Magsasaka Main Story

#HLMX | Nagpapatuloy ang laban sa #HaciendaLuisita


[cycloneslider id=”hlmx”] Sampung taon na ang nakaraan, pero batid nilang mahaba pa ang laban para makamit ang tunay na hustisya at reporma sa lupa. Ito ang mensahe ng paggunita ng mga mamamayan ng Hacienda Luisita at mga tagasuporta nila ang ika-10 taong anibersaryo ng masaker noong Nobyembre 16, 2004. Noong araw na iyon, pitong welgista […]

[cycloneslider id=”hlmx”]
Mga mamamayan ng asyenda na dumalo sa Solidarity Night at konsiyerto para sa paggunita sa masaker na ginawa sa Brgy. Balete noong Nob. 15. <strong>KR Guda</strong>
IKLIK PARA LUMAKI. Mga mamamayan ng asyenda na dumalo sa Solidarity Night at konsiyerto para sa paggunita sa masaker na ginawa sa Brgy. Balete noong Nob. 15. KR Guda

Sampung taon na ang nakaraan, pero batid nilang mahaba pa ang laban para makamit ang tunay na hustisya at reporma sa lupa.

Ito ang mensahe ng paggunita ng mga mamamayan ng Hacienda Luisita at mga tagasuporta nila ang ika-10 taong anibersaryo ng masaker noong Nobyembre 16, 2004. Noong araw na iyon, pitong welgista ang napaslang.

Naging hudyat ang pangyayaring ito ng tuluy-tuloy na panunupil ng pamilyang Cojuangco-Aquino hanggang ngayon.

“Masakit pa rin, dahil hanggang ngayo’y wala pa ring hustisya. Siya lang ang nag-iisa kong (anak na) lalaki. Siya nga lang sana ang inaasahan ko hanggang pagtanda. Wala kaming kaagapay kundi lamang sana siya,” kuwento ni Violeta Basilio, 47, tungkol sa anak niyang si Jhaivie Basilio na isa sa pitong pinaslang sa masaker.

Pangalawa sa apat na magkakapatid si Jhaivie na 20 taong gulang nang mapatay. Ulila na rin sa ama si Jhaivie na nasawi limang buwan bago ang masaker.

Kasama ni Violeta ang mga kapwa kaanak ng mga biktima, gayundin ang daan-daang residente at tagasuporta ng laban ng mga magsasaka. Panawagan nila, muling-buksan ng awtoridad ang kaso laban sa pamilyang Cojuangco-Aquino, na gumamit ng dahas ng estado para supilin ang lehitimong welga ng noo’y mga manggagawang bukid at manggagawa sa tubuhan at asukarera.

Martsa ng mga mamamayan ng Asyenda Luisita sa barangay Balete. Kinukuhanan sila ng mga litrato at/o video ng mga guwardiya sa binakurang bahagi ng barangay habang nagdaraan. Isa itong porma ng panghaharass sa kanilang hanay.Pher Pasion
Martsa ng mga mamamayan ng Luisita sa Barangay Balete. Kinukuhanan sila ng mga litrato at/o video ng mga guwardiya sa binakurang bahagi ng barangay habang nagdaraan. Pher Pasion

Dapat managot

“Sampung taon na, hanggang ngayo’y wala pa ring hustisya. Nakaluklok ngayon (si Presidente) Aquino (na) berdugo. Dapat siyang patalsikin at pagbayarin,” ayon kay Florida Sibayan, tumatayong tagapangulo ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Asyenda Luisita o Ambala.

Sinabi naman ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, ang isyu ng Hacienda Luisita ay hindi lamang isyu ng hustisya para sa mga biktima ng masaker. Ang isyu rin dito’y di pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo na hangad ng lahat ng magsasaka.

“Sinungaling si Aquino kapag sinasabi niyang may hustisya, may katarungan dito sa Pilipinas. Ano ang pruweba ng kanyang kasinungalingan? Hacienda Luisita. Kaya sinungaling si Aquino kapag sinasabi niyang umuunlad ang bansa natin sa ilalim ng kanyang administrasyon. Ano ang patunay sa kaniyang kasinungalingan? Hacienda Luisita,” ayon kay Colmenares.

Para naman kay Randall Echanis, deputy secretary general ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura o UMA, larawan ang Luisita ng nabubulok na sistema ng lipunan. Ang naabutan na masaker ay bahagi lamang ng mahigit kalahating siglo ng pagsasamantala sa mga mamamayan sa kamay ng mga panginoong maylupa at burgesya komprador tulad ng pamilyang Cojuangco-Aquino.

“Ang pasismo’y isang patakaran, isang sistemang iniluluwal ng kasalukuyang lipunan natin. Ang kongkretong halimbawa nito itong masaker sa Hacienda Luisita. At hindi rito natatapos ang pamamaslang. Patakaran ng mga panginoong maylupa at rehimen ang pamamaslang dito,” ayon kay Echanis.

Dagdag niya, nagpapatuloy ang mahaba at marahas na sistema ng piyudalismo sa bansa. Pinapanatili nito na atrasado ang agrikultural na ekonomiya ng bansa para pagkunan ng hilaw na mga materyales ng imperyalistang mga bansa.

Kaya mananatiling mahirap ay dahil monopolyado ng iilan ang agrikultural na mga lupa, at busabos ang kalagayan ng mga magsasaka hindi lamang sa Luisita kundi maging sa iba pang lupain sa bansa, aniya.

Binakuran ng RCBC at Tarlac Development Corp. ang mga lupain sa Asyenda Luisita na hindi daw kasama sa desisyon ng Korte Suprema. Sinira ang mga pananim ng mga magsasaka ng sila ay paalisin sa binubungkal nilang lupa.Pher Pasion
Binakuran ng RCBC at Tarlac Development Corp. ang mga lupain sa Hacienda Luisita na hindi raw kasama sa desisyon ng Korte Suprema. Sinira ang mga pananim ng mga magsasaka nang sila ay paalisin sa binubungkal nilang lupa. Pher Pasion

Tuloy ang karahasan

Hindi lang kawalang hustisya ang kanilang panawagan sa anibersaryo ng masaker.

Sigaw din ng mga mamamayan ng asyenda ang pagtigil sa harassment sa kanilang hanay at panlilinlang sa mga mamamayan ng  pinagsamang puwersa ng mga guwardiya, pulisya, militar, at maging private armies umano ng pamilyang Cojuangco-Aquino.

“Disyembre 21 (2013) paskung-pasko, ako primaryang tinira nila. Binuldoser nila ang mga tanim ko. Pati mga alaga kong hayop. Marami, pati yung tinda kong saging kinain nila. Yung kubo ko sinunog nila,” ayon kay Raymundo Alkalde, 60, mula sa barangay Balete.

Hindi binibitiwan ng pamilyang Cojuangco-Aquino ang kontrol sa Luisita sa kabila ng pinal na desisyon ng Korte Suprema noong 2012 na pabor sa mga magsasaka na ipamahagi sa kanila ang lupa.

Nitong huling mga taon, binakuran ang ilang bahagi ng asyenda na hindi raw kasama sa desisyon ng Korte Suprema. Inaangkin ngayon ang mga bahaging ito ng RCBC at Tarlac Development Corp., kompanyang kontrolado ng pamilyang Cojuangco-Aquino.

“Sinira ‘yung palay ko na kulang isang ektarya. Pinangutang ko lang iyon ng P20,000. Hanggang ngayon binabayaran ko pa,” ayon kay Alfredo Quirante, 59, mula sa barangay Cut-Cut II. Kasama umanong sinira ang kaniyang poso at iba pang pananim gaya ng papaya.

Ayon naman kay Sibayan, nagpapatuloy ang mga pananakot at paniniktik ng mga ahente ng militar sa mga barangay para kilalanin at takutin ang mga mamamayan na lumalaban.

“Patuloy na umiikot ang mga nakasibilyan na mga militar, pulis, at mga intelligence kahit hanggang ala-una ng madaling araw. Nung huli, mga naka-jacket, mga bata pa, mga nakapang-combat,” ayon kay Sibayan.

Bukod pa rito, nakatanggap din si Sibayan ng death threats sa kanyang cellphone na nagsasabing pupulutin na lang daw ang ulo niya sa daan. Sinubukan na rin siyang suhulan ng P1 Milyon pero tinanggihan umano niya ang nagpakilalang “Atty. Diaz” ng RCBC.

“Yung isang milyon (piso) makakapagpatayo ka ng bahay, makakabili ka ng gamit, makakain ka ng masarap. Pero ‘yung pagtingin at tiwala na ibinibigay sa iyo ng mga tao, hindi mo na maibabalik iyo,” ayon kay Sibayan.

Imbes na pisikal na ipamahagi ang lupa sa mga magsasaka ng asyenda, idinaan ito sa “tambiolo.” Sa ganitong paraan, binubunot ang mga lupang ipamamahagi umano sa mga magsasaka. Pero mapanlinlang ito, ayon sa UMA.

Dito pawang mga kopya o photo copy lamang ng mga titulo ng lupa ang natanggap nila, at kanila pang babayaran ito bago tuluyang ibigay ang lupa.

Kaya naman marami sa mga mamamayan ang hindi lumahok dito. Habang ang iba naman, napilitang ibenta o isangla dahil sa walang perang ipambabayad.

Wala pa ring hustisya

Tinayo ng United Luisita Workers Union (ULWU) noong Nobyembre 6, 2004 ang piketline sa Gate 1 ng Central Azucarera De Tarlac matapos ang mabigo ang negosasyon sa management. Kalauna’y nakiisa sa welga ang mga miyembro ng Central Azucarera de Tarlac Labor Union (Catlu).

Ilang beses silang dinahas pero nanatiling matibay ang pagkakaisa ng mga welgista. Noong Nobyembre 16, 2004, matapos matagumpay na depensahan ng mga welgista ang kanilang piketlayn, pinaulanan ng bala ang welga.

Matapos ang sampung taon, wala pa ring napaparusahan sa pagpaslang sa pitong magsasaka nang pagbabarilin sa sila sa kanilang piketline. Tinangka silang buwagin ng pinagsamang puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa bisa ng Assumption of Jurisdiction ng Department of Labor and Employment.

Nauna nang itinanggi noon ng PNP na sa kanila nanggaling ang mga putok. Kanilang itinuro ang mga welgista na may kasalanan daw sa masaker.

Maliban sa pitong napatay, daan-daan naman ang mga sugatan at inaresto noong araw na iyon.

Nagpatuloy ang pamamaslang sa mga lider at tagasuporta ng welga ng mga manggagawa at manggagawang bukid para sa dagdag na sahod, dagdag na benepisyo, dagdag na araw nang paggawa, at pagbabalik sa mga tinanggal na mga opisyal ng unyon.

Kabilang sa mga pinaslang sina Abel Ladera, konsehal ng Tarlac City, Marcelino Beltran, Florante Collantes ng Bayan Muna-Tarlac, at Ricardo Ramos presidente ng CATLU at kapitan ng barangay Mapalacsio. Pinaslang din sa sumunod na mga buwan sina Fr. William Tadena, at Obispo Alberto Ramento, kapwa mula sa Iglesia Filipina Independiente na mahigpit na suporta sa welga.

Sa kasalukuyan, pinatunayan naman ng desisyon ng Korte Suprema na dapat ipamahagi na ang lupa sa mga magsasaka ng Luisita. Ibig sabihin, ang mga manggagawa at manggagawa bukid na dapat ang nagmamay-ari ng lupain.

Florida Sibayan, opisyal ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Asyenda Luisita o Ambala sa kaniyang talumpati sa mismong lugar na pinangyarihan ng masaker.Pher Pasion
Florida Sibayan, opisyal ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Asyenda Luisita o Ambala sa kaniyang talumpati sa mismong lugar na pinangyarihan ng masaker. Pher Pasion

Pagpapatuloy ng laban

“Alam natin na ang paghinto ng tibok ng puso ng ating mga martir sa Asyenda Luisita ay kasabay ng pagkakamulat ng mga mamamayan sa tunay na adhikain ng mga adhikain ng mga panginoong maylupa at tuluyang ipagkait ang lupa,” ani Emy Ladera-Facunla, kagawad sa Tarlac City at kapatid ng pinaslang na dating kagawad na si Abel Ladera.

Sinabi naman ni Isagani Pastidio, 32, anak ni Jaime Pastidio na isa sa mga nasawi sa masaker, ipagpapatuloy niya ang laban na iniwan ng kanyang ama. Maging ang kaniyang mga kapatid at mga anak, nakahandang ipagpatuloy ito, sabi pa niya.

“Dinibdib ng tatay ko ang pagsama dito, kaya maging ako didibdibin ko rin ang pagsali rito. Itutuloy ko pa rin ang kanyang laban,” ayon kay Isagani.

Artikulo ni Pher Pasion | Larawan nina Pher Pasion at KR Guda

(Basahin ang artikulo hinggil sa mga paglabang kinakaharap ng mga mamamayan ng asyenda ngayon.)

(Basahin kung paano nangyari ang masaker 10 taon na ang nakaraan.)

(Para sa iba pang larawan at bidyo ng paggunita sa 10 taon ng masaker, puntahan ang espesyal na PW page hinggil dito.)