Kababaihan Main Story

Karahasan sa kababaihan, tumitindi


Nagpahayag ng  pagka-alarma at galit ang grupong pangkakababaihan sa dumadaming kaso ng karahasan sa kababaihan. Sa isang press conference, sinabi ng Gabriela na bukod sa pagtaas ng bilang ng mga kaso ng panggagahasa, parami nang parami ang nabibiktimang mga menor-de-edad. Sa datos ng Philippine National Police (PNP), tumaas ang bilang ng kaso ng panggagahasa mula […]

Macky Macaspac
Si “Sienna”  panibagong biktima na dumulog sa grupong Gabriela.  Sa kanyang kuwento, ginahasa daw siya ng tatlong sundalo sa kanilang lugar sa Occidental Mindoro.  Macky Macaspac

Nagpahayag ng  pagka-alarma at galit ang grupong pangkakababaihan sa dumadaming kaso ng karahasan sa kababaihan. Sa isang press conference, sinabi ng Gabriela na bukod sa pagtaas ng bilang ng mga kaso ng panggagahasa, parami nang parami ang nabibiktimang mga menor-de-edad.

Sa datos ng Philippine National Police (PNP), tumaas ang bilang ng kaso ng panggagahasa mula 5,180 noong 2012, tumaas ito ng 6,432  noong 2013.  “Malamang na mas mataas pa ngayong 2014,” ani Obeth Montes, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Gabriela at isang pyschologist.

Sa naturang press conference, iniharap ng grupo ang isang 17-anyos na si Sienna na diumano’y ginahasa ng tatlong sundalong  nakadestino sa Palauan, Occidental Mindoro.

Sa kuwento ni Susan, ina ni Sienna, noong 2013 pa nangyari ang panggagahasa kay Sienna ng tatlong sundalo.  “Noong Mayo 9, 2013, pumunta kami sa isang kasiyahan sa aming lugar. Gabi at maraming tao noon. Nalingat ako at bigla na lang nawala si Sienna,”  ani Susan.

Makalipas daw ang dalawang oras na hindi niya makita ang anak. Nagpasya siyang umuwi at inabutan sa loob ng kanilang bahay ang kanyang anak at tatlong sundalo.

“Pagsindi ko po ng gasera, nandoon po ang tatlong sundalo at ang anak ko na umiiyak.  Isa sa mga sundalo ang kumaripas ng takbo, yung dalawa nangatwiran na tinatanong lang daw nila ang anak ko kung sino ang mga kasama niyang mga kabataan,” aniya.

Ang pinagtatakhan ni Susan, kung tinatanong lang ng mga sundalo si Siena, bakit daw patay ang ilaw at takot na takot na umiiyak ang anak niya.

“Namukhaan ko po sila. Alam ko na sundalo sila dahil may mga baril at nakauniporme sila.  Sila rin ang nakadestino sa lugar namin,” sabi ni Susan.

Ayon sa Gabriela, hindi nakapagsampa ng reklamo ang biktima dahil ilang araw matapos ang pangyayari, nawala sa sariling pag-iisip si Sienna at kailangang madala sa ospital para ipagamot.

Sa pagtatanong ni Susan sa anak bago ito mawala sa sarili, napag-alaman niyang hindi lang isang beses ginahasa si Sienna. Ginahasa rin daw ang bata ng isa sa tatlong sundalo noong Disyembre 2012.

Pansamantalang hindi isiniwalat ng grupo ang identidad ng tatlong sundalo at kanilang yunit na kinabibilangan, habang isinasaayos ang kasong isasampa laban sa mga ito.

“Sa ngayon inaayos pa namin ang kasong isasampa, dahil nga sa hindi makapagsalita ang biktima. Noong isang linggo lamang siya nakalabas ng ospital,” paliwanag ni Montes. Sinabi niyang psychosis ang dahilan ng pagkaospital ni Sienna at dalawang beses na rin itong nanatili sa isang pribadong ospital.

Kawalang pananagutan

Macky Macaspac
Naaalaram ang Gabriela sa dumadaming pang-aabuso ng mga alagad ng batas.  Macky Macaspac

Ayon kay Montes, marami sa mga kasong naiuulat sa kanila’y ang sangkot ang mga alagad ng batas, mula sa kaso ng domestic violence hanggang sa panggagahasa.

Sa  datos ng grupo, mula 2010 hanggang ikatlong kuwarto ng 2014, nakapagtala ng 42 kaso ang PNP, 20 ang Armed Forces of the Philippines (AFP), 14 ang mga opisyal ng Local Government Units, 13 naman ang mga pulitiko, 9 ang tropa ng Amerikano at 2 naman   ang kaso ng Presidential Security Group (PSG).

“Kung mismong ang mga miyembro ng mga institusyon ng gobyerno na nakatalagang magbantay sa kapakanan ng mga mamamayan ang gumawa ng kahalayan sa mga batang ito, paano pa natin maaasahan ang Estado na magsawata sa ganitong karahasan, lalo na ang pagbigay ng hustisya sa mga biktima?” tanong ni Montes.

Dagdag ng grupo, sa kada 30 minuto daw, may mga babaing dinadahas at kada isa’t kalahating oras mayroon namang ginagahasa. “Karamihan dito, mga bata,” sabi ni Montes.

Sinabi naman ni Monique Wilson, global director ng One Billion Rising, ng nakakadismaya na tila normal na mga balita na lang ang karahasan sa kababaihan.

“Ang impunity (violence against women) ay nagiging endemic at state perpetrated pa ngayon. Ang nangyayari at naririnig natin, nagiging normal na ang  karahasan sa kababihan,” aniya.  Panawagan ni Wilson na gawing prayoridad ng gobyerno ang pagsawata sa karahasan sa bata at kababihan.

Political will ang kailangan sa pagsugpo sa karahasan,”aniya.

Sinabi naman ng Gabriela Women’s Party-list na magpapasa ito ng resolusyon sa Kamara na mag-aamyenda sa Anti-Rape Law.

Paliwanag ni Lana Linaban, pangalawang tagapangulo ng naturang partido, na itutuon daw ng panukalang amyenda na mabigyan ng mas mabigat na parusa ang mga alagad ng batas kasama na ang iba pa na may posisyon o katungkulan sa gobyerno na mahaharap sa kasong panggagahasa.

May hiwalay na panukalang batas din sa Senado na nag-aamyenda sa Anti-Rape Law.

Pagpawi sa karahasan

Nakatakdang gunitain ng mga grupong pangkababaihan ang International Day for the Elimination of Violence against Women sa Martes, Nobyermbre 25.

Nakatakda rin ang promulgasyon ng Regional Trial Court Branch 15 ng Manila sa kasong isinampa ni “Rose” laban sa isang miyembro ng Presidential Security Group (PSG, yunit-militar na nangangalaga sa seguridad ng Pangulo) tatlong taon na ang nakakaraan.

Sa kabila ng makapangyarihang kalaban sa kaso, umaasa si Rose na papabor sa kanya ang desisyon ng korte.

“Umayon sana sa amin ang batas, dahil kami naman ang tama,” sabi ni Rose.

Bagamat malaki ang pasasalamat niya sa mga grupong tumulong sa kanya tulad ng Gabriela para umusad ang kaso, nalulungkot daw siya dahil nagpapatuloy ang karahasan sa kababaihan, lalo na sa mga batang tulad ni Sienna.

Labinlimang taon lamang si Rose nang gahasain daw siya ng isang PSG at dalawang opisyal ng barangay sa Manila.

“Nauulit nang nauulit sa iba ang nangyari sa akin. Sana sa mga awtoridad, tumulong sila at huwag pagtakpan ang mga nasa gobyernong gumagawa ng kahalayan, para matapos na rin ang karahasan sa kababihan,” ani Rose.

Bukod sa promulgasyon ng kaso ni Rose, nakatakda rin ang pangalawang oral argument ng Korte Suprema sa petisyong inihain ng iba’t ibang grupo hinggil sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Ayon sa Gabriela, malinaw na halimbawa na makaisang panig at pumapabor lamang sa tropang Amerikano ang nangyari kay Jennifer Laude, isang transgender na pinaghihinalaang pinatay  ni US Marine Joseph Scott Pemberton.

Nasa kustodiya pa rin ng Estados Unidos sa loob ng Kampo Aguinaldo sa Quezon City si Pemberton.