Pambansang Isyu

Tunay na mukha ng kahirapan, dapat makita ni Pope Francis sa pagdating niya


Dahil mayorya sa mga Pilipino ay Katoliko, tinitingnang malaking karangalan ang pagdating ni Pope Francis ngayong Enero. Pero para sa maraming mamamayan na nakararanas ng matinding kahirapan at pagsasamantala araw-araw,  malaking pagkakataon din ang pagdating niya para maiparating sa Santo Papa at sa buong mundo ang tunay na kalagayan ng bansa. Dahil dito, binuo ang […]

Isinulat ng iba't ibang sektor ang kani-kanilang mga karaingan para sa Santo Papa. Pher Pasion
Press conference ng People's Welcome para iparating ang kanilang kagalakan sa pagdating ng Santo Papa at maiparating ang kanilang mga isyu. <strong>Pher Pasion</strong>
Press conference ng People’s Welcome para iparating ang kanilang kagalakan sa pagdating ng Santo Papa at maiparating ang kanilang mga isyu. Pher Pasion

Dahil mayorya sa mga Pilipino ay Katoliko, tinitingnang malaking karangalan ang pagdating ni Pope Francis ngayong Enero.

Pero para sa maraming mamamayan na nakararanas ng matinding kahirapan at pagsasamantala araw-araw,  malaking pagkakataon din ang pagdating niya para maiparating sa Santo Papa at sa buong mundo ang tunay na kalagayan ng bansa.

Dahil dito, binuo ang The People’s Committee to Welcome the Pope o People’s Welcome para sa pagdating ng Santo Papa. Binubuo ito ng iba’t ibang sektor gaya ng manggawa, magsasaka, maralitang lungsod, taong simbahan, human rights defenders, mga biktima ng kalamidad, kabataan, at mga propesyunal.

Layun nilang ipaabot sa Santo Papa ang unay na mukha ng kahirapan na kanilang nararanasan sa ilalim ng adminstrasyong Aquino.

Hindi lamang pagdalaw

Ayon sa People’s Welcome, malapit ang Santo Papa hindi lamang dahil sa Katolikong bansa ang Pilipinas kundi dahil sa maraming mamamayang Pilipino ang naghihirap.

“Hindi simpleng pagbisita ang pagdating ng Santo Papa. Mayroon itong mensahe at ang mensahe ay laging pulitikal. Sa mahirap na bansa gaya ng Pilipinas na isa sa pinakakorap at may anti-mamamayan na gobyerno, mahalaga ang pagsasalita ng Santo Papa,” ayon kay Tinay Palabay, miyembro ng People’s Welcome.

Malaki ang hamon para sa mga mamamayan na magsalita at iparating sa Santo Papa ang kanilang mga isyu na kanilang kinakaharap, dagdag ni Palabay.

Gaya ni Rudy Corpuz, magsasaka mula sa Hacienda Luisita, nais nilang iparating ang patuloy na pandarahas at kawalang hustisya na kanilang nararanasan.

Hiling naman ni Nikki Gamara, anak ng bilanggong pulitikal na si Renante Gamara, na matulungan sila ng Santo Papa na mapalaya ang kaniyang ama at iba pang bilanggong politikal.

Isinulat ng iba't ibang sektor ang kani-kanilang mga karaingan para sa Santo Papa. <strong>Pher Pasion</strong>
Isinulat ng iba’t ibang sektor ang kani-kanilang mga karaingan para sa Santo Papa. Pher Pasion

Sa mga naunang naging pahayag ni Pope Francis mula nang maupo ito bilang Santo Papa, malinaw ang kanyang mga pahayag para sa mga mahihirap. Maging ang marangyang pamumuhay ng mga opisyal ng simbahan ay kanyang nilalaban.

Nagsalita din ang Santo Papa iba’t ibang isyu gaya ng palaban sa climate change at maging laban sa sistema ng kapitalismo.

Naging instrumento rin umano ang Santo Papa sa pagpapalaya ng tinaguriang mga bilanggong pulitikal na Cuban 5 sa US.

Malayong agwat ng simbahan at ng mamamayan

Para naman kay Fr. Freddie Dulay, isang paring Katoliko, may malaking agwat ang mahihirap at institusyon ng simbahan sa Pilipinas. Dahil dito, kailangang mag-ingay ang mga mamamayan para marinig ng Santo Papa.

“Bakit Simbahan ang kailangang mamili kung sino ang makakasama ng Santo Papa? Bakit hindi hayaan na ang mahihirap mismo ang magsalita para sa kanila mismo? Sila ang mga sektor na kailangang higit na magsalita para marinig ng Santo Papa,” ani Fr. Dulay.

Dagdag niya, kung ang magsasalita lamang ay mula sa simbahan, ang perspektiba ng mga ito mula sa komportableng posisyon ang maririnig lamang ng Santo Papa. Malayong malayo ito sa perspektiba ng mga mahihirap na araw-araw nararamdaman ang kahirapan at pagsasamantala.

“Kailangang bulabugin ang simbahan. Maging ang Santo Papa ay sinabi ito,” ayon kay Fr. Dulay.

Nakatakda ang iba’t ibang pagkilos ng People’s Welcome upang ipakita umano ang kanilang  kagalakan sa pagdating ng Santo Papa.