Kabataan

Estasyon ng tren, sinugod ng kabataang tutol sa taas-pasahe


Hindi nagpaawat ang kabataan sa pagprotesta sa harapan mismo ng Light Rail Transit (LRT) 2 sa Legarda Street sa Maynila kontra taas-pasahe sa tren. Para sa iba’t ibang organisasyon ng kabataan, dagdag pasakit umano sa kanila at sa kanilang mga magulang ang dagdag na pasahe sa tren. Naniniwala sila na di makatarungan ang ipinatupad na […]

Pribatisasyon sa ilalim ng public private partnership, itinuturong dahilan ng kabataan sa pagtataas ng singil sa pasahe sa tren. Pher Pasion
Sinugod ng kabataan estastyon ng tren sa Legarda sa Maynila laban sa dagdag-singil sa pasahe. <strong>Pher Pasion</strong>
Sinugod ng kabataan ang estastyon ng tren sa Legarda sa Maynila laban sa dagdag-singil sa pasahe. Pher Pasion

Hindi nagpaawat ang kabataan sa pagprotesta sa harapan mismo ng Light Rail Transit (LRT) 2 sa Legarda Street sa Maynila kontra taas-pasahe sa tren.

Para sa iba’t ibang organisasyon ng kabataan, dagdag pasakit umano sa kanila at sa kanilang mga magulang ang dagdag na pasahe sa tren.

Naniniwala sila na di makatarungan ang ipinatupad na dagdag na pasahe lalo na’t sa pribadong interes mapupunta ang kita mula sa dagdag-singil at hindi sa pagpapabuti ng serbisyo sa tren.

Pahirap sa estudyante

Sa estudyante tulad ni Lester Artade, second year sa National University sa kursong business and accountancy, malaking tulong ang dating abot-kaya pang pamasahe sa LRT 2. Pero ngayon, kinakain na nito ang kalahati ng kanyang baon.

“Magkano lang baon namin, P100–tapos mamasahe pa kami. Sa Marikina pa ako umuuwi, pagdating ko dito pagkain ko pa. Magkano pa gagastusin ko? Malaki na yung maitutulong sa pangkain at iba pang gastusin sana (sa eskuwelahan),” ayon kay Artade sa Pinoy Weekly.

Para naman kay Rey Herminio, na nasa ikatlong taon sa kursong civil engineering sa University of the East, walang karapatan na magtaas ng singil ang pamunuan ng tren dahil hindi naman napapaunlad ang serbiyo sa mga mamamayan.

Katulad ni Artade, malaking porsiyento ng baon ni Herminio ang napupunta lang sa pamasahe mula sa kanilang tirahan sa Quezon City. Mahigit P40 ang kanyang ginagastos sa pamasahe mula sa P100 baon niya sa isang araw.

“Tama ‘yung ginagawa nila (mga nagpoprotesta) dahil wala namang ginagawa ang management (ng LRT) para ayusin ang serbisyo nila. Tulad ngayon, domuble ang pamasahe ko sa parehong serbisyo na natatanggap ko sa tren,” ani Herminio.

Pribatisasyon sa ilalim ng programang Public Private Partnership, ang itinuturong dahilan ng kabataan sa pagtataas ng singil sa pasahe sa tren. <strong>Pher Pasion</strong>
Pribatisasyon sa ilalim ng programang Public Private Partnership, ang itinuturong dahilan ng kabataan sa pagtataas ng singil sa pasahe sa tren. Pher Pasion

Di sa serbisyo

Sa maraming pahayag ni Department of Transportation and Communication (DOTC) Sec. Joseph Emilio Abaya para ipagtanggol ang taas-singil, inaamin niyang mapupunta sa pribadong sektor ang kita rito.

“Hindi naman pala sa pagpapaganda ng tren mapupunta ang dagdag-singil sabi mismo ni DOTC Sec. Joseph Emilio Abaya. Saan mapupunta? Sa mga bulsa ng mga Ayala, sa bulsa ni Pangilinan, sa bulsa ng mga negosyante,” ani Einstein Recedes, tagapangulo ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP).

Dagdag pa ni Recedes, walang ginagawang pagpapaunlad ang pribadong sektor sa pagpapatakbo ng mga linya ng tren. Walang anumang ginhawang nakukuha ang mga mamamayan sa mahahabang pila, bulok na mga tren, siksikan, at iba pang kalunus-lunos na kalagayan ng tren at mga komiyuter sa kamay ng pribadong sektor.

“Bulok na nga ang serbisyo, may gana pa silang magtaas. At ang pagtataas hindi pa sa serbisyo mapupunta, sa mga bulsa nila!” ayon kay Recedes.