, ayon kay Prop. Danilo Arao, mamamahayag at convener ng End Impunity Alliance.

“Alam naman natin na ang problema sa lipunan ay systemic. Pero ang mukha ng impunity ay ang pangulo at ang demonyo. Ipinapakita natin kung ano ang simbolo ng isang abstraktong konsepto ng impunity at ito ay ang Pangulong Aquino,” ayon kay Arao.

Aniya, hindi maaari na lagi na lamang sisisihin ni Aquino ang nakaraang administrasyon sa masaker sa Ampatuan. Bagamat nangyari ito bago ang termino ni Aquino, nagpapatuloy pa rin ang kawalang hustisya para sa 58 biktima dahil sa mabagal na pag-usad ng kaso.

Magsasagawa ng serye ng mga protesta ang End Impunity Alliance sa Nobyembre 21 sa Unibersidad ng Pilipinas at makikiisa sa Million Candle Protest sa People Power Monument sa Nobyembre 23.