Istorya ng Linggo Main Story Pambansang Isyu

Kumusta ang mga biktima ng Yolanda?


Bago dumating ang huling tag-ulan, nagmadaling kinumpuni ng mag-asawang Maricel at Nelson Alambra ang kanilang munting tahanan sa Sityo Rizal, Barangay Bulao, Basey, Samar. Hindi pa maalis sa kanila ang takot. Bawat paglakas ng hangin, bawat tagaktak ng ulan, tila ibinabalik sila sa alaala ng Nobyembre 8, 2013—nang bisitahin ang Eastern Visayas at buong bansa […]

Uhaw at gutom ang inabot ng milyun-milyong Pilipino noong unang buwan matapos ang bagyong Yolanda. Nagpapatuloy ang matinding desperasyon ng mga naging biktima, isang taon matapos ang kalamidad. Tudla Productions
Uhaw at gutom ang inabot ng milyun-milyong Pilipino noong unang buwan matapos ang bagyong Yolanda. Nagpapatuloy ang matinding desperasyon ng mga naging biktima, isang taon matapos ang kalamidad. Tudla Productions

Bago dumating ang huling tag-ulan, nagmadaling kinumpuni ng mag-asawang Maricel at Nelson Alambra ang kanilang munting tahanan sa Sityo Rizal, Barangay Bulao, Basey, Samar. Hindi pa maalis sa kanila ang takot. Bawat paglakas ng hangin, bawat tagaktak ng ulan, tila ibinabalik sila sa alaala ng Nobyembre 8, 2013—nang bisitahin ang Eastern Visayas at buong bansa ng pinakamalupit na bagyo sa kasaysayan.

Ito ang bagyong Yolanda.

Nagpapatuloy ang takot. Parang kahapon lang para sa mga magsasakang sina Maricel at Nelson nang ragasain ng malakas na daloy ng tubig ang kanilang bahay. Tulad ng milyun-milyong mamamayan sa Samar, Leyte, Cebu at iba pang probinsiya, tinangay ng tubig at malakas na hangin ang kanilang mga gamit. Ang mga kapitbahay nila, hindi lang gamit, kundi buhay ang tinangay. Libu-libong buhay.

Hindi nawawala ang takot, dahil di nila magawang umasa na di na mauulit ang katulad na kalamidad sa hinaharap. Hanggang ngayon, hirap pa ring makabangon ang mga mamamayan ng Eastern Visayas.

“Gutom ang sinasapit namin. Bago ang bagyo, tatlong beses isang araw pa kaming nakakakain ng kanin. Ngayon, isa hanggang dalawang beses na lang,” sabi ni Maricel. Noong unang mga buwan, sira ang root crops na sana’y panghalili nila sa kanin. “Katumbas sana sa dalawang buwang konsumo ang apat na sakong palay na nasira ng bagyo.”

Inamin mismo ni Cecilia Alba ng Housing and Urban Development Coordinating Council na di pa aabot sa isang porsiyento ng mga pamilya sa Eastern Visayas na nasira ang tahanan ang nabigyan ng gobyerno ng permanenteng tirahan.

Sa kabila ito ng pagbuhos ng tulong ng maraming gobyerno at organisasyon mula sa iba’t ibang bansa sa daigdig.

Di maramdaman

Kasama ang ama ni Maricel na si Tatay Elias at 7-anyos na anak na si Mark, kinumpuni ng mag-asawa ang bahay.Wala na silang maasahan sa gobyerno.

Iniulat ni Alba sa isang porum kamakailan na 142 kabahayan lang ang nagawa ng gobyerno para sa 250,000 pamilyang biktima ng Yolanda na nangangailangan ng permanenteng bahay. Karamihan sa 142 na nabiyayaan ng bahay, matatagpuan lang sa Tacloban City at Tanauan, Leyte.

Bukod dito, may 3.4 milyong pamilya (o 16.1 milyong indibidwal) sa siyam na rehiyon ng bansa ang naapektuhan ng Yolanda. Nasa 891,000 pamilya ang lumikas. Di-bababa sa 6,300 ang patay. Umabot sa 1,300 katao pa ang nawawala (at pinagpapalagay na nasawi na) at 28,700 ang nasaktan.

Sa Post-Disaster Needs Assessment ng gobyerno, aabot sa P104.6 Bilyon ang kailangan para maibangon ang apat na rehiyon, 11 probinsiya at Tacloban City.

Samantala, ayon sa Foreign Aid Transparency Hub (FaiTH) ng gobyerno, umabot na sa P34.1 Bilyon ang foreign pledges na pumasok dito. P11-B dito ay cash, at P23-B ay non-cash. Samantala, tinatayang nasa P65-B naman ang nakuha ng administrasyon mula sa 2013 at 2014 pambansang badyet. Maliban dito, sinabi ng Joint Committee on Public Expenditures ng Kongreso na “hanggang P100-B” pa nga ang nailaan nito para sa mga biktima ng Yolanda. Tinatayang may P46-Milyon naman mula sa pribadong sektor ang pumasok sa Office of the Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery (Oparr).

Sa madaling salita, sapat na sana ang pondo ng gobyerno para sa mga biktima. Pero di ito naramdaman ng mga biktima.

Batbat ng eskandalo ang pamamahagi ng relief goods ng Department of Social Welfare and Development: mula sa pagkabulok hanggang sa korupsiyon. Noong Setyembre, inamin ng DSWD na 7,527 Family Food Packs na nagkakahalagang P2.8-M para sa mga biktima ng Yolanda ang nabulok.

Mula sa datos na nakalap ng IBON Foundation
Mula sa datos na nakalap ng IBON Foundation

Nagpapalala

Sa pag-aaral ng Ibon Foundation, itinuturo rin nito ang ilan pang problema na nagpasahol sa kalagayan ng mga biktima. Kabilang dito ang sumusunod:

(1) ‘Nakompromisong relief efforts’. Naging pulitikal ang pagtugon ng gobyerno: Sadyang di-tinulungan ng pambansang gobyerno ang lokal na pamahalaan, halimbawa ng Tacloban City, dahil nasa oposisyon ang mga Romualdez na nasa liderato ng lungsod. Bukod pa rito, matindi ang militarisasyon at pagsagawa ng mga operasyong militar, samantalang nagdeklara naman ng ceasefire ang rebolusyonaryong kilusan;

(2) May pagkiling sa malalaking negosyo ang planong rehabilitasyon ng gobyerno. “Mas umaasa tayo ngayon sa pribadong sektor,” sabi ni Panfilo Lacson, rehabilitation czar, noong Enero. “Itutulak natin ang mga effort sa pinili nilang lugar. Pupunan na lang (ng gobyerno) ang mga puwang at pipigilan ang overlaps sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga isponsor na sektor.”

Ito umano ang nasa likod ng ‘no-build zone’ at ‘no-dwelling zone’ na mga polisiya, o pagbawal sa ilang mga lugar tulad ng karatig-dagat na tayuan muli ng bahay matapos ang bagyo. Kapansin-pansin ang pagtayo ng komersiyal na mga gusali at negosyo sa mga lugar na ito sa Tacloban at iba pang lugar.

(3) Nagpalala rin ang “oportunismo” ng US Armed Forces na nagpamukha sa mundo na tumutulong sila, kahit na napakalimitado lang sa mga naabot nito sa Tacloban City matapos ang bagyo. Sa public relations campaign nito hanggang tatlong linggo matapos ang Yolanda, gumastos ito ng US$52-M sa relief. Pero naging dahilan ito para magpakat ng 1,000 tropang Kano.

Ito ngayon ang madalas na idinadahilan ng administrasyong Aquino at US Armed Forces para sa military exercises at Enhanced Defense Cooperation Agreement.

Kampanyang #DearPope ng People Surge. Hiling ng mga survivor na maipaabot sa Santo Papa ang tunay na kalagayan nila ngayon. Nakatakdang bumisita sa Eastern Visayas si Pope Francis sa Enero 2015. Max Santiago/Manila Today
Kampanyang #DearPope ng People Surge. Hiling ng mga survivor na maipaabot sa Santo Papa ang tunay na kalagayan nila ngayon. Nakatakdang bumisita sa Eastern Visayas si Pope Francis sa Enero 2015. Max Santiago/Manila Today

Dapa sa hirap

Bakit hirap ang mga mamamayan ng Eastern Visayas na makabangon mula sa Yolanda?

Dahil nasa krisis ang “normal” nilang buhay. Bago pa man dumating ang Yolanda, isa na sa pinakamahirap na rehiyon ng bansa ang Eastern Visayas. Ang rehiyong ito ang may pangalawa sa pinakamatinding kahirapan (poverty incidence) sa bansa. Samantala, ang mga probinsiya ng Cebu, Leyte at Iloilo ay nasa Top 10 probinsiya ng bansa na may pinakamaraming bilang ng mahihirap na kabahayan.

Ang mga probinsiyang Eastern Samar at Northern Samar na apektado rin ng Yolanda, pasok sa Top 10 probinsiya sa bansa na may pinakamalaking proportion ng mahihirap na kabahayan. Itinuturing naman ang Northern Samar, Iloilo, Leyte at Southern Leyte sa mga probinsiyang bulnerable sa iba’t ibang klaseng kalamidad at sakuna.

Dahil sa hirap ng buhay, lalong walang depensa ang mga tulad nina Maricel at Nelson sa mga kalamidad. Kung makaligtas man sila sa mismong bagyo, sira naman ang mga pananim at gamit nila sa produksiyon. Gutom sila sa mahabang panahon. “Kaming nasa interyor na mga baryo, nagtitiis sa gutom. Wala kaming inaasahang pagkukunan ng pagkain ngayong bagsak pa ang mga sagingan,” ani Maricel.

Matindi ang monopolyo sa lupa ng iilang panginoong maylupa sa Eastern Visayas, na siyang pangunahing dahilan ng kahirapan ng mayorya ng mga magsasaka sa rehiyon. Kahit may Comprehensive Agrarian Reform Program mula 1987 hanggang 2008, hindi nabuwag ang pag-aari ng iilang pamilya sa mayorya ng lupaing agrikultural dito. Mula 1972 hanggang 2008, 75 porsiyento ng ipinamahaging lupa’y pampublikong mga lupa at 25 porsiyento lang ang pribadong lupa, ayon sa Anakpawis Party-list.

Samantala, tinataya ng mga grupong pangkalikasan na nasa 30 porsiyento ng mga lupain sa Eastern Visayas ay may mining applications ng malalaki at dayuhang kompanya ng mina.

Pinagmamayabang

Sa lagay na ito, ipinagyabang pa ng gobyerno na “mabilis” umano ang rehabilitasyon sa apektadong mga lugar, kasama ang pagpapatayo ng permanenteng mga tirahan. Sinabi ito kamakailan ni Undersec. Danilo Antonio ng Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery.

Pero pinabubulaanan ito ng milyun-milyong mamamayang tulad nina Maricel. Wala silang matanaw na mabuting kinabukasan ngayon. Pinoproblema nila ang pag-aaral ng mga anak nila. Hayskul na ang panganay ng mag-asawa, pero kung hirap na nga sa pagkain, lalo pa sa pampa-eskuwela.

Samantala, abala si Aquino sa “pagpapamalas” ng rehabilitasyon ng Tacloban dahil bibisita ang Santo Papa ng Simbahang Katoliko, si Pope Francis I, sa Enero 2015. Dito makikita ang tunay na prayoridad ng gobyerno: hindi ang mga biktima. Aabot sa 7,000 pamilya sa Tacloban ang pinapalikas dahil sa road-widening at pagpapalaki ng paliparan.

“Binabatikos na nga ang administrasyong Aquino para sa kriminal na pagpapabaya sa mga biktima ng Yolanda. Ngayon, mahigit 7,000 naman ang mawawalan muli ng tirahan, dahil sa kalamidad na gawa ng tao na tinatawag na gobyernong Aquino. Muli ring mawawalan ng tirahan ang mga mamamayan ng Tacloban at iba pang lugar dahil sa mga polisiyang ‘no-build zone’ at ‘no-dwelling zone’ na pabor sa malalaking negosyo,” sabi ni Marissa Cabaljao, tagapagsalita ng People Surge, alyansa ng mga biktima ng Yolanda.

Sa Nobyembre 8, 2014, nakatakdang magprotesta ang libu-libong mamamayan ng Eastern Visayas kabilang sina Maricel at Nelson. Pabubulaanan nila ang “pakitang-tao” ng administrasyon at ihahayag na isang taon na ang dumaan, pero bulnerable pa rin ang mga mamamayan sa kalamidad.

Wala pa ring nagbabago. Pero ang mga mamamayan, galit na at handang ipaglaban ang karapatan.