Blue Jeans

Ang relihiyon nga ba’y ‘opium of the masses’ lang?

Isang linggo bago ang takdang araw ng pagdating ng Santo Papa, na gustong matawag na “Lolo Kiko” ng mga Pilipino, halos higit limang milyong mga deboto ng Nazareno ang dumalo sa taunan nitong prusisyon ng translacion mula Quirino Grandstand hanggang makabalik ito ng simbahan ng Quiapo [1]. Kahit pa tinatayang delikado ito at may mga […]

Isang linggo bago ang takdang araw ng pagdating ng Santo Papa, na gustong matawag na “Lolo Kiko” ng mga Pilipino, halos higit limang milyong mga deboto ng Nazareno ang dumalo sa taunan nitong prusisyon ng translacion mula Quirino Grandstand hanggang makabalik ito ng simbahan ng Quiapo [1]. Kahit pa tinatayang delikado ito at may mga banta ng aksidente, taon-taon na nagiging matagumpay na napapakilos ng simbahan ng Quiapo ang mga deboto ng Nazareno.

Kung meron man na tipo ng institusyon sa bansa na nakakapagpakilos taun-taon, sa antas ng milyun-milyon na mga tao, ito ang simbahan. Maging ang Iglesia ni Cristo nga, na mas maliit bagama’t kasing lawak ang impluwensiya ng sa Simbahang Katoliko, ay nakapagpakilos ng halos isang milyong kasapi sa pagdiriwang ng kanilang sentenaryo nitong nakaraang taon [2].

Sa nalalapit na misa ng Santo Papa sa Luneta sa darating na Enero 18, ang pagtataya ay aabot sa apat hanggang anim na milyon ang makikilahok [3]. Bukod pa ito sa daan-daang libo, kung hindi man milyon, na magpupunta sa iba’t-iba pang aktibidad ng Santo Papa sa Tacloban, SM Mall of Asia, at Unibersidad ng Santo Tomas [4].

Kaya kung mayroon mang maituturo sa mga progresibo ang kasaysayan ng simbahan, ito ang pananatili ng relihiyon bilang makapangyarihan sa pagpapakilos ng mga mamamayan. Sa katunayan, kahit nga ang EDSA People Power noon na lumaban sa diktadurang Marcos, ay umabot lang na dalawang milyon ang nakilahok [5]. Samakatuwid, kung sa dami lang din at kakayahang magpakilos, walang kaparis na pwersa sa bansa ang relihiyon at/o simbahan.

Pero bilang mga progresibo, inaasahan ko na may pagtutol na kaagad, kahit sa punto pa lamang na ito, sa nais duluhin ng talakayan ko: “ano ba naman kasi ang maaaring maging relasyon ng Marxismo at relihiyon?” Hindi ba at mismong si Marx na nga ang nagsabi na ang relihiyon ay “opium of the masses?

Totoong sinabi ito ni Karl Marx sa kanyang Introduction to a Contribution to a Critique of Hegel’s Philosopy of Right noong 1844. Ito nga ang magsisilbing salalayan ng pagsusuri ng mga Marxista na ang paniniwala sa Diyos ay repleksyon ng isang “alienated humanity [6].” Ito na din ang pundasyon ng madalas natin marinig sa isa’t isa at sa mga kapwa progresibo na nagsisilbing “smokescreen” ang relihiyon sa mapagsamantalang panlipunang relasyon ng bawat isa at ginagamit din ang relihiyon upang mangarap na lamang ang mga inaaapi sa isang mas magandang kabilang-buhay kaysa makibaka para sa isang mas makatarungang lipunan sa kasalukuyan.

Dahil pamilyar tayo sa kalakaran ng Marxismo, alam natin na, sa pangkalahatan, tinuturing natin na reaksiyonaryo ang simbahan at/o relihiyon. Sa katunayan, batay sa sariling karansan, may palihim pa nga na pagsisikap na baguhin ang mga relihiyosong progresibo o ang mga tinatawag na “churchy-churchy.”

Gayunpaman, sa muling pagbasa at paglilinaw ng Pranses na Marxistang si Roger Garaudy, hindi buong tumatalikod si Marx sa relihiyon at kapasidad nito na maging daluyan ng kamulatan at progresibong kamalayan ng mga mamamayan [7]. Sa katunayan,

[t]he thesis that religion always and everywhere turns man away from action, from struggle and from work is in flagrant contradiction to the facts of history.

What is more, this was never Marx’s thesis.

In the very text in which we find the famous formula, “Religion is the opium of the people,” Marx emphasizes, several lines further on, that “religious suffering is the same time an expression of real suffering and a protest against real suffering (sa akin ang pagdidiin).”

Kung sa kalagayan ng Pilipinas, mas katanggap-tanggap ang ganitong inisyal na diyalektikal na lapit sa pagsusuri ng relihiyon at/o simbahan. Dagdag pa nga ni Garaudy, nangangahulugan ito na ang simbahan at/o relihiyon, pana-panahon at sa iba’t ibang yugto, ay maaaring maging batis ng “alienation” at reaksyon o “liberation at progreso.

Noong 1850, isinulat ni Frederick Engels, sa kanyang The Peasant War in Germany, na ang rebolusyong Aleman ay pababalik at kagyat na pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa daigdig. Dagdag pa niya, sa introduksiyon niya sa kaparehas na aklat noong 1870, sinabi niya na,

[t]his book, while giving the historic course of the struggle only in its outlines, undertakes to explain the origin of peasant wars, the attitude of the various parties which appear in the war, the political and religious theories through which those parties strove to make clear their position (sa akin ang pagdidiin).”

Samakatuwid, ang rebolusyonaryong aktibidad ng mga pisante sa Alemanya, batay kay Angels, ay gumamit ng mga teorya ng relihiyon upang makatulong sa pagpapakilala sa iba ng kanilang mga paninindigan sa mga isyu. Kung gayon, tumpak si Marx, na pana-panahon ay maaaring magsilbi ang relihiyon bilang “protest against real suffering.”

Maaari din bang itulad dito ang karanasan ng mga Katipunero at iba pang mga rebolusyonaryo na nag-aklas laban sa pananakop ng Espanya noong 1896? Batay sa pag-aaral ni Reynaldo Ileto [8], naging malaking bahagi ang pasyon na inaawit tuwing Semana Santa, na nagpapakita ng pagpapakasakit, pang-aapi at pagsasamantala kay Hesukristo, upang mapagtanto ng mga “Pilipino” ang pangangailangan na mag-aklas laban sa mga dayuhang Espanyol. Sa katunayan, bukod sa Katipunan, sa panahong 1840 hanggang 1910, ay dumami din ang mga kilusang pagpapalaya sa bansa na “proto-religious” ang oryentasyon.

Maaari din sabihin na maging ang EDSA People Power 1 ay may relihisyong oryentasyon dahil sa naging bahagi ng Simbahang Katoliko sa pagpapakilos sa mga mamamayan noong panahon na iyon.

Gayunpaman, may paalala ang Marxistang-teologo na si Hans Küng [9],

However effectively we prove that religion is not simply opium of the people, when this is the way it works in practice all arguments are of little use.

However clear our exposition that religion does not simply reflect the conditions of earthly domination, when it does son in fact all exposition is of little help.

However well we establish the principle that God cannot be understood as guarantor of existing social injustice, when he is in fact invoked as such all theology to the contrary is of little use.

Positively this means- and according to Marx, this, too, is a matter of theology- that the truth of belief in God must be proved, tested, verified in practice. It must be proved in practice that religion is not opium, that it does not serve earthly power or sanction injustice.”

Sa pagbisita ni Papa Francis sa bansa, kilalang repormista sa Simbahang Katoliko, inaasahan ng mga progresibo na yayanigin niya ang umiiral na konserbatibo na teolohiya ng simbahan sa Pilipinas. Wika nga niya [10],

“[i] can only say that the communists have stolen our flag. The flag of the poor is Christian. Poverty is at the center of the Gospel.”

Pero para sa mga progresibo, lalo na ang nananatili ang pananampalataya, wala sa Santo Papa kung hindi nasa mga kamay natin ang gawain upang maipakita, kaparehong sa teorya at praktika, ang mapagpalayang potensyal at katangian ng relihiyon upang mapakilos ang mamamayang sinasamantala na baguhin ang kanilang aping kondisyon.


[1] “Sea of devotees at Black Nazarene procession” nina Christina Hermoso, Rachel Burce at Agence France-Presse sa Manila Bulletin, 10 Enero 2015.

[2] “Millions attend Iglesia centennial” sa Tempo, 28 Hulyo 2014.

[3], [4]. “6M expected to attend Papal Mass at Luneta” ni Tina Santos sa Philippine Daily Inquirer, 19 Nobyembre 2014.

[5] “People Power, the Philippine Revolution of 1986: An Eyewitness History” nina Paul Mercado at Francisco Tatad, inilimbag sa lungsod ng Maynila ng James B. Reuter, S. J., Foundation, 1986.

[6] “Marxism and Philippine Theology” ni Joseph Scalies sa Marxism in the Philippines: Continuing Engagements na inedit nina Teresa Tadem at Laura Samson, inilimbag sa lungsod ng Mandaluyong ng Anvil Publishing, Inc., 2010.

[7] “From anathema to dialogue: A Marxist challenge to the Christian churches” ni Roger Garaudy, inilimbag sa New York ng Vintage Books, 1968.

[8] “Pasyon and revolution: Popular movements in the Philippines, 1840-1910”

ni Reynaldo Ileto, inilimbag sa lungsod ng Quezon ng Ateneo de Manila University Press, 1971.

[9] “Does God exist?” ni Hans Küng, inilimbag sa New York ng Vintage Books, 1981.

[10] “Pope says communists are closet Christians” ng Reuters, 29 Enero 2014.