Main Story

Bisita sa Vietnam


[cycloneslider id=”32484″] Mas kilala pa ng middle class na kabataan ng henerasyon ko—malamang, kahit ng kabataan ngayon—sina John F. Kennedy at Abraham Lincoln kaysa sina Ho Chi Minh at Mao Zedong. Ang unang dalawa, hinahangaan bilang huwarang mga lider ng demokrasya. Samantala ang pangalawang tambal, siniraan sa popular na kultura at Kanluraning edukasyon, binabansagang masasamang […]

[cycloneslider id=”32484″]

Mas kilala pa ng middle class na kabataan ng henerasyon ko—malamang, kahit ng kabataan ngayon—sina John F. Kennedy at Abraham Lincoln kaysa sina Ho Chi Minh at Mao Zedong.

Ang unang dalawa, hinahangaan bilang huwarang mga lider ng demokrasya. Samantala ang pangalawang tambal, siniraan sa popular na kultura at Kanluraning edukasyon, binabansagang masasamang tao. Tayo kasi ang mga mamamayang mas nakilala pa ang bisitang mula sa kabilang bahagi ng mundo kaysa sa mga kapitbahay.

Matatagpuan sa Asya, sa Timog-Silangang bahagi nito, ang Pilipinas. Pero dahil sa Kanluraning edukasyon at paglaganap ng popular na kultura, mas nakakaalam pa tayo sa kasaysayan ng Amerika at Europa kaysa sa sariling rehiyon ng mundo. Kung tutuusin, marami tayong matututunan sa karanasan ng mismong mga kapitbahay natin sa Timog-Silangang Asya at Tsina. Pero ang mga aral na ito, hindi tinuturo sa ating mga paaralan, at hindi nagiging paksa ng mga pelikulang Hollywood. Nasa Timog-Silangang Asya ang Pilipinas, pero hinubog tayo para maging utak-Amerikano at Kanluranin.

Hindi ligtas ang kabataan ko sa ganyang paghubog. Buti na lang, noong nag-aral sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Quezon City noong dekada ’90, nalantad ako sa radikal at makabayang pulitika. Marami akong makabayang guro na unti-unting nagpabago sa pagtingin ko sa Estados Unidos at Kanluran.

"Biyaheng
Kaunlaran sa Ho Chi Minh, Vietnam, 2014. KR Guda

Nakilala ko ang mga bayani ng nakaraan at kasalukuyang rebolusyon, mula kina Makario Sakay hanggang Pedro Abad Santos hanggang Claro M. Recto hanggang Jose Maria Sison, na hindi ko nakilala sa pag-aaral ng Kasaysayan sa hayskul. Napakilala rin sa akin ang kasaysayan ng mga bansang katulad ng Pilipinas—mahihirap, sinakop ng malalaking imperyo mula sa Kanluran, pero lumaban at iginiit ang kasarinlan. Panahong ito, nakilala ko ang mga tulad nina Mao Zedong at Ho Chi Minh.

Magmula noon, sinikap ko nang kilalanin ang ating bansa—higit sa mababaw na pagpapakilala nito sa pamamagitan ng edukasyon aming henerasyon. Nitong huling tatlong taon, sa iba’t ibang pagkakataon, personal kong kinalala ang mga bansang kapitbahay ng Pilipinas. Sandali lang ang mga pagbisita, pero tumatak sa kamalayan ko ang pagpapahalaga sa pag-aaral hinggil sa kanilang kasaysayan.

"Ha
Sa Ha Long Bay. KR Guda

Biyaheng Vietnam

Ano ba ang pagkakakilala ko sa bansang Vietnam noong kabataan ko?

Sa telebisyon, sinubaybayan ko ang TV series na pinamagatang Nam: Tour of Duty. Dito, bida ang mga Amerikanong sundalo na nasabak sa Vietnam war. Hindi ko nakuha ang konteksto ng giyera, o kung bakit may labanan sa pagitan ng mga Amerikano at Biyetnames. Pero ang malinaw, bida roon ang mga Amerikano. Taong 1989 naman nang sumikat sa bansa ang isang West End musical na Miss Saigon dahil sa pagkakakuha ng mga Pilipinong artista para gumanap ng Biyetnames na mga karakter sa naturang musical. Sa palabas na ito, simpatetiko ang karakterisasyon sa mga Amerikanong sundalo at masasama ang mga Biyetnames na sundalo.

Siyempre, sa UP ko na lang nalaman ang broad strokes ng kasaysayan ng Vietnam. May mahabang kasaysayan ito ng paglaban sa mga mananakop: sa mga Tsino sa norte, sa mga Pranses (French) mula sa Kanluran, at sa mga Amerikano noong dekada ’60 hanggang 1975. Matagal nang curious ako sa bansang ito. Kaya nang mayaya ng aking asawa, ilang kaibigan at mga kaanak na pumunta sa Ho Chi Minh City (dating Saigon) noong Marso 2011 at Marso 2012, at Hanoi noong Oktubre 2013, hindi na ako nagdalawang-isip na sumama.

Bagamat nasa pormal na pangalan pa ng bansang ito ang salitang “sosyalista”, matagal nang tinalikuran ng gobyerno ng Socialist Republic of Vietnam ang sosyalismo. Taong 1986, inilunsad nito ang “Doi Moi,” o ang mga “reporma” na pagbubukas sa ekonomiya sa dayuhang mga mamumuhunan (foreign investments), lalo na sa Kanluran at US. Bago nito, matindi ang blockade ng US sa Vietnam. Sa panahong ito, tinalikuran na rin ng mga gobyerno ng Unyong Sobyet (USSR) at Tsina (na kapwa pinamumunuan na ng burgesya) ang sosyalismo.

Sa dokumentaryong pelikula ng Australyanong mamamahayag na si John Pilger na pinamagatang “Vietnam: The Last Battle” (1995), napansin niya ang pagbabago ng ekonomiya ng Vietnam sa ilalim ng Doi Moi. Kung dati, kahit mahihirap (sa istandard ng Kanluran) ay mas pantay-pantay ang pang-ekonomiyang katayuan ng mga Biyetnames, sa ilalim ng Doi Moi ay umusbong ang monopolyong pag-aari sa lupa at industriya. Bumuhos ang dayuhang mga produkto, pero nananatiling mahihirap ang mayorya ng mga mamamayan.

Mahigit 15 taon matapos ang Doi Moi, ganito na rin ang inabutan ko sa dalawang sentrong lungsod ng Vietnam na Ho Chi Minh City at Hanoi: komersiyalisado, pero halata pa ring marami ang naghihirap. Mas maliit na lungsod ang dalawa kumpara sa Maynila, at hindi pa kasinglala (sa abot ng aking nakita) ang problema ng kahirapan sa lungsod ng mga mamamayan. Kung sa bagay, may mahigit 15 taon pa lamang ang karanasan ng Vietnam sa pagbuhos ng dayuhang (Kanluraning) mga produkto at investment, samantalang mahigit 110 taon na ang karanasan ng Pilipinas dito.

"Mga
Sa magulong kalsada ng Ho Chi Minh City. KR Guda

‘French charm’ at bakas ng rebolusyon

Ikinatutuwa ng mga turista sa Vietnam ang pagkapreserba ng charm ng Ho Chi Minh City at Hanoi bilang dating sentrong lungsod ng kolonyalismong Pranses: sa tabi ng makikipot na mga kalsada ang lumang gusali na produkto ng arkitekturang French. Laganap ang pagkaing French, pati ang kultura ng pagkakape at pagkakaroon ng coffee shops.

Pero para sa amin na turistang may interes sa kasaysayan ng Vietnam, higit na kaiga-igaya ang pagpapahalaga ng mga Biyetnames sa kanilang kasaysayan. Sangkatutak ang museo, kapwa sa Ho Chi Minh City at Hanoi, at di-mabilang ang mga monumento ng rebolusyonaryong mga lider, kabilang siyempre ang pambansang bayani na si Ho Chi Minh.

Parehong matatagpuan sa Ho Chi Minh City at Hanoi ang mga mueso na nagpapakita sa rebolusyonaryong paglaban ng Vietnam sa mga mananakop na Amerikano at Praneses. Sa Ho Chi Minh City, nariyan ang War Remnants Museum, Ho Chi Minh Museum, Reunification Palace, at pati ang Vietnamese Women’s Museum. Sa Hanoi, matatagpuan naman ang Ho Chi Minh Museum, Vietnam Military History Museum, Vietnam National Museum, B52 Victory Museum, Vietnamese Women’s Museum at Vietnam Museum of Revolution.

Siyempre, matatagpuan din sa Hanoi ang musoleo ni Ho Chi Minh. Katulad ng musoleo ng dakilang mga rebolusyonaryong lider ng Rusya (V.I. Lenin) at Tsina (Mao), pinreserba ng mga Biyetnames ang labi ng kanilang dakilang lider para magsilbing inspirasyon sa kanilang mga mamamayan at bilang pagkilala sa pamumuno ni Ho para mapagkaisa ang mga Biyetnames na labanan ang mga mananakop.

Milya ang haba ng pila nang makarating kami sa Ho Chi Minh Musoleum. Libre lang ang pagsulyap sa kanyang labi. Dati na namin narinig ang kuwento na karamihan sa mga bumibisita pa rin kay “Uncle Ho” ay mga pesante mula sa iba’t ibang probinsiya ng Vietnam. Naalala ko tuloy ang kuwento ng isang kaibigang mamamahayag na napunta naman sa musoleo ni Mao Zedong sa Beijing, China. Ganun din daw: karamihan sa mga pumipili—milya rin ang araw-araw na pila—ay mga pesante. Mahal ng mga magsasaka sina Ho at Mao; kapwa nila inilunsad ang pakikidigma laban sa mananakop sa lakas ng uring magsasaka. “Peasant army” nga raw ang hukbong pinamunuan nila sa kanilang “digmang bayan” laban sa lokal na mga naghaharing uri at sa mananakop (Pranses at Amerikano sa Vietnam, Hapon sa China).

Siyempre, may pagkakaiba rin ang dalawa, dahil pinamunuan pa ni Mao ang kanyang bansa matapos magtagumpay sa rebolusyon, samantalang namatay si Ho bago pa man mapagkaisa ang North at South Vietnam.

Legacy ng giyera

May kinalaman sa Vietnam War (ang tawag nila, “American War” at “French War”) ang marami sa mga destinasyong panturista sa Ho Chi Minh City at Hanoi. Hindi naman nakapagtataka, dahil dapat naman talagang ipagmalaki ang nagawa ng mga Biyetnames noong digmaan. Nakilala rin sa buong mundo ang bansang ito dahil sa digmaang inilunsad dito. At, salamat sa Hollywood, digmaan pa rin ang unang maiisip ng karamihan tuwing mababanggit ang bansang ito.

Sa Saigon, sangkatutak ang nag-aalok ng tours para bumisita sa Cu Chi Tunnels. Cu Chi ang lugar sa South Vietnam na nakaranas ng matinding pagbomba at pag-atake ng mga puwersang Amerikano dahil sa sinasabing malakas ding presensiya ng hukbong gerilya (mas kilala sa katawagang “Vietcong”) rito. Isang inobasyon na natatangi sa buong mundo ang paglikha ng mga Vietcong ng isang malawak na network ng mga undeground tunnel para sa transportasyon ng mga gerilya at iba pang military personnel nang di nakikita sa ibabaw ng lupa. Proteksiyon din nila ito mula sa pagbomba.

Ngayon, isang ganap na tourist site ang Cu Chi. Sa pamamagitan ng guide, makikita mo kung ano ang mga patibong na ginamit ng mga Vietcong, kung ano ang katutubong kagamitan na ginamit nila sa paglaban at pamumuhay sa panahon ng digmaan. Siyempre, masisilip mo rin ang mismong tunnels—na pinalaki na ang butas para magkasya maski ang malalaking dayuhang turista. May shooting range din doon na para sa mga turista—magagamit mo ang mga baril (M-16 o AK-47) na sinasabing ginamit noong digmaan.

"Uncle
Patuloy ang pagpaparangal ng gobyernong Biyetnames sa “ama” ng bansa, si “Uncle Ho”. KR Guda

Hati ang pakiramdam ko sa war tourism na ito sa Cu Chi, at iba pang lugar sa Vietnam. Sa isang banda, kahanga-hanga ang pagmamalaki ng mga Biyetnames sa kanilang maningning na kasaysayan ng paglaban sa pananakop. Mapapahanga ka sa paglaban na ipinakita nila, isang mahirap na bansa, sa harap ng pinakamakapangyarihang armadong puwersa sa buong mundo. At siyempre, mapapahanga ka na nagtagumpay sila sa digmaang ito. Maraming mapupulot na leksiyon ang mga Pinoy na tulad ko sa kaikling bisita sa Cu Chi at iba pang katulad na destinasyon sa Saigon at Hanoi.

Sa kabilang banda, hindi kaya ma-trivialize o mamaliit ang halaga, ng bahaging ito ng kasaysayan ng Vietnam kung gagawing mistulang theme park ang Cu Chi? Marami sa mga bumibisita roon (maraming turista ang bumibisita), palagay ko’y di naman masyado nakuha ang historical significance ng Cu Chi, na para bang historical curiosity na lang ito o ang mismong Vietnam War, at wala na itong masyadong halaga sa kasalukuyan.

Baka ganito nga ang kumplikasyong matatagpuan sa isang lipunan na matagumpay na lumaya mula sa pananakop, pero kalauna’y napagkanulo ng iilang nasa kapangyarihan ang tagumpay na ito. Kamakailan, nakakuwentuhan ang isang Biyetnames na bumisita rito sa Pilipinas, at sinabi niyang noong nabubuhay pa si General Vo Nguyen Giap (siya ang kumander ng militar ng North Vietnam na namuno sa pakikidigma sa US) matapos magtagumpay, tinutulan niya ang mga tangkang “reporma” (ang Doi Moi) dahil pagtalikod na umano ito sa kanilang mga ipinaglaban sa Vietnam War. Ngayon, tulad ng maraming bansa na napasailalim sa mga polisiyang neoliberal (neoliberal na mga polisiya ang nasa puso ng Doi Moi), lumalaki ang agwat sa iilang mayaman at mayoryang mahihirap sa Vietnam.

Maganda siguro kung nabisita namin ang Vietnam matapos magtagumpay ito sa digmaan at bago ang Doi Moi, sa pagitan ng 1975 at 1986. Pero nahuli man kami ng 15 taon, naging saksi pa rin kami at ang iba pang bumibisita ngayon sa Vietnam sa legacy ng maningning na paglaban at pakikibaka ng mga mamamayang Biyetnames. Dinagsa man ng kosmopolitanismo ang mga sentrong lungsod ng Hanoi at Saigon, hindi basta-basta mabubura ang kasaysayan dito. At ang mga mamamayan, kahit ilang henerasyon na ang nagdaan, hindi pa rin limot ang kanilang maningning na nakaraan.

At dahil nariyan pa rin ang pananakop, nariyan pa rin ang imperyalismo—hindi sa porma ng mga sundalong mananakop, siyempre, pero pananakop pa rin—higit sa isang posibilidad lang na maulit ang kasaysayan sa bansang ito.